Ika-Walong Kabanata

0 0 0
                                    

Astraea

Nabato ako sa aking kinauupuan nang marinig ko ang malagong na boses ng hari. Napapikit na lang ako bago ako dahan-dahang lumingon sa kaniya.

"Wala iyon, mahal na hari" napapakamot sa ulong sabi ko.

Tumingin lang siya sa akin at tumango bago bumaling kay Calantha. Pigil naman akong ngumiti nang makita ko ang biglang pagbabago ng aura ng aking kaibigan. Bakit parang bigla siyang sumaya?

"Tungkol sa kalakalan, may gusto akong itanong sa'yo. Pagkatapos mong kumain, puntahan mo ako" sabi niya na agad tinanguan ni Calantha na hindi man nakangiti ay mababakas sa mga mata niya kung gaano siya kasayang makita ang hari.

"Iyon lamang. Magpatuloy na kayo sa pagkain" dagdag ng hari bago tuluyang umalis.

Napatingin naman ako kay Calantha at pasimple siyang siniko. "Busog ka na?" Tukso ko sa kaniya na agad nagpaikot sa mga mata niya.

"Tigilan mo ko Astraea baka busugin kita ng kutos diyan" sabi niya na tinawanan ko lang.

Sumandal ako sa balikat niya na nagpatigil sa akma niyang pagsubo ng pagkain. Masama niya akong tiningnan bago ibinaba ang kaniyang kubyertos.

"Anong tingin na naman iyan?" Tanong niya. Umalis ako sa pagkakasandal sa kaniya at ngumiti.

"Mag-uusap kayo ng hari diba?" Tanong ko na tinanguan niya.

"Tapos?"

"Gusto mong ayusan kita?" Nakangiti ko pa ring tanong. Kumunot lang ang noo niya sa akin. "Ayos. Ayusin natin ang buhok mo pati na rin ito" sabi ko at tinanggal ang pagkakakunot ng noo niya.

"Hindi ko kailangan iyan" sabi niya at tinampal ang kamay ko. Napalabi naman ako at napapadyak.

"Tinutulungan na nga kitang mabighani ang hari. Sungit" sabi ko at tumuloy sa pagkain.

Nakakailang-minuto na ang lumipas nang kalabitin ako ni Calantha. Hindi siya makatingin sa akin habang kumakamot sa batok.

"Sige na. Ayusan mo na ako" sabi niya na nagpapalakpak sa akin. Agad din naman akong napatigil nang mapansin kong nakatingin na sa akin lahat ng kawal. Iiling-iling na lang na tumuloy sa pagkain si Calantha.

Nang matapos kami sa pagkain ay dinala ko na si Calantha sa kwarto ko. Pinaupo ko siya sa kama ko at saka ako kumuha ng suklay.

"Hindi naman natin babaguhin ang hitsura mo. Mas pagagandahin lang natin" sabi ko habang inaalis ang pagkakapuyod ng buhok niya. Maganda ang kulay ng buhok ni Calantha. Tuwing nasisinagan ng araw ang kulay pula niyang buhok ay mas lalong nabubuhay ang kulay no'n na talagang nagpapamangha sa akin. Lagi nga lamang akong nasasayangan dahil laging nakapuyod ang buhok niya.

"Hindi mo ba inilaladlad ang buhok mo?" Tanong ko habang marahang sinusuklay ang buhok niya.

"Hindi. Sagabal sa mukha ko. Isa akong mandirigma Astraea kung nalilimutan mo. Mas prayoridad ko ang magpalakas kaysa magpaganda" sabi niya na tinanguan ko.

"Pero hindi naman masamang paminsan-minsan ay hayaan mo ang sarili mo na gawin ang mga ganitong bagay. Parang pahinga mo na rin. Mukhang nakakapagod pa man din makipaglaban" sabi ko na tinanguan niya.

"Sobra, Astraea" sabi niya.

"Bakit mo piniling maging mandirigma kung sobrang nakakapagod?" Tanong ko habang namimili ng palamuti para sa kaniyang buhok. Maganda siguro kung tirintasan ko rin si Calantha.

"Nanggaling ako sa pamilya ng mandirigma, Astraea" sabi niya. Mangha akong napalingon sa kaniya.

"Lahat kayo?" Tanong ko pa na agad niyang tinanguan. "Ang galing!" Napapapalakpak kong sabi. Nahuli kong napangiti si Calantha na lalong nagpalaki ng aking ngisi.

