"Wag ka munang huminga, Dionne. Hindi ko pa naitatali," sermon sa akin ni Helina habang inaayos ang suot kong corset. Parang hindi na nga ako makahinga sa sobrang higpit ng ginagawa nya. Napapaisip tuloy ako kung magagawa ko pa kayang kumain mamaya sa banquet dahil parang wala ng espasyo sa damit ko oras na maparami ako ng kain.
Halos kanina pa kami dito sa kwarto ko at walang tigil akong inaayusan. Tanghali palang ay nagsara na sila Helina para mapaghandaan ang pagdalo sa banquet na idaraos sa malawak na lupain ng mga Bonnefare. Kaya heto kami ni Helina at kanina pa din ako nagpipigil sa paghinga sa kakahigpit niya ng tali. Tapos na niyang ayusin ang buhok ko kaya't tinutulungan naman niya ako sa damit. Ganoon din naman siya ngunit mas pinili niyang tulungan muna ako dahil na rin sa sinabi kong ngayon lang ako makapagsusuot ng magarbong ballgown. Noong nakaraang buhay ko kasi ay hindi ko man lang naranasang makapagsuot noon.
Nauna na niyang ayusan ako kanina. Napahanga pa ako ni Helina sa ginawa niyang ayos sa akin. Uso naman sa panahon na ito ang mga make up, iyon nga lang ay hindi kasing modern noong sa nakaraang buhay ko. Hindi gaanong kakapalan ang inilagay ni Helina sa akin. Noong una ay sinabi kong ako nalang ang gagawa noon ngunit naging mapilit siya kaya hinayaan ko nalang din. Bilang isang sekretarya sa nakaraan ko ay sanay akong medyo may kakapalan ang koloreteng nilalagay sa mukha, ngunit ang ginawa ni Helina ay light lang kaya naninibago ako. O sadyang magaling lang talaga siyang mag-ayos.
Pagdating sa buhok ay ipinusod niya iyon sa isang messy bun saka nag-iwan ng mangilan-ngilang buhok na natural ang pagkakulot sa dulo. Noong una ay hindi ko pa makilala ang sarili ko sa salamin sa nagawa niyang milagro sakin. Para kasing hindi ko nakilala ang sarili ko sa naging ayos ko. Muntik ko na nga siyang mahalikan kanina sa sobrang tuwa.
"Hindi na ako makahinga, Helina. Makakakain pa ba ako nito?" Reklamo ko dito nang magawa na nyang ibuhol ang tali sa likod ko. Pakiramdam ko kasi ay nabibigti ang tiyan ko. Masyado tuloy humuhulma ang hubog ng katawan ko. Maging sa gawing dibdib ay nagmukhang malulusog dahil doon. Bagay na nagpaalala sa akin sa nangyari kagabi.
Bawat halik at haplos ni Ares sa balat ko na tila ba nag-iiwan ng init na hanggang ngayon ay damang-dama ko pa din. Pati na ang malayang paglalakbay ng kamay nya sa bawat parte ng katawan ko at kung paano nya ako angkinin ng buong pananabik. Bigla ay naramdaman ko ang init na unti-unting namumuo sa kaibuturan ko.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig ng mabalik sa realidad ang isip ko. Ngaling-ngaling kong batukan ang sarili ko sa kung anong dumadaloy sa isip ko. Muntik ko ng makalimutang kasama ko si Helina. Bago pa man ako makaramdam ng pag-iinit ng pisngi ay agad ko ng pinalis ang mga bagay na iyon sa isip ko dahil baka makita pa ni Helina at maghinala pa ito.
"Huwag kang eksaherado, Dionne. Tama lang ang higpit na ginawa ko," anito habang abala sa pagkuha ng mga petticoat na nakasalansan sa kama. Kanina ng dalhin iyon ni Helina ay noon ko lang din nalaman kung ilang patong ng damit ang isinusuot bago pa maisuot ang mismong gown. Bigla tuloy parang natamad na akong dumalo. Hindi ko kasi maisip kung gaano kainit at kabigat iyon. Tapos ay aabutin pa ng ilang oras sa banquet na iyon.
Walang sabi-sabing isinuot sa akin ni Helina ang mga hawak na pangsuson saka mabilis na inayos. Hindi naman na ako nagreklamo pa para makatapos na kami. Nang matapos sa mga pangsuson ay umalis siya sa tabi ko para kuhanin ang damit na nakabalot pa sa tela. Nakamasid lang naman ako sa kanya habang tinatanggal ang balot noon. Hindi ko naman makita agad ang damit dahil nakatalikod siya sakin.
"Isuot na natin sayo itong ginawa ni Myrtha para makatapos ka na," anito habang papalapit sa akin bitbit ang gown na ipinagawa nya sa tinawag nitong Myrtha. Iyon ang anak ng may-ari noong dress shop kung saan naka-display iyong puting gown na nakita ko noon.
![](https://img.wattpad.com/cover/298570306-288-k401531.jpg)
BINABASA MO ANG
"YES, YOUR HIGHNESS!"
FantasiTila pinapaboran si Dionne ng pagkakataon nang magkaroon siya ng pangalawang buhay matapos maaksidente. Idagdag pa roon ang pagliligtas sa kanya ng isang gwapong estranghero na nagpakilala lang na Ares, without a surname. Strange but having Ares ar...