Magagaang tampal sa pisngi ang nagpagising sakin mula sa malalim na pagtulog. Bahagyang kadilim naman ang bumungad sakin pagkamulat ng mga mata ko. May pagtatakang inilingap ko ang mga mata habang iniisip kung nasan ako at kung ano ang mga nangyari bago ako lamunin ng kadiliman.
Pupungas-pungas pa ang mga mata ko habang inaaninaw ang paligid. Gumegewang pa sa loob ng tila kulungang gawa sa kahoy na kinamulatan ko. Noon ko naalalang dinakip nga pala ako ng mga tulisan. Agad akong nakaramdam ng pag-aalala para kay Ares. Kung sana lang ay nasa mabuti itong kalagayan. Humugot ako ng malalim na hininga bago muling lumingap sa paligid.
Nabungaran ko ang mukha ng isang babae na nakasuot ng magandang damit na nababalutan na ng dumi. Marahil ay siya iyong gumigising sakin kanina. Mukhang magkaedad lang kami nito kung titignang mabuti ngunit nababahiran ng dumi ang magandang mukha nito kaya’t hindi rin agad iyon mahahalata. Nasa mga mata nito ang takot sa kabila ng matapang nitong na anyo.
Nang ilibot kong muli ang tingin ay nakita ko ang ilan pang kababaihan na mga nagsusumiksik sa sulok. Ang ilan ay nakayakap pa sa isa’t isa at ang ilan naman ay mangiyak-ngiyak pa. Pulos mga nakasuot ng magagandang bestida at mukhang mga may sinasabi sa buhay. Kung pagbabasehan ang anyo ng mga ito ay mukhang mga dalaga pa ang mga ito. Siguradong mga dinakip din ang mga ito at isinama ng sapilitan. Bigla kong naalala ang mga kasamahan kong nabihag noong unang mamulat ako sa mundong ito. Ibinalik kong muli ang tingin sa babaeng nasa tabi ko ang tingin. Parang nakikita ko si Aila sa kanya. Ganitong-ganito ang pangyayaring iyon noon.
“Ayos ka lang ba?” magkahalong pagtataka at pag-aalala sa tinig nito.
Tumango ako. “Matagal ba akong tulog?”
Umiling ito. “Ginising lang kita. Mukhang malapit na tayo sa pagdadalhan nila satin.”
Nangunot ang noo ko. “Saan nila tayo dadalhin?”
“Sa isang auction house malapit sa kabilang bayan,” mahinang sagot nito. Ibinaling nito sa iba ang tingin kaya’t hindi ko na nakita ang reaksyon niya.
Kung ganoon ay may balak pala silang ibenta kami tulad ng balak nila noon. Mukhang ganoon talaga ang ginagawa nila sa mga kababaihang dinadakip nila. Kung hindi ako nagkakamali ay iyon ang pinakapinagkakakitaan ng mga ito. Ang gawing kalakal ang mga kababaihan. Ano kaya ang mga nangyari sa mga kasama naming bihag noon ni Aila? Sana ay nakatakas sila at hindi napunta sa mga masasamang kamay na nag-aabang sa auction house na iyon.
“Mukhang kailangan na nating makatakas agad,” determinadong turan ko na siyang ikinagulat naman ng babaeng nasa harapan ko at nang ilang nakarinig sa akin. Sa lakas ng mga singhap nila ay nakasisiguro akong mga takot ang mga itong gumawa ng paraan.
“Nahihibang ka na ba?” hindi makapaniwalang sabi ng nasa tabi ko. “Sa tingin mo ba ay makakatakas pa tayo sa sitwasyon na ito? Tignan mo ang paligid mo. Nakakulong tayo at ang tanging siwang lang na meron sa kulob na bagon na ito ay ang rehas na bintana sa may pinto.”
“Sinubukan nyo na ba?” anas ko nang nakatingin dito ng diretcho. Sinusukat ang tapang na ipinapakita nito. “Mukhang hindi pa. Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Walang mangyayari kung magmumukmok lang sa takot.”
Saglit akong tinitigan nito na tila ba nag-iisip. Pagkalipas ng ilang sandali ay ngumiti ito sakin. “Matapang ka. Erina,” pakilala pa nito sabay alok ng kamay.
Malugod ko namang tinanggap iyon. “Dionne.”
“So, Dionne, anong plano mo kung paano makakaalis dito?”
BINABASA MO ANG
"YES, YOUR HIGHNESS!"
FantastikTila pinapaboran si Dionne ng pagkakataon nang magkaroon siya ng pangalawang buhay matapos maaksidente. Idagdag pa roon ang pagliligtas sa kanya ng isang gwapong estranghero na nagpakilala lang na Ares, without a surname. Strange but having Ares ar...