Ika-Sampung Kabanata

0 0 0
                                        

Astraea

Nagugulumihanan akong tumingin sa hari. Nagpapanggap? Ako?

"Mahal na hari, hindi kita maintindihan? Ako? Paano ako magpapanggap?"

Tahimik lang akong tumitig sa hari habang hinihintay ang kaniyang sagot ngunit nanatili lang din siyang nakatingin sa akin. Wala akong mabakas na kahit ano sa kaniyang mga mata. Tila pilit niyang ikinukubli ang mga tanong niya kaya't mas lalo akong nalilito. Ano ba ang gustong iparating ng hari?

"Mahal na hari?" tawag ko sa kaniyang pansin.

Umiling ang hari. "Wala, Astraea, kalimutan mo na ang aking sinabi. Nagugutom ka na ba?"

Sandali pa akong tumingin sa hari. Hindi ko man labis na naintindihan ang nais iparating ng hari ay tumango na lamang ako. Siguro'y sa susunod naming pag-uusap ay sasabihin niya rin sa akin iyon.

Nauna nang lumabas ng bulwagan ang hari. Tahimik lamang ako sa likod niya at pinagmamasdan ang mga nakaukit sa mga poste.

"Astraea" natigil ang pagmamasid ko nang tawagin ako ng hari.

"Ano iyon mahal na hari?"

"Nais mo bang lumabas ng Ildimir?"

Tila lumundag sa saya ang puso ko nang marinig ko ang tinuran niya. Lalabas ako?

"Maaari ba mahal na hari?" Nagagalak kong tanong. Tumigil siya sa paglalakad at tumingin sa akin.

"Gusto mo ba?"

Sunod-sunod akong tumango. "Gustong-gusto mahal na hari!"

Hindi nakaligtas sa aking paningin ang maliit na ngiting kumurba sa labi ng hari bago siya tumango.

"Kung gayon, kumain muna tayo bago tayo umalis" tumango ulit ako at halos mauna pa akong maglakad sa hari papunta sa silid-kainan.

"Sa kabila, Astraea. Sa aking silid-kainan tayo kakain" mangha akong tumingin sa kaniya bago nagmamadaling sumunod din. Kakain ako sa silid-kainan ng hari!

Nang makarating kami sa silid-kainan niya ay may nakahanda nang pagkain. Naunang lumapit sa lamesa ang hari at humila ng isang upuan.

"Astraea" tawag niya sa akin at iminuwestra ang upuan.

Itinuro ko ang aking sarili.

"Oo, halika na" sagot niya na nagpangiti sa akin. Napaka-maaalalahanin talaga ng hari. Kung siguro hindi siya hari, daang-daang babae na ang sumusuyo sa kaniya upang mapangasawa siya. Makisig din ang hari. Ang kaniyang mga matang kulay abo at itim na itim na buhok ay litaw na litaw dahil sa kaniyang maputing balat. Bakit tila lubos na pinagpala ang haring ito?

"Astraea?" napapitlag ako sa kinauupuan ko nang tawagin ako ng hari. Natigilan ako at gano'n na lamang ang hiyang nadama ko nang mapagtanto ko na kanina pa pala siya tinititigan. Agad akong napatakip sa aking mukha. Ramdam ko ang pag-akyat ng dugo sa aking mukha at ang pag-iinit ng aking psingi. Ano bang ginawa ko? Tinitigan ko ba talaga ang hari? Ano ba naman 'yan Astraea!

"Astraea?" Tawag ulit ng hari sa akin ngunit hindi ko siya nilingon.

"Saglit lamang, mahal na hari. Saglit lamang" sabi ko. Mariin akong napapikit at nag-isip ng maaring sabihin palusot? Dapat bang umamin na lamang ako na tinititigan ko talaga siya? Pero hindi! Hindi ko siya tinititigan! Nagkataon lamang iyon. Pero anong sasabihin ko kung hindi iyon?

Kung sasabihin ko palang tinititigan ko siya, anong iisipin ng hari? Na may pagtingin ako sa kaniya? Hindi, hindi, hindi, mas nakakahiya iyon. Inilalarawan ko lamang ang hari. Bakit ba kasi natulala ako?

"Astraea, masamang pinaghihintay ang pagkain" rinig kong sabi niya sa mas seryosong boses. Mas napapikit ako dahil doon. Lagot. Galit na ang hari.

Sandali pa akong nag-ipon ng lakas ng loob bago hinarap ang hari. Alanganin akong ngumiti sa kaniya ngunit nanatili lang siyang seryoso.

"Ayaw mo ba akong kasabay kumain?" tanong niya na agad kong inilingan.

"Wala naman akong sinabi, mahal na hari" bulong ko na nagpataas ng kilay niya.

"Ano 'yon?"

"Wala, mahal na hari. Sabi ko'y kakain na ako" sabi ko at kumuha na ng pagkain. 

"Saan mo ba gustong pumunta?" tanong niya. Napatigil ako sa pagnguya at tiningnan siya.

"Mahal na hari, hindi ba't wala akong naalala? Nalimutan mo?" seryoso kong tanong. Saglit siyang natigilan at napatango.

"Oo nga pala"  sabi niya at napakamot sa ulo. Natawa naman ako sa reaksyon niya. Makakalimutin na pala ang hari ng Ildimir.

"Anong nakakatawa, Astraea?" tanong niya na agad nagpatigil sa akin sa pagtawa. Mabilis akong umiling. 

"Wala, hehe"

Tumango na lamang siya at tumuloy sa pagkain. Tahimik lamang ang hari sa buong oras na kumakain kami kaya't hindi ko mapigilang mailang. Pakiramdam ko'y hindi ako kuntento sa ganito katahimik na lugar. 

Bago ba ako mawalan ng alaala ay madaldal ako? Pakiramdam ko kasi'y nanlalambot ako kapag nananahimik ako.

"Mahal na hari" tawag ko sa kaniyang pansin. Saglit niya lamang akong tiningnan kaya't napasimangot ako nang kaunti. Ang sungit naman parang kanina lamang ay inaaya niya akong lumabas tapos ngayon ay ayaw niya akong pansinin.

"Mahal na hari" tawag ko ulit. Napapitlag ako ng ibaba niya ang kaniyang kubyertos sa mesa.

"Ano iyon?" seryoso niyang tanong.

"Huwag na nga, galit ka" sabi ko. Napapikit ang hari at wari'y naiinis na ginulo ang buhok.

"Mga babae talaga" bulong niya na narinig ko rin naman. Muli siyang tumingin sa akin. "Astraea, ano 'yon? Kumakain tayo, ayoko ng maingay" sabi niya sa mas malumanay na boses.

Nanatili akong nakasimangot. "Ayoko ng tahimik" sagot ko. Napapikit ulit ang hari at napahilamos sa kaniyang mukha.

"Sige, anong gusto mong pag-usapan?" tanong niya.

Hindi ko alam kung bakit pero hindi ko na napigilan ang bibig ko at basta na lamang akong nagsalita. "Ayoko na. Napipillitan ka lamang" 

Natigilan ang hari. Natigilan din ako at napaisip. Nanlaki ang mga mata ko at napagtanto lahat ng mga sinabi ko sa mga nakaraang minuto. Ano ba 'yan Astraea! 

Dali-dali akong tumayo at lumapit sa kaniya. Akma akong luluhod upang humingi ng tawad nang marinig ko ang malakas na tawa ng hari. Taka akong tumingin sa kaniya.

Halos maluha ang hari sa pagtawa at napapa-palo pa sa kaniyang hita. 

Anong nakakatawa?

Matagal pang tumawa ang hari bago siya tumigil at tumingin sa akin.

"Kakaiba ka talaga, Astraea. Damn adorable" sabi niya na nagpakunot-noo sa akin.

"Tapusin mo na ang pagkain mo. Magku-kwentuhan tayo habang naglalakbay, pangako" nangingiti niyang sabi na tinanguan ko na lamang.

Ganito ba talaga ang haring ito? Pabago-bago ng ugali. Daig pa ang panahon.

Tulad ng sabi ng hari, kumain na lamang ako. Nang matapos kami ay iginaya niya ako palabas ng palasyo hanggang sa makarating kami sa tarangkahan kung saan may naghihintay sa amin na karwahe na hila ng isang itim na kabayo.

Lumapit ang hari sa kabayo at hinaplos ang buhok nito. "Astraea, si Andromeda" sabi ng hari. Lalapit na sana ako sa kanila nang bigla kong maramdaman ang pagsakit ng ulo ko. Sa aking pagpikit ay isang malabong imahe ng pakpak ang dumaan sa isip ko kasunod ang pangalang Andromeda.

Pakiramdam ko'y mawawalan na ako ng balanse nang may mga kamay na humawak sa braso ko.

"Astraea! Astraea!" Napamulat ako at unang sumalubong sa akin ang mga mata ng hari na punong-puno ng pag-aalala. "Anong nangyayari? May masakit sa'yo? Alin? Saan?" natataranta niyang tanong. 

Akmang sasagot ako nang makaramdam ulit ako ng hilo. Ang huli ko na lamang na nakita ay ang mga mata ng hari na puno ng takot bago ako tuluyang mawalan ng malay.

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon