Adeena
"Magandang araw, Adeena!" Mula sa pamimitas ng mga bulaklak sa gilid ng batis nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Agad na umarko ang labi ko sa isang ngiti nang makita ko si Luna na kumakaway sa akin.
"Magandang araw din, Luna!" Balik kong sabi. Agad kong tinipon ang mga bulaklak na nakuha ko sa aking sisidlan at lumapit kay Luna.
"Kamusta ang reyna, Adeena? Ang sabi ni Eleanor hindi raw maganda ang pakiramdam niya nitong nakaraan" tanong sa akin ni Luna, pagtutukoy sa aking Ina.
"Maganda na ang pakiramdam niya. Mabisa ang gamot na ginawa ni Illiana para sa kaniya" nakangiti kong sabi.
"Mabuti naman kung gano-"
Sabay kaming natigilan ni Luna nang sabay-sabay na tumunog ang trumpeta ng palasyo. Sandali kaming nagkatinginan at nagmamadaling tumakbo papunta sa palasyo. Hindi ko na inalintana ang nabitawan kong sisidlan at mas binilisan ang takbo.
Malakas ang kabog ng aking dibdib habang palapit kami sa palasyo. Parami nang parami na ring Fhrym ang nasasalubong namin na mga kapwa natataranta.
Ang trumpeta ng palasyo ay tumutunog lamang kapag may mga importanteng kaganapan sa aming kaharian. Pangalawang beses pa lamang itong tumutunog ngayon, ang una ay nang mawalan ng malay ang reyna.
Kapwa man naghahabol pa ng hininga, hindi na kami tumigil ni Luna at dumaretso sa kwarto ng kapulungan sa palasyo. Agad na binuksan nila Akaia at Alaia ang pinto para sa amin. Nang makapasok kami sa loob nadatnan namin ang mga kapatid ko na seryosong nag-uusap.
"Anong nangyayari?" Taranta kong tanong na nagpalingon sa kanila.
"Sumunod kayo" turan ni Eleanor at tumayo. Lumapit naman sa akin si Illiana at humawak sa kamay ko.
"Huwag kang mabibigla sa makikita mo, ha?" Malumanay niyang sabi at saka ako iginaya sa direksyong nilakaran ni Eleanor. Taka kaming nagkatinginan ni Luna dahil sa sinabi ni Illiana. Anong nakakabigla ba ang nangyari?
Matapos naming baybayin ang mahabang pasilyo ng palasyo, tumigil si Eleanor sa harap ng isang pinto at tumingin sa akin.
"Adeena, hinga nang malalim" sabi niya na nagpakunot ng noo ko. Magtatanong pa sana ako nang buksan na niya ang pinto at bumungad sa akin ang isang nakataling lalaki-sandali, ano?
"LUNA ANG SIBAT!" Malakas kong sigaw. Akmang ilalabas na ni Luna ang kaniyang sibat nang pigilan siya ni Eleanor.
"Kumalma kayong dalawa. Naka-tali ang lalaking 'yan" sabi niya at kinuha ang sibat ni Luna.
Nanlalaki ang matang tumingin ako sa kaniya. "Nagpapasok ka ng lalaki dito sa palasyo?" Tanong ko.
"Adeena, kalma muna. Hayaan mo muna kasi kaming magpaliwanag" sabi ni Illiana kaya sa kaniya naman ako bumaling.
"Huwag mong sabihing" mahina kong sabi at napatingin ulit sa lalaki bago muling bumaling sa kaniya. "NOBYO MO ITO?" Mas nanlalaking matang sigaw ko sabay turo sa lalaki.
Sabay na napailing ang aking kapatid at napatingin kay Luna.
"Luna, pakigising sa katotohanan ang kapatid namin, pakiusap. Baka maitali ko rin si Adeena" naiiling na sabi ni Illiana at umupo.
"Illiana hindi mo pa ako sinasagot!" Sabi ko.
"Luna ang tali!" Malakas na sabi ni Eleanor na agad nagpapirmi sa akin.
"Nagtatanong lang naman" bulong ko. Napatingin ako kay Luna nang tumawa siya.
"Sinabi na kasi sa'yong kumalma ka, Adeena, napaka-kulit mo talaga" sabi niya. "Pero maiba ako, saan siya nanggaling Eleanor?" Tanong ni Luna.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...