Ika-Labing-Limang Kabanata

1 0 0
                                        

Astraea

"Lagot ka, Astraea. Nagtatampo na 'yang hari na 'yan" bulong ni Calantha nang iwan kami ng hari.

Napangiwi ako at sinundan ng tingin ang hari.

"Alam mo, mahilig magbigay ng regalo 'yang si Kaios. Lahat ng ibinigay niya sa akin, tanda niya pa. Pansin niya kapag ginagamit ko o hindi" kwento ni Calantha.

"Nagtatampo ba siya sa'yo kapag hindi mo ginamit?" Tanong ko na inilingan niya.

"Kilala naman ako ni Kaios, alam niyang madalas hindi ko kailangan ang mga regalo niya. Hindi marunong pumili ng regalo ang nilalang na 'yan" natatawa niyang sabi.

"Ang hari ang pumili ng kasuotan ko" sabi ko. Lumingon sa akin si Calantha at tiningnan ang suot ko.

Isang maliit na ngiti ang namutawi sa kaniyang labi bago ako tiningnan. "Mukhang marunong na siya ngayon" sabi lang niya at tiningnan na ulit ang hari.

"Astraea, nitong mga nakaraan magkasama kayo ni Kaios, hindi ba?" Tanong niya.

Agad naman akong nakaramdam ng taranta sa tanong niyang iyon.

"P...Paano mo nalaman?" Tanong ko.

Tumingin sa akin si Calantha at ngumiti. "Sa isang linggong pagbabalik-balik ni Kaios sa kalakalan, walang ibang bukam-bibig ang haring iyan kung hindi, Astraea, Astraea, Astraea" sabi niya at bahagyang natawa. "Parang sirang plaka" dagdag pa nito.

Bahagya naman akong nahiya sa kaniya. Ako lang ang nakakaalam ng tungkol sa kaniyang pagtingin para sa hari ngunit ano itong ginagawa ko?

Sinalubong ko ang tingin ni Calantha. Tila isang malaking bato ang pumukol sa puso ko nang makita ko ang pagdaan ng lungkot sa kaniyang mga mata.

"Sinamahan ko lamang ang hari dahil nababagot daw siya" sabi ko.

"Naniwala ka naman?" Tanong nito na nagpakunot ng noo ko.

"Ha?"

"Imposibleng mabagot ang hari na 'yan. Maraming inaasikaso si Kaios sa araw-araw. Pabalik-balik siya sa kalakalan, may pulong sa bawat pangkat ng Ildimir, mga problemang kailangan niyang solusyonan, at marami pang iba. Walang lugar ang pagkabagot sa buhay ni Kaios" sabi niya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Kayo ang mag-usap" sabi lamang niya at matipid na ngumiti.

Hindi na rin ako nagtagal sa salu-salo. Matapos ang usapan namin ni Calantha ay nagpaalam na rin ako na babalik sa aking silid.

Nang makapagbihis ako ay naghanda na akong matulog. Mula sa aking kwarto ay makikita ang liwanag ng bulwagan. Mukhang nagka-kasiyahan pa sila doon.

Umupo muna ako sa may teresa at pinanuod ang pagsayaw ng mga dahon sa hampas ng hangin. Pumikit ako at dinama ang banayad na simoy ng hangin kasabay ang huni ng mga ibon.

Kinuha ko ang paynetang regalo ng hari. Kumislap ang mga dyamante no'n nang tamaan ng sinag ng buwan. Kasabay ng pagkislap noon ay ang lungkot na unti-unting sumasakop sa puso ko.

Kung ano man ang ginagawa ng hari para sa akin, ikinalulungkot iyon ni Calantha. Hindi ako maaaring magkamali. Lungkot ang namumutawi sa mga mata niya habang ikinukwento niya sa akin kung paano ako ikwento ng hari sa kaniya.

Sa ilang araw naming magkasama ng hari, iilang beses lamang niyang nabanggit si Calantha. Tanging noong bumaba kami ng palasyo.

Ano ba talaga ito?

Kinabukasan ay sa hardin ulit ako dumaretso pagkatapos ng aking almusal. Wala naman akong gagawin dito pero nais ko lang mamalagi dito. Mapag-isa. Makapag-isip.

"Kaios, seryoso ka ba?" Napalingon ako sa likod ko nang marinig ko si Calantha.

Nanlaki ang mata ko at hindi ko alam kung bakit pero pinili kong magtago at makinig sa kanila.

"Hindi ko rin alam, Calantha" sabi ng hari.

"Paano kung may pamilya si Astraea? Paano pala kung may sarili na siyang pamilya?" Tanong naman ni Calantha.

Kumunot ang noo ko. Ako ba ang pinag-uusapan nila?

"Kung meron bakit wala pa ring naghahanap sa kaniya? Mahigit isang buwan nang naririto si Astraea. Ni isang balita o paghahanap sa kaniya ay wala akong narinig" sagot ng hari.

Sandali. Sinubukan ba ng hari na hanapin ang pamilya ko?

"Sa pagbabalik-balik ko sa kalakalan, ilang beses kong sinubukang hanapin kung saan nagmula si Astraea. Gusto ko rin namang makabalik siya sa pamilya niya pero saan siya babalik?" sabi ng hari.

Hinahanap niya ang pamilya ko? Kung gano'n nga at wala siyang nabalitaang naghahanap sa akin, wala na ba akong pamilya?

"Kaya nagiging makasarili ka, Kaios?"

"Hindi ko alam, Calantha. Hindi ko alam pero habang tumatagal, natatakot ako. Natatakot ako na sa oras na makaalala siya, bigla siyang umalis. Hindi ko nais maging makasarili pero hindi ko rin nais na malayo kay Astraea"

Natigilan ako sa mga binitawang salita ng hari. Anong ibig niyang sabihin? Bakit niya sinasabi kay Calantha ang mga bagay na iyon?

"Hindi dito nabibilang si Astraea, Kaios. Sigurado akong may naghihintay sa kaniya. Isa pa, Kaios, walang nagmamahal na nagiging makasarili. Hindi mo maaaring hilingin na lang na huwag na siyang makaalala para hindi ka niya iwan"

"Mali ba ako, Calantha?"

"Oo, sa lahat ng bagay. Mali na nililito mo si Astraea, mali 'yang pagiging makasarili mo, mali 'yang paraan mo ng pagmamahal"

At mali ring masaktan si Calantha nang dahil sa akin.

Kasabay ng papalayong hakbang ng hari at ni Calantha ay ang pagbagsak ng mga luha ko.

Naging makasarili ako nang mga nagdaang araw. Kung hindi ko hinayaan ang sarili ko na madala sa kasiyahang nadarama ko sa tuwing kasama ang hari, hindi kami darating sa puntong ito.

Hindi siguro titibok ang puso ko para sa hari.

Bumalik ako sa aking silid at doon namalagi hanggang sa lumubog ang araw. Hindi ko magawang lumabas sa takot na makasalubong ko ang hari, lalo na si Calantha.

Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa aking kaibigan.

Nakakatulog na muli ako nang may kumatok sa aking silid. Bumangon ako ngunit hindi ko agad binuksan ang pinto.

Alam kong ang hari iyon.

Hindi nga ako nagkamali nang magsimula siyang tawagin ako.

"Astraea"

Huminga ako ng malalim at lumapit sa pinto. Tumayo lamang ako sa harap noon.

"Astraea, ang sabi ni Calantha hindi ka raw sumabay sa kaniyang kumain. May sakit ka ba?" Tanong pa niya.

Napapikit na lamang ako. Hawak ko na ang seradura ng pinto ngunit hindi ko iyon magawang pihitin.

Pakiramdam ko'y sa oras na pihitin ko iyon ay nagtatraydor ako sa aking kaibigan.

"Astraea?"

Isang malalim na hininga ang aking pinakawalan bago nagsalita. "Mahal na hari, nais kong mapag-isa" mahinang sabi ko.

"May problema ba, Astraea?" Tanong pa niya.

"Wala, mahal na hari. Nais ko lamang mapag-isa"

"Gano'n ba? Iiwan ko ang pagkain mo rito sa labas. Kung may kailangan ka nasa aking silid lamang ako" sabi niya na hindi ko na sinagot pa.

Ilang sandali pa ang lumipas bago ko narinig ang papalayo niyang yabag. Dahan-dahan kong binuksan ang aking pinto at agad kong nabungaran ang dinalang pagkain ng hari.

Yumuko ako at kinuha iyon. Hindi ko mapigilang mapangiti nang makita doon ang paborito kong panghimