Ika-Dalawampu't-Limang Kabanata

1 0 0
                                        

Adeena

Nakangiti kong sinalubong ang umaga. Pumikit ako at dinama ang malamig na hanging humahampas sa aking balat. Iba talaga ang simoy ng hangin ng Fryhmea, nakakakalma.

Napatingin ako nang bumukas ang pinto ng aking silid. Kumurba ng ngiti ang aking mga labi nang pumasok si Illiana.

"Mukhang maganda ang gising ng aming reyna" sabi niya.

"Illiana, mamaya pa ako kokoronahan" sabi ko.

Dumating na ang panahon. Ngayong araw ay opisyal nang ipapasa ni Ina ang kaniyang korona sa akin. Sa ilang oras lamang ay hindi na lamang ako prinsesa ng Fryhmea kung hindi kanilang reyna na.

"Gano'n na rin iyon. Bakit nga pala hindi ka pa nag-aayos?" tanong niya.

"Hihintay kita" nakangiti kong sabi.

"Sus" sabi niya at umakbay sa akin. "Ako ba ang mag-aayos sa'yo?" tanong niya na agad kong tinanguan.

"Pwede ba?" tanong ko.

"Kailan ba ako nakatanggi sa'yo?" sabi niya na nagpahagikgik sa akin.

"Syempre, ako kaya ang paborito mo!" sabi ko.

Natawa siya. "Huwag mong ipaparinig 'yan kay, Eleanor" sabi niya na nagpatawa sa akin.

Iniupo ako ni Illiana sa harap ng aking salamin. Nakalatag sa lamesa sa aking harap ang lahat ng palamuti ko sa aking buhok. Nando'n din ang mga pangkulay sa mukha. Alam ko naman kung paano ayusan ang aking sarili ngunit nais ko lamang na maglambing sa aking kapatid. Hindi ko alam ngunit kahit araw-araw ko naman siyang kasama, lagi ko pa rin siyang hinahanap. Ewan ko ba. Ang gulo minsan ng aking pakiramdam.

Isa lang iyon sa mga pinagtatakhan ko sa araw-araw. Nitong nakaraan lamang ay napadaan ako sa tarangkahan. Ang huli kong pagkakaalala ay binubuksan iyon ngunit sabi nila Luna ay permanente nang ipinasara iyon ni Ina. Tanging si Eleanor at Illiana na lamang ang nakakaalam kung saan ang bagong daan palabas ng Fryhmea.

"Alin diyan ang gagamitin natin?"

Natigil ako sa pag-iisip nang tanungin ako ni Illiana. Napatingin ako sa kaniya bago ko muling tiningnan ang mga palamuti ko sa buhok. Nandito ang regalo noon sa akin ni Ina pati na rin ang regalo ng mga kapatid ko. Alin ba ang magandang isuot? Ang regalo na lang siguro ni Ina.

Kukunin ko na dapat ang ipit na regalo ni Ina nang dumapo ang mata ko sa isang payneta. Kunot-noo kong kinuha iyon. Isa iyong pilak na paynetang may disenyong paru-paro. Kanino galing ito? Wala akong natatandaang nagregalo sa akin ng payneta. Hindi ko rin ito ginawa.

Humarap ako kay Illiana at ipinakita sa kaniya ang payneta.

"Ngayon ko lamang ito nakita. Saan ito galing?" tanong ko.

Lumipat ang tingin niya sa hawak ko. Kumunot ang noo ko nang matigilan siya. Saglit pa siyang napaatras bago umiwas ng tingin.

"R...Regalo ko iyan sa'yo" sabi niya.

Tumango na lamang ako. "Gano'n ba? Ito na lamang ang gagamitin ko" sabi ko at inabot sa kaniya iyon.

Tumingin siya sa akin. "Sigurado ka?" tanong niya na tinanguan ko ulit.

"Bakit? May problema ba, Illiana?" tanong ko na agad niyang inilingan. Kinuha na niya ang payneta sa akin kaya't umayos na ako ng upo.

Muli akong humarap sa salamin at pinanuod si Illiana na ayusin ang aking buhok. Napapansin ko ang panaka-naka niyang buntong-hininga ngunit hindi ko na iyon pinuna. Baka nahihirapan lamang siya sa buhok ko.

Nang matapos akong ayusan ni Illiana ay kinuha ko naman ang kasuotang ginawa ni Ina para sa akin. Isinuot ko na iyon at nang matapos ay humarap ako sa salamin at tiningnan iyon.

StruckMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon