HELLOISE IVONNE
"ILANG araw na ba tayo rito, mama?" tanong ko kay mama sa tabi ko sa isang sulok ng isang madilim na kuwarto rito sa apartment.
Pasalin-salin kami ng matutuluyan at hindi ko na mabilang kung pang-ilan na ang apartment na tinutuluyan namin kasama ang mga taong gusto pang mabuhay. Wala pa kaming kain at hindi ko na matandaan kung kailan pa ang huling kain namin.
"Hindi ko rin alam, anak," sagot niya. "Pero magpakatatag ka, Helloise, makakatakas din tayo rito sa lugar na 'to."
Nakatingin lang ako sa kaniya saka tumango. Tumango ako kahit takot na takot ako sa mga oras na 'to.
Napatingin ako sa pintuan at nakita ko roon si papa na nagbabantay kasama ang ilang mga kalalakihang kasama namin sa pagtakas. Napatingin siya sa'kin saka ngumiti. Isang ngiti na nagpapatahan sa takot kong puso. Ipinahihiwatig nito na hindi dapat ako matakot dahil nandiyan siya, sila.
Yumakap na lang kay mama saka napapikit, iniisip na magiging maayos ang lahat.
Pero ang mapayapang panunuluyan namin ay nabulabog nang may kumatok nang malakas sa pinto mula sa labas.
Nataranta ang lahat at nabawasan na naman ang pag-asa kong makatakas nang buhay sa lugar na 'to.
Napasinghap ako sa aking agarang pagbangon nang bumalik ang alaala ng buhay namin noon. Noong kasama ko pa sina mama at papa. Noong sabay pa kaming tumatakas palayo sa mga infected. Pero ngayon, hindi ko na sila kasama, wala na sila.
Nagising ako kaninang madaling araw pero nakatulog ulit at nagising na naman dahil sa isang bumalik na alaala.
Pilit kong inaalala ang sumunod na nangyari pero hanggang dito lang ang naaalala ko.
Napahilamos ako ng mukha gamit ang kumot nang tumulo ang luha ko. Napahagulgol ako habang iniisip ang nangyari sa kanila ni mama.
Hindi ko inakala na magiging infected silang dalawa. Hindi ko inisip na hahantong sa ganito. Hindi ko in-expect na mawawala sila agad.
Umaasa pa naman ako na makikita ko sila ulit, na mahahanap ko sila kapag makasama na ako sa pagkuha ng supplies sa siyudad. Tapos makikita ko na lang na infected na sila, hindi na tao.
Ano ba ang nangyari noong napunta kami sa gubat? Alam kong mga infected ang mga humahabol sa'min pero paano kami napunta sa ganitong sitwasyon?
"Helloise."
May tumawag sa'kin pero hindi ako lumingon. Nakatalikod ako sa pinto at kahit gusto kong magkulong sa kuwarto at hindi papasukin si Deze, hindi puwede. Patatalsikin ako ni uncle.
"Helloise."
Palapit na palapit ang boses sa kinaroroonan ko pero hindi ako gumalaw.
"Mupy."
Tila gumalaw ang tainga ko pagkarinig ko ng salitang 'yon. Bahagyang pumihit ang ulo ko pagilid pero hindi ko siya tiningnan. Shemay. Hindi ako dapat gumalaw 'di ba?
"Kumain ka na. Isang araw ka ng hindi kumakain," mahina pero bakas pa rin ang diin sa boses niya.
"Ayoko," matigas kong tugon.
Dinig ko ang malakas niyang pagbuga ng hangin. "Look. I didn't mean what happened the other day. Hindi ko sinasadyang patayin sila. I didn't mean to hurt you. At hindi ko naman alam na mga magulang mo pala sila."
Hindi ako kumibo. Oo. Alam kong wala siyang kasalanan pero hindi ko lang kasi matanggap na pinatay niya sila. Ewan ko basta may nararamdaman akong kakaiba na hindi ko maipaliwanag kung ano.
BINABASA MO ANG
The Vedestra Epidemic
Science Fiction[COMPLETE] A cosmetic scientist, who is living in Vedestra City, discovers a new beauty medicine. A medicine that can make someone's skin spotless white and free from various skin blemishes. He considers his creation a notable breakthrough. But one...