Ika-Labing-Pitong Kabanata

0 0 0
                                        

Astraea

Naintindihan ko ba ang lahat ng sinabi ni Calantha? Hindi ko alam ngunit heto ako, tinatakbo ang daan pabalik sa palasyo. Bumubuhos na ang ulan at nagngangalit na ang kulog at kidlat sa langit. Sa bawat lapat ng paa ko sa lupa ay siyang patak ng ulan sa aking buhok at damit. Bitbit ang dulo ng aking damit, hindi ko inalintana ang pagbigat nito dulot ng ulan.

Malamig ang daan na binagtas ko para marating ang lugar kung saan ay matatagpuan ko ang hari. Sandali akong tumigil upang kumalap ng hangin nang makarating ako sa puno ng hagdanan ng palasyo. Tiningala ko ang tuktok ng hagdan at naghanda nang akyatin ito.

Nang makarating ako sa silid ng hari ay walang pag-aalinlangan ko iyong itinulak. Agad kong nabungaran ang hari na nakatayo sa harap ng kaniyang mesa at nagpupunas ng espada.

Malamig na tingin ang iginawad niya sa akin bago niya ibinalik sa kaniyang ginagawa ang atensyon. Napalunok ako at buong tapang na inihakbang ang aking mga paa.

Hindi ko alam kung ano ba ang mas malamig. Ang hangin ba na dumdampi sa basa kng balat o ang pakikitungo sa akin ng hari.

"M...Mahal na hari" tawag ko sa kaniya ngunit hindi man lang ito nag-abalang lumingon. Ibinaba nito ang kaniyang espada at tumalikod sa akin. Sinundan ko ng tingin ang kaniyang bawat galaw habang inilalatag niya sa mesa ang iba pa niyang kagamitan.

"Mahal na hari" tawag kong muli sa kaniya. 

Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya at sandaling itinigil ang ginagawa.

"Anong kailangan mo?" tanong niya nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin.

Nakatitig lamang ako sa kaniya. Hindi ko mahanap sa aking isip ang dapat kong sabihin sa kaniya sa mga oras na ito. Kanina habang tinatahak ko ang daan papunta dito sa kaniyang silid ay desidido na ako sa bawat salitang nais kong sabihin sa kaniya. Ngayong nandito na ako sa kaniyang harap ay tila naglaho lahat ng lakas ng loob at salitang inipon ko. Tila nahugasan ng ulan ang binaon kong tapang.

Ang kaniyang malamig na pakikitungo ay labis na nagpapangatog sa aking mga tuhod. Kung hindi ko lamang tinatatagan ang aking mga tuhod ay malamang sa malamang bumagsak na ako sa aking kinatatayuan.

"Kung tatayo ka lamang diyan at walang sasabihin ay mabuting bumalik ka na lamang sa iyong silid" walang kaemo-emosyong sabi niya.

"Mahal na hari, maari ba tayong mag-usap?" tanong ko. 

Inilagay niya sa lalagyan ang kaniyang espada at isinabit iyon sa kaniyang likod bago ako hinarap.

"Importante ba iyan? Hintayin mo na lamang akong makabalik. May kailangan akong asikasuhin" sabi niya at akmang lalampasan na ako nang humarang ako sa kaniyang dadaanan.

"Sandali lamang, mahal na hari. Sandaling-sandali lamang ito" sabi ko. Tiningnan niya ako at nagpakawala na naman ng isang malalim na hininga. 

"Astraea, limang kawal ko ang nadakip at kasalukuyang nakapiit sa hindi ko malamang lugar sa mundong ito. May limang buhay na nakasalalay sa aking mga kamay kaya't..."napapikit ang hari at waring hindi matapos ang kaniyang sasabihin.

Akmang hahawakan ko ang kaniyang kamay nang ilayo niya iyon sa akin. Isang nagtatanong na tingin ang ipinukol ko sa kaniya ngunit tanging malalamig na tingin ang isinukli niya. Magsasalita sana ako nang hawakan niya ang magkabila kong balikat at itinabi ako.

"Kailangan ko nang umalis" sabi niya at mabilis akong nilampasan. 

Malalaking hakbang ang ginawa ng hari palayo sa akin kaya't halos takbuhin ko na ang  aming pagitan maabutan lamang siya ngunit nang maaabot ko na siya ay siyang paglalaho niya sa hangin.

Natigilan na lamang ako sa aking kinatatayuan at napatitig sa kawalan.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko upang pigilan ang mga luhang nais kumawala sa aking mga mata. 

Hindi dapat ako umiyak. Bakit ako iiyak? Babalik naman ang hari. Babalik siya. 

Bumalik ako sa aking silid at pagkasara ko ng aking pinto ay pinili ko na lamang umupo at isandal ang likod doon. Tila nanlambot ako matapos ang tagpo naming iyon ng hari. Napatakip ako sa aking mukha nang maramdaman kong namamasa na aking pisngi.

Bakit ba ako umiiyak?

Malamang galit sa akin ang hari dahil sa mga sinabi ko sa kaniya. Umaasa ba ako na sa kabila nang mga sinabi ko ay magiging magiliw pa rin ang pakikitungo niya sa akin? Malamang ay manlalamig siya sa akin. 

"Astraea" 

Agad akong napapunas sa aking mga luha nang marinig ko ang boses ni Calantha sa labas ng aking silid. Tumayo ako at binuksan ang pinto.

Nanlaki ang mata ni Calantha nang makita niya ang estado ko. Marahil ay hindi niya inaakalang susuungin ko ang  ulan makita lamang ang hari.

"Bakit nagpakabasa ka, Astraea? Kaya pala nagwawala na naman si Kaios!" sabi niya at pumasok sa aking silid.

Isinara niya ang pinto at marahan akong hinila. Pinunasan niya ang aking mukha at sinapo ang aking pisngi.

"Huwag ka nang umiyak. Kaunti na lamang ay ipapatapon na ako ni Kaios dahil hindi kita mabantayan nang maayos" sabi niya na nagpatawa sa akin.

"Bakit naman gagawin ng hari 'yon?" tanong ko.

Inikutan niya ako ng mata saka binitawan ang aking mukha. "Sa akin ka niya ibinilin. Mahigpit ang utos ng hari. Ayaw niyang balikan ka na may sakit, umiiyak, o kahit ano maliban sa masaya. Dinagdagan pa niya ang trabaho ko kaya't huwag kang pasaway, Astraea" sabi niya.

Napalabi naman ako sa narinig ko sa kaniya. Ibinilin ako ng hari sa kaniya? Kung gayon, hindi niya ako basta iniwan. Inaalala pa rin ako ng hari. 

Ang isiping 'yon ay sandaling pumayapa sa puso kong kanina pa napupuno ng pangamba. Pangamba na totohanin ng hari ang aking mga salitang binitawan sa kaniya noon.

"Kailan daw siya babalik?" tanong ko.

Umupo si Calantha sa kama ko at kinuha ang aking paynetang nakalapag doon. "Hindi niya masabi. Hindi niya alam kung nasaan ang mga kawal kaya't isang mahabang paglalakbay iyon panigurado" sabi niya.

Kinabahan naman ako sa kaniyang sinabi.

"Delikado ba?" tanong ko. 

Ibinaba ni Calantha ang aking payneta at seryosong tumingin sa akin. "Lahat ng bagay sa labas ng Ildimir ay delikado, Astraea" sabi niya.

Binundol ng takot ang aking puso. Kung gayon posibleng masaktan ang hari sa paglalakbay niyang ito? Paano kung hindi na siya makabalik?

Nagsimula na namang mamasa ang aking mata dahil sa mga naiiisip ko.

"Oh, umiiyak ka na naman!" problemadong sabi ni Calantha saka tumayo.

Hinila niya ako para yakapin. Marahan niyang hinahaplos ang aking buhok.

"Babalik 'yon. Matitiis ka ba no'n?" tanong niya na tinanguan ko.

"Alam mo kung hindi ako pagagalitan ni Kaios, nasabunutan na kita, Astraea" sabi niya at mas hinigpitan ang yakap sa akin. "Kayo na lamang ang mag-usap pagbalik niya ngunit nasisiguro ko sa iyo na hindi ka matitiis ni Kaios. Sa mga araw na iniiwasan mo siya, wala siyang ibang ginawa kung hindi kamustahin ka sa akin at itanong kung kumain ka na ba"

Lalo lamang bumuhos ang aking luha sa mga tinuran ni Calantha. Bakit ba ganito ang hari ng Ildimir? Masyado siyang maaalalahanin. Masyadong mabait.

"Hindi naman mapapahamak ang hari, hindi ba?" nag-aalala ko pa ring tanong.

"Magsisinungaling ako kung sasabihin kong, hindi. Astraea, malaki ang tyansang mapahamak si Kaios ngunit alam kong pipilitin niyang makabalik. Pipilitin niyang makabalik sa'yo"

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon