Astraea
"Sa'yo pinaka-sumasaya ang puso ko"
Napatakip ako sa aking mukha nang marinig ko na naman sa aking isip ang sinabing iyon ng hari. Alam kong sinabi niya na ang ibig-sabihin lamang niyon ay masaya siyang kasama ako ngunit hindi ko alam bakit ibang galak ang hatid din no'n sa puso ko.
Kanina pa kami nakabalik mula sa aming paglalakbay at nasa aking silid na ako. Ang hari naman ay may pagpupulong na dapat daluhan.
Naupo ako sa aking kama at napatingin sa repleksyon ko sa salamin. Dumako ang aking mata sa paynetang regalo ng hari. Bumaba ang tingin ko sa iskalap na para kay Calantha.
Hindi ko alam kung bakit tila may kumurot ang puso ko nang maalala ko si Calantha. Huminga ako nang malalim at tumingin ulit sa salamin saka ko dahan-dahang tinanggal ang payneta sa buhok ko.
Kinabukasan ay sa hardin ako dumaretso pagkatapos kong kumain. Maayos pa rin naman ang mga rosas, walang nalalanta, kaya't inalis ko na lamang ang ilang ligaw na damong tumubo sa paligid no'n.
"Nasaan ang payneta mo?" Nabitawan ko ang hawak kong mga damo nang marinig ko ang hari.
Napalunok ako at tumayo para harapin ang hari. Seryoso siyang nakatingin sa akin.
"Naiwan ko sa aking silid, mahal na hari" sagot ko na kinunutan lang niya ng noo. Mukhang hindi siya naniniwala.
"Hindi mo ba nagustuhan?" Tanong niya na agad kong inilingan.
"Nagustuhan ko, mahal na hari! Naiwan ko lamang talaga" sabi ko.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya bago tumango. "Sabi mo eh. Kumain ka na ba?" Sabi niya na tinanguan ko.
"Wala ulit akong gagawin ngayong umaga, gusto mong bumalik sa sapa?" Tanong niya na agad kong inilingan.
"Masyado na kitang naaabala, mahal na hari" sabi ko.
Sa tingin ko hindi na dapat kami bumalik sa sapa nang kami lang dalawa. Kinakabahan ako sa tuwing napapatitig ako sa mga mata niya. Tila nawala na rin sa payneta ko ang paru-paro dahil lumipat sa tiyan ko.
"Wala nga akong gagawin, Astraea. Nababagot ako rito dahil wala akong magawa. Sa isang linggo pa babalik sila Calantha" sabi niya.
"Wala kang pagpupulong na dapat daluhan?" Tanong ko.
"Mamaya pa" sagot niya.
"Maghanda ka na lamang para doon, mahal na hari" sabi ko. Kumunot ang noo niya at humalukipkip sa harap ko.
"Ipinagtatabuyan mo ba ako, Astraea?" Tanong niya na inilingan ko.
"Kung gano'n, bakit ayaw mo akong samahan?" Tanong niya.
Napakamot ako sa aking kilay at umiwas ng tingin. "Ano kasi, mahal na hari, ano...kasi" alanganin akong tumingin sa kaniya nang hindi ko matapos ang sasabihin ko.
Tumaas lang ang isa niyang kilay. "Kapag wala kang nasabing dahilan sa pagbilang ko nang tatlo, sasamahan mo ako" sabi niya na nagpalaki ng mata ko.
"Isa"
"Sandali, mahal na hari!" Natataranta kong pigil sa kaniya.
"Dalawa"
"Ano kasi! Tinatamad ako! Gusto kong mapag-isa"
"Tatlo. Wala na, tapos na Astraea. Tara na" sabi niya at akmang aabutin ang kamay ko nang mabilis akong umiwas at tumakbo palayo.
Alam kong mahahabol niya ako pero nanalangin na lang ako na huwag siyang sumunod. Nang makarating na ako sa aking silid ay nakahinga na ako nang maluwag. Umupo ako sa aking kama at kinuha ang payneta mula sa aking bulsa.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasía"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...