"Nakita ko iyon! Ngumiti ka Calantha!" Tili ko na agad nagpaikot sa mga mata niya.

Natatawa na lang akong bumalik sa pag-aayos ng buhok niya. Mukhang matatagalan din kami dahil mahaba pala at makapal ang buhok niya.

Hindi ko na lang muna kinausap si Calantha at itinuon ko ang buong atensyon ko sa pag-aayos ng buhok niya. Dahil mukhang hindi talaga sanay si Calantha na nakaladlad ang buhok niya ay dalawang malaking tirintas na lamang ang ginawa ko sa buhok niya nang sa gayon ay nakapuyod pa rin ang buhok niya pero may kakaiba nang ayos.

Dinagdagan ko rin ng ilang palamuti ang buhok niya at pagkatapos ay nilinisan namin ang mukha niya.

"Nakita ko ito dito sa kwarto ko" sabi ko habang binubuksan ang isang garapon ng pulbos. "Ang sarap nitong gamitin, Calantha. Napakabango" sabi ko at sinimulang lagyan siya sa mukha.

"Alam ko. Niregaluhan ako nang ganiyan ni Kaios noon pero hindi ko nagamit" sabi niya.

"Magka-ano-ano ba talaga kayo ng hari? Noong una akala ko talaga ay magka-pamilya kayo ng hari" tanong ko.

"Magkababata" tipid niyang sagot na tinanguan ko. Ibinaba ko ang hawak kong pulbos at kinuha ang pangkulay sa labi.

"Magkababata? Kung gayon, bata pa lamang kayo ay may pagtingin ka na sa kaniya?" Tanong ko. Nanlaki ang mata niya at biglang napaiwas ng tingin. Hindi rin nakaligtas sa aking mga mata ang pamumula ng mga pisngi niya.

"H...Hindi kaya!" Sabi niya. Napapangisi na lang akong tumango. "Hindi nga, Astraea!" Sabi pa niya.

Maang akong tumingin sa kaniya. "Naniniwala naman ako" sabi ko at itinuloy na ang ginagawa ko.

Nang matapos na ako ay kinuha ko ang aking salamin at itinapat kay Calantha. "Ano? Nagustuhan mo?" Tanong ko.

Matagal na tumitig si Calantha sa salamin. Bawat sulok ata ng mukha niya ay talagang pinagmasdan niya. Pinakamatagal niyanh tiningnan ay ang kaniyang buhok.

Ibinaba na niya ang salamin nang may matipid na ngiti sa labi.

"Salamat, Astraea" sabi niya na nginitian ko.

"Walang anuman. Sige na, puntahan mo na ang hari mo" sabi ko na nagpawala ng ngiti niya.

"Magtigil ka na nga!" Sabi niya na nagpabunghalit sa akin ng tawa.

Masama ang tingin niya sa akin bago niya tuluyang nilisan ang aking silid. Pagdating talaga sa usapang tungkol sa hari ang bilis-bilis niyang mapikon.

Inayos ko na ang mga gamit ko at humiga muna sa kama ko. Medyo napagod ako sa ginawa ko kanina. May kalawakan rin kasi ang taniman ng rosas ng hari. Mukhang 'yon ang paborito niyang bulaklak.

Nakatitig lang ako sa kisame ng aking kwarto nang mapaisip ako. Ang sabi ni Calantha magkababata sila ng hari, ni minsan ba hindi napansin o nakaramdam man lang ang hari na may pagtingin sa kaniya si Calantha? O baka hindi talaga ipinapakita ni Calantha ang nararamdaman niya? Siguro nga itinago na lamang ni Calantha ang nararamdaman niya.

Ganito ba kahirap umibig kapag may mataas kang posisyon at mabigat na responsibilidad? Kailangang isantabi ang sariling nararamdaman at kaligayahan para sa ikabubuti ng nakararami?

Ang hari kaya? Ang sabi niya noong una kaming magkita ay hindi pa niya nakikilala ang kaniyang reyna, posible kayang tulad ni Calantha ay pinili na lang niyang isantabi ang kaniyang damdamin?

Hindi ba malungkot iyon? Nabigyan ka ng pagkakataong magmahal pero hindi mo maaaring piliin. Sana sa dulo ay magkaroon at mahanap ni Calantha ang ikasisiya ng kaniyang puso.

Sana ako rin. Mahanap ko rin sana ang tunay na magpapasaya sa akin at isa na roon ang pagbalik ng mga alaala ko.

----

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon