Ika-Dalawampu't-Apat na Kabanata

1 0 0
                                        

Adeena

Nakatitig pa rin ako sa bukal ng buhay. Madilim ang langit. Walang araw. Walang init. Hindi ko alam kung bakit sa kabila ng mga iyon, nagngangalit ang apoy ng galit sa aking puso.

Hindi ko pa rin maintindihan. Paanong ganito kalaki ang kabayaran ng isang pagkakamaling hindi ko naman sinadya sa umpisa pa lamang? Pipiliin ko naman ang Fryhmea. Kaunting panahon lamang ang hinihingi ko. Kailangan ko lamang makapagpaalam sa hari nang maayos, iyon lamang. Bakit kailangang humantong sa ganito?

"Adeena, nakahanda na ang karwahe. Ngayon ka na raw babalik sa Ildimir, sabi ni Ina" rinig kong sabi ni Illiana.

Tumango lamang ako.

"Adeena, naiintindihan mo naman bakit kailangan mo itong gawin 'di ba?" tanong ni Illiana.

Humarap ako sa kaniya. Itinuro ko ang sarili ko. "Ako? Naiintindihan ko?" natatawa kong tanong. Umiling ako. "Illiana, h...hindi"

Lumambot ang ekspresyon ni Illiana. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang mga pisngi ko.

"Ngunit kailangan mo pa ring gawin" sabi niya.

Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko. Tumango ako at humawak sa mga kamay ng kapatid ko.

"Magiging maayos pa rin ba ang lahat?" tanong ko.

Ngumiti si Illiana at tumango. "Pangako ko sa'yo, mawalan ka man ng ala-ala, walang magbabago" sabi niya.

Hinila niya ako palapit sa kaniya at ikinulong sa mga bisig niya. Marahan niyang hinaplos ang aking buhok.

Ibinaon ko ang aking mukha sa balikat niya. Doon, hinayaan kong ilabas ng aking mga mata ang lungkot, poot, pait, at hapdi. Hindi ko na inalintana ang pagkabasa ng damit ni Illiana sapagkat ito na marahil ang huling beses na makakapagdalamhati ako para sa pag-ibig na ipinagkakait sa akin.

Walang lingon akong sumakay sa karwaheng magdadala sa akin sa lagusan pabalik sa talon. Tanging si Illiana lamang ang naghatid sa akin. Si Ina at si Eleanor ay tanging masasamang tingin ang ipinukol sa akin nang magpaalam ako.

Hindi ko na magawa pang linunin si Illiana. Lalo lamang nadudurog ang puso ko sa tuwing nakikita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.

Nagsimula nang tumakbo ang karwahe. Nanatili akong nakatitig sa mga punong aking nalalampasan. Tahimik ang paligid ngunit ang utak ko ay hindi. Samu't-saring mga tanong pa rin ang umiikot doon.

Magiging maayos ba ang lahat? Sa pagbura ko ng alaala ng hari magagawa pa rin ba niyang pasikatin ang araw? O may darating na magiging panibagong dahilan niya para pasikatin ang araw?

Ang isiping may panibagong babae ang bibihag sa puso ng hari ay nagdala ng milyong-milyong boltahe ng kirot sa akin. Alam kong hindi imposible dahil tulad ng kung paano ako nahulog sa kaniya, alam kong marami pang babae ang mahuhulog sa kaniya. Katangi-tanging tunay ang hari. Matapang, magiting, maalalahanin, at mapagmahal, ano pa bang hahanapin sa kaniya?

Napangiti ako habang iniisip ang hari. Sino bang mag-aakala na ang masungit na hari ay rurupok dahil sa pag-ibig? Tandang-tanda ko pa kung paano niya ako kulitin noon para lamang samahan siya. Idinadahilan pa niyang nabubugnot siya. 'yon pala'y nais lamang ako makasama. Hindi ko rin malimutan ang araw na bumalik siya mula sa paghahanap sa kaniyang mga kawal. Sino bang mag-aakala na isang araw lang matapos no'n ay ako naman ang mawawala sa piling niya?

Ang pagpunta namin sa talon ay hindi ko kailan man naisip na magiging mitsa ng pagtatapos namin ng hari. Buong akala ko noon ay magiging bagong simula namin iyon. Akala ko'y sa pag-alis namin doon ay may panibagong bukas pa kaming sasalubungin.

StruckMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon