Adeena
"Ina, hayaan mo nang makita ni Adeena ang hari" rinig kong sabi ni Illiana.
"Mabubuhay ba siya ng haring iyon?" rinig kong tanong ni Eleanor.
"At mabubuhay din ba siya kung hindi natin sila hahayaang magkita? Ibigay niyo na 'to sa kaniya! Ito na lang, oh! Ito na lang ang hinihingi niya. Pati ako. Kahit anong kundisyon, Ina. Hayaan naman nating kahit sa huling sandali, maging masaya si Adeena" sabi ni Illiana.
"Hindi" matigas na sabi ni Ina.
Napakapit na lamang ako kay Illiana. Masama ba kung iisipin kong matigas na talaga ang puso ni Ina? Masama bang kwestyunin ko siya hanggang sa huli kong hininga?
Narinig ko ang paglabas ni Ina at Eleanor. Pilit kong iminulat ang aking mga mata at sinalubong ang tingin ni Illiana.
"S...Sal...a...mat" sabi ko.
Umiling siya. "Gagawa ako ng paraan. Magkikita kayong tatlo, pangako. Wala akong pakialam kung kailangan kong isangla o ibenta ang sarili ko sa kung kanino. A...Ako ang bahala sa'yo bunso" sabi niya.
Pinilit kong ngumiti sa kaniya. Iyon lamang ang tangi kong magagawa sa oras na ito dahil pakiramdam ko'y kaunting-kaunti na lamang ang natitira sa aking lakas. Hinayaan ko ang mga talukap kong bumagsak at nagpalamon sa antok at pagod.
Sa mga susunod na pagmulat ng aking mata tanging si Eleanor at Ina ang nakikita ko.
"S...Si I...Il...lliana?" tanong ko kay Eleanor habang pinaiinom niya ako ng gamot.
Nagkibit-balikat lamang siya. "Hindi ko alam sa kapatid mong iyon. Ilang araw nang alis nang alis. Ang dahilan, naghahanap ng gamot para sa'yo pero duda ako do'n" sabi niya na nagpakunot ng noo ko.
"Huwag mo nang isipin 'yon. Ako na ang bahala kay Illiana" dagdag pa niya at tinulungan akong sumandal.
Umayos siya ng upo sa tabi ko at dahan-dahang sinuklay ang buhok ko.
"Gumaganda na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya na agad kong inilingan.
"Huwag mong masyadong isipin ang sinasabi ng manggagamot. Imposibleng hindi ka gagaling" sabi niya at niyakap ako.
"P...Pa...a...no kung pag...od na a..ko?" tanong ko.
Naramdaman ko ang pag-iling niya.
"Gagaling ka Adeena. Matagal mo pa kaming makakasama. Marami pa tayong pagsasamahan. Marami pa tayong lilibuting lugar. Hindi mo pa kami iiwan" sabi niya.
Umiling ako. Imposible na iyon.
Alam ko at ramdam ko na ang unti-unti pagkaubos ng oras ko sa mundong ito. Ang bawat umagang nagigising ako ay isa nang himala. Ang bawat tibok ng puso ko ay isang mas malaking himala dahil wala nang kasiguraduhan kung may susunod pa roon.
Katulad ng mga nakaraang araw, tanging hiling ko na lamang ngayon ay ang mapayapa kong pamamaalam. Ayoko nang pahabain pa ang paghihirap na ito.
"Suko ka na ba?" tanong pa ni Eleanor.
Umiling ako. "Pe...ro t...ta...tang...gap k...ko na" sabi ko.
Hindi ko sinusukuan ang sarili ko pero wala na akong magagawa kung hindi tanggapin ang tadhana ko. Gustuhin ko man na marami pang magawa pero tanggap ko nang sa apat na sulok ng silid na ito matatapos ang lahat. Tanggap ko nang sa buhay na ito, ipinagkait sa akin ang lahat. Pinagkaitan ako ng pagmamahal. Pinagkaitan ako ng pagkakataong maging ina.
"Hindi namin tanggap, Adeena" sabi niya at humiwalay sa akin. Tumingin siya sa mga mata ko at sinapo ang dalawa kong pisngi.
"Hindi pa namin kayang tanggapin na mawawala ka na kaya pakiusap, lumaban ka, Adeena. H...Huwag mo muna kaming iwan" sabi niya.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...