Astraea
Napangalumbaba akong tumitig sa langit ng Ildimir. Isang linggo na akong labis na nababagot. Isang linggo na kasi simula nang huli kaming magkita ni Calantha, tuloy wala akong makausap. Wala naman akong ibang kaibigan bukod sa kaniya.
Katulad ng mga nakaraang araw namalagi lang ako rito sa hardin. Kahit papaano kasi rito ay napapayapa ang damdamin ko. Nalilibang ako at hindi nag-iisip ng mga ikalulungkot ko.
"Naiinip ka ba?" Gulat akong nag-angat ng tingin nang marinig ko ang boses ng hari. Nakapamulsa siyang nakatayo sa harap ko at mataman akong tinititigan.
Napalunok ako at agad na tumayo at nagbigay galang sa kaniya. "Magandang araw, mahal na hari" sabi ko.
"Tila hindi naman maganda ang araw mo, Astraea" sabi niya na nagpaangat ng tingin ko.
Umiling ako sa kaniya. "Maayos naman ang araw ko, mahal na hari" sabi ko ngunit tiningnan niya lamang na ako na wari'y hindi naniniwala.
"Sa tingin ko ay hindi, Astraea. Nahihirapan ka pa ring masanay dito, hindi ba?" Sabi niya. Marahan naman akong tumango.
Naiilang pa rin akong gumalaw dito sa Ildimir. Pakiramdam ko, bawat galaw ko ay may nakamasid sa akin. Dagdag pa na lagi akong naliligaw dahil hanggang ngayon hindi ko pa rin masaulo kahit ang daan pabalik sa aking silid.
Tumango rin ang hari at umupo. Iminuwestra niya sa akin ang upuan sa harap niya na agad kong inupuan.
"Paumanhin kung hindi kita naasikaso nitong mga nakaraan tapos ngayon ay naatasan ko pa ng mabigat na gawain si Calantha" sabi niya na agad kong kinondena.
"Hindi mo kailangang humingi ng paumanhin, mahal na hari. Sapat nang tinulungan at pinatuloy mo ako rito sa kaharian mo" nahihiyang sabi ko.
Sumandal siya sa upuan niya at mataman akong tiningnan. "Gaya ng sabi mo ako ang tumulong sayo. Ako ang nagdala sayo rito kaya't responsibilidad kita. Kahit paano sana'y nabisita kita nitong mga nakaraang araw para makamusta" sabi niya.
Para namang nag-init ang magkabilang pisngi ko sa tinuran niya. Bakit ba napakamaalalahanin ng hari? Tila labis na kabaitan ang ipinapakita niya para sa isang estrangherong tulad ko. Akala ko nga ay matatapos na ang ugnayan namin ng hari sa pagtatalaga niya kay Calantha na magturo sa akin ng mga gawi rito sa Ildimir.
"Naiintindihan ko naman iyon mahal na hari. Okupado ka ng mga responsibilidad mo rito lalo na't nasa gitna kayo ng malaking kalakalan. Kaya rin wala si Calantha, hindi ba?" Tanong ko. Ngumiti siya at tumango.
"Kaya nga ako naman ang naririto" sabi niya na nagpakunot ng noo ko.
"Hindi ko maintindihan, mahal na hari. Hindi ba't marami kang gagawin?" Tanong ko na tinanguan niya.
"Marami, pagbalik ni Calantha. Habang walang pa siya, wala rin akong gagawin" sabi niya at tumayo. Sumunod naman ang tingin ko sa kaniya. "Kaya tara na. Ituturo ko sa'yo ang iba pang kailangan mong malaman tungkol dito sa Ildimir" dagdag niya.
Natigilan naman ako. Siya mismo ang magtuturo sa akin? Siya mismo? Hindi niya iaatas sa iba?
"H...Hindi ba nakakahiya, mahal na hari?" Tanong ko.
Nawala naman ang aliwalas sa mukha niya at humalukipkip. "Mas nakakahiyang tanggihan ang hari, Astraea" sabi niya na bahagyang nagpangiwi sa akin. Napapakamot akong tumango at tumayo.
"Sabi ko nga, mahal na hari. Tara na" sabi ko.
Lalakad na sana ako nang ilahad ng hari ang kaniyang kamay. Tumitig lang ako roon bago binalingan ng nagtatakang tingin ang hari.
"Tinatamad akong maglakad. Shortcut na lang" sabi niya na lalong nagpalito sa akin.
"S...Syor...Sorkat?" Tanong ko. Napapikit ang hari at napakamot sa noo niya. Tumingin siya sa akin at umiling.
"Basta" sabi niya at humawak sa ulo ko. Hindi pa man tuluyang rumehistro sa akin ang ginawa ng hari ay nakarating na kami agad sa tingin ko ay ang bulwagan nila para sa pagpupulong.
Mangha kong iginala ang tingin ko sa bulwagan. Napakalaki niyon at nababalutan ng ginto ang mga haligi. Sa kabila ng dilim na bumabalot sa Ildimir maliwanag ang bulwagan dahil sa mga kristal na nakasabit sa kisame. Tila mga bituin iyon na napakadalang magpakita sa langit dito.
"Dito ko pinupulong ang mga opisyal ng Ildimir" sabi ng hari na pumutol sa pagmamasid ko. Bumaling ako sa kaniya na ngayon ay nakaupo na sa kaniyang upuan sa gitna ng mahabang lamesa. "Kapag may problema, parating na digmaan, o mga reporma na kailangang gawin dito iyon pinag-uusapan" sabi niya na tinanguan ko.
"Kapag ipinatawag mo sa susunod ni Calantha, dito ko ba siya pwedeng makita?" Tanong ko na inilingan niya.
"Sa personal kong silid-tanggapan. Doon kami nag-uusap ni Calantha dahil ayaw namin ng istorbo" sabi niya. Nakurot ko naman ang sarili ko nang muntik akong mapatili sa sinabi niyang iyon.
Ayaw pa-istorbo? Anong ginagawa nila na pwedeng maistorbo?
"May nakakatawa ba, Astraea?" Tanong ng hari na agad kong inilingan.
Napaiwas na lang ako ng tingin at nagkunwaring tinitingnan ang mga mga nakasabit na larawan sa pader. Ano ba kasing pinag-iiisip ko? Pero kasi, ayaw daw pa-istorbo. Mukhang maraming iku-kwento ang kaibigan ko sa pagbalik niya.
"Siya ang kauna-unahang hari ng Ildimir. Ang aking ama" sabi niya na gumulat sa akin.
"Pangalawa ka pa lang, mahal na hari?" Tanong ko.
Bagot naman siyang tumingin sa akin. "Ano bang susunod sa una, Astraea?" Sabi niya na nagpasimangot sa akin.
"Ang ibig sabihin ko kasi mahal na hari, akala ko ay mahabang salinlahi na ang pinagdaanan ng Ildimir" sabi ko sa mababang tono.
Isang malalim na buntong hininga ang narinig ko mula sa hari. Lumingon ako sa kaniya. Nakatitig lamang siya sa larawan ng kaniyang ama ngunit mababakas ko ang labis na lungkot at pangungulila sa mga mata niya.
"Magtagal nang naririto ang Ildimir pero kami? Hindi" sabi niya.
"Paano nangyari iyon, mahal na hari?" Tanong ko.
"Sabihin na lang natin na kinailangan naming umalis at magtago para mabuhay" sabi niya halos magpalaglag ng panga ko. May gano'ng pangyayari sa buhay ng hari?
"May gustong manakit sa inyo mahal na hari?" Tanong ko na agad niyang tinanguan.
"Alam kong alam mo na kung sino talaga ako, hindi ba? Hindi lang ako hari ng Ildimir" sabi niya.
"Isa kang diyos, diyos ng kidlat" sabi ko na nginitian niya.
"Iyan ang isa sa dahilan kung bakit may gustong manakit sa akin at ang isa pa?" Saglit siyang tumigil at pinagkatitigan ako. "Ay hindi ko na maaaring sabihin" sabi niya na tinanguan ko na lamang.
Nirerespeto ko kung hindi nais pang ipaalam sa akin ng hari ang tungkol sa mga pribadong bagay sa buhay niya lalo't nakasalalay doon ang buhay niya.
"Astraea" tawag niya sa pansin ko.
"Bakit, mahal na hari?"
"Hindi ka naman nagpapanggap lamang, hindi ba?"
----

BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...