Tila binibiyak ang ulo ko sa sakit nang maalimpungatan ako. Sa una ay hindi ko maimulat ang aking mata at nanatili lamang akong nakapikit habang iniinda ang sakit ng aking ulo.
Sandali, bakit masakit ang ulo ko? Ano ang ginawa ko bago ako makatulog?
Pinilit kong imulat ang aking mga mata at sa wari ko ay lalong sumakit ang ulo ko sa aking nakita. Inilibot ko ang aking paningin ngunit wala akong makitang palatandaan na magsasabi sa akin kung nasaan ako.
Paano ako napunta rito? Hindi ko matandaang nagawi ako sa lugar na ito. Kanino bang silid ito?
Dahan-dahan akong bumangon sapo ang aking ulo. Nang makaupo ako ay napadako naman ang aking tingin sa aking suot. Napakunot ang aking noo.
Sandali, hindi ba't panlalaking damit ito?
Nagsimula na akong mataranta at pilit kong inalala ang nangyari. Paano ako napunta rito? Sinong kasama ko? Sinong nagdala sa akin dito?
Maluha-luha na ako sa sakit ng ulo at sa inis ngunit ni isa sa mga tanong ko ay wala akong masagot. Bakit wala akong maalala?
Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip nang marinig ko ang langitngit ng pinto. Tumingin ako doon at gano'n na lamang ang gulat ko nang may makita akong lalaking pumasok sa aking silid. Dali-dali kong hinigit ang kumot at itinakip sa aking sarili.
"S...Sino ka?" Kinakabahang tanong ko.
Nakataas ang kilay na tumingin siya sa akin bago nakahalukipkip na sumandal sa pader.
"Hindi ba't ako dapat ang nagtatanong niyan, binibini? Sino ka? At saan ka naninirahan? Ipapahatid agad kita sa aking mga tagasilbi" sabi niya.
Napatitig na lamang ako sa kaniya nang hindi ko mawari ang dapat kong isagot sa kaniya. Isa siyang estranghero kaya't hindi ko dapat basta na lamang ibigay ang aking ngalan. Dapat akong mag-ingat. Paano kung may masamang balak pala siya sa akin?
"Naiinip na ako baka pwede mo nang sagutin ang mga tanong ko?" Sabi niya kaya napakurap ako. Napakatagal ko na pa lang nakatitig sa kaniya.
"H...Hindi maari. Bakit ko ibibigay sa'yo ang aking ngalan?" Tanong ko. Napapikit naman siya at napamasahe sa kaniyang noo.
"Paano kita maibabalik sa inyo kung hindi mo sasabihin ang iyong ngalan? At isa pa, masyado ka yatang nasasarapan sa paghiga sa aking kama" nakangisi niyang sabi.
Nanlalaki ang matang napatingin ako sa kinauupuan ko at sa kumot na yakap ko. Natulog ako sa kama ng lalaki?
Nagmamadali akong napatayo at inihagis palayo ang kumot. Napatingin ulit ako sa lalaki na ngayon ay umiiling-iling habang nakatingin sa akin.
"Pati ang iyong suot ay akin, tatanggalin mo rin ba?" Sabi niya. Kung may ilalaki pa ang aking mata ay iyon siguro ang nangyari nang marinig ko ang sinabi niya. Napatingin ako sa aking suot na puting polo na umabot lamang hanggang sa ibaba ng aking tuhod.
"S...Sino ka ba?" Tanong ko.
Umayos siya ng tayo at napaturo sa kaniyang sarili. "Hindi mo ako nakikilala?" Tanong niya na aking agad na inilingan.
Sino ba siya?
"Taga-rito ka ba?" Tanong niya. Iiling na sana ako nang may maalala ako.
Taga-saan nga ba ako? Lito akong tumingin sa kaniya. "Saan ba ito?" Tanong ko.
Kumunot ang noo niya sa tanong ko at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Napatakip naman ako sa aking dibdib dahil doon. Ano bang ginagawa niya?
"Isa ka bang diwata?" Tanong niya na lalong nagpalito sa akin. Diwata? Ako?
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasia"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...