Napatitig ako sa aking repleksyon sa salamin. Namamangha kong hinawakan ang magarbong kasuotang ibinigay sa akin ng mahal na hari. Isa itong magarbong kulay rosas na bestida na umabot hanggang sa aking talampakan. Mayroon din itong mahabang manggas. Ang aking buhok naman na hanggang baywang ay hinayaan ko na lamang na nakalugay.
Nasa kalagitnaan ako ng pagsuri sa aking hitsura nang bumukas ang pintuan ng aking silid. Agad akong napayuko nang makita ko na ang hari ang pumasok. Napapikit na lamang ako nang maalala ko ang aking ginawa kanina. Bakit ba kasi sinabi ko na hindi kagandahan ang Ildimir? Mabuti na lamang at nabawi ko iyon kaagad kung hindi malamang ay ipinatapon na niya ako sa kung saan.
Nanatili lamang ako nakayuko at nakatingin sa dulo ng aking saya. Awtomatiko akong napalunok nang makita ko ang sapatos niya sa harap. Bakit tila napakalapit na naman niya?
"Maari ka nang tumayo" rinig kong sabi niya. Dahan-dahan akong umayos nang tayo. Unang sumalubong sa akin ang kaniyang mga kulay abong mata na seryosong nakatingin sa akin. Bakit ba tila laging napaka-init ng ulo ng haring ito? Dahil ba sa klima? Simula nang magising ako hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang buhos ng ulan at salitan ang kulog at kidlat.
"May ipinatawag akong manggagamot upang masuri ang iyong kalagayan at makumpirma ang aking hula" sabi niya na nagpakunot ng aking noo. Manggagamot? Hula?
Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya, naghihintay ng kaniyang idudugtong sa kaniyang naunang turan at mukhang napansin na niya ang kalituhan sa aking mukha.
"Hindi mo maalala ang pangalan mo, pinagmulan mo, at kung ano ka. Sa hula ko ay nawalan ka ng alaala" sabi niya. Naestatwa ako sa aking kinatatayuan dahil sa kaniyang sinabi. Ako? Nawalan ng alaala? Paano?
Napahawak ako sa aking ulo nang maramdaman ko ang paguhit ng sakit dito. Napapikit ako nang lalo itong sumakit sa paglipas ng segundo hanggang sa maramdaman kong tila nawawalan ako ng panimbang. Iniangat ko ang aking kamay upang kumuha ng suporta sa kalapit kong lamesa ngunit wala akong naabot.
Nagsisimula nang magdilim ang aking paningin nang maramdaman kong may mga bisig na pumulupot sa aking mga baywang. Sa kabila ng pag-ikot ng aking paningin sinubukan kong imulat ang aking mga mata at tingnan ang haring ngayon ay nakasuporta na sa akin.
"Nabigla ba kita?" malumanay niyang tanong at dahan-dahan akong iniupo sa kama.
"Bigla lamang sumakit ang aking ulo kaya ako ay nahilo ngunit maayos na ako. Salamat" sabi ko at sinubukang ngumiti ngunit muli lamang kumirot ang aking ulo. Muli akong napahawak doon at napapikit.
"Magpahinga ka na lamang muna habang hinihintay natin ang manggagamot ng palasyo. Huwag kang tatayo riyan" sabi niya. Napatingin ako sa kaniya dahil sa kaniyang sinabi. Tumaas ang kaniyang kilay nang magsalubong ang aming mata.
"Hindi lahat ng narito sa palasyo ay sasaluhin ka sa susunod na mahilo ka kaya't manatili ka na lamang dito. Maliwanag ba?" tanong niya. Seryoso lang siyang nakatitig sa akin kaya napatango na lamang ako. Mukha siya iyong tipo na galit sa salitang hindi. Kawawa naman ang kaniyang reyna.
Nanatili lang siyang nakatayo sa aking harapan at nakatingin sa akin kaya unti-unti akong nakaramdam ng ilang. Ganito ba sila rito sa kanilang kaharian? Nakakatakot at napakalamig ng tingin na para bang kahit yelo ay mahihiya. Isa pa, bakit napakalapit na naman niya sa akin?!
Sabay kaming napalingon sa pinto nang may kumatok doon. Lumapit doon ang hari at pinagbuksan ang kumakatok. Sinubukan kong silipin kung sino iyon ngunit tanging ang likod ng hari ang aking nakita.
"Narito na ang manggagamot" sabi niya at nilakihan ang pagkakabukas ng pinto. Napatingin ako sa babaeng kasunod niyang pumasok. Ngumiti ito sa akin kaya ngumiti rin ako pabalik.

BINABASA MO ANG
Struck
Fantasi"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...