Buong gabi akong hindi napakanali kaiisip kung tumabi ba sa akin ang hari sa pagtulog o hindi. Bakit ba kasi sa kaniyang silid niya ako dinala? Mayroon naman palang ibang silid dito sa kaniyang palasyo. Bumangon ako at tiningnan ang aking sarili sa salamin.
Ang gulo-gulo ng aking buhok at napakalamlam ng aking mata. Napabuntong-hininga na lamang ako at inalis ang aking kumot. Mabuti pa ay mag-ayos na ako. Hahanapin ko pa ang hari dahil itatanong ko sa kaniya kung ano ang maaari kong gagawin habang namamalagi ako rito sa kaniyang palasyo. Nang maisuot ko ang aking sandalyas ay sandali akong nag-inat-inat. Napapikit ako habang ginagawa ko iyon.
"Gaano ka katagal mag-iinat?"
Agad akong napamulat at hinanap ang pinanggalingan ng boses na iyon. Muntik naman akong mapatalon sa gulat nang matagpuan ko ang nagsalitang iyon. Napalunok ako nang magtagpo ang mata namin ng babaeng seryosong nakatingin sa akin. Bakit puro sila nakakatakot tumingin? Para tuloy nakakatakot nang salubungin ang tingin ng kahit sino rito.
"Tititig ka na lang ba sa akin o mag-aayos ka na?" Taas-kilay niyang tanong. Nagmamadali naman akong tumango at nag-ayos ng aking sarili.
Mabilis akong nagpalit ng aking damit at itinali ang aking buhok. Nang matapos ako ay gano'n pa rin ang ayos ng babae katulad nang bago ako mag-ayos. Daretso at seryosong-seryoso pa rin ang tingin niya. Dagdag pa sa nakakatakot at nakakaintimida niyang tingin ay ang espada niyang nakasabit sa kaniyang likod na tila sadyang sumisilip sa akin.
"Ikaw ang babaeng napulot ni Kaios, hindi ba?" tanong niya. Napakunot ako ng noo at napaisip sa kaniyang tinuran. Kaios? Ang hari ba ang tinutukoy niya? Kaios ba ang ngalan niya?
Kita kong napairap siya bago umalis sa pagkakasandal sa pader at lumapit sa akin. "Totoo pala ang usap-usapan, mangmang ka nga talaga" natatawa niyang sabi at saka napapailing na tumingin sa akin.
Nawala ang pagkakakunot ng aking noo at seryoso siyang tiningnan. Ako? Mangmang? Dahil lamang sa kadahilanang nalilito ako sa kapaligiran ko at sa mga nangyayari, isa na akong mangmang? Tila sila ang may deperensya sa pag-iisip.
"Hindi ba't mas mangmang ang naniniwala sa mga usap-usapan at haka-haka?" tanong ko na nagpatigil sa kaniya sa pagtawa. Isang ngisi ang ibinigay niya sa akin at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Tila napakatapang mo naman para sa isang dayo. Baka inaakala mong kakampi mo si Kaios dahil siya ang nagdala sa'yo rito" sabi niya sa mapang-asar pa rin na tono.
Napakuyom ang aking kamao dahil sa kaniyang mga tinuran. Talagang sinusubok ata niya ang aking pasensya. Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko at piniling ngitian ang babae.
"Ano ba ang pakay mo sa akin? Maari bang sabihin mo na nang makaalis ka na?" Tanong ko.
Muli siyang umirap sa akin. "Ibinilin ka sa akin ni Kaios. Samahan daw muna kita hanggang sa masanay ka rito sa Ildimir" sabi niya. Bakas na bakas ang disgusto niya sa utos na natanggap.
Isang tango ang aking ibinigay sa kaniya. "Bago ang lahat, maari mo ba akong dalhin sa hari? May mga katanungan lamang ako" sabi ko. Tumaas ang kaniyang kilay ngunit tumango rin kalaunan.
Walang sabi siyang lumabas ng silid kaya't sumunod na rin ako. Tahimik lang akong nakasunod sa kaniya habang binabaybay namin ang mahahabang pasilyo ng palasyo. Napatingin ako sa mga nakakasalubong namin na kawal na yumuyuko sa babaeng aking kasama.
Isa rin ba siyang maharlika tulad ng hari? O baka kapatid siya ng hari. Kung hindi siguro nasabi ng hari na siya ay wala pang asawa, iisipin kong siya ang reyna. Hindi maipagkakaila ang otoridad na mababakas sa kaniya at sa kabila ng nakakaintimidang espada niya ay hindi iyon nakabawas sa kaniyang ka-elegantehan.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...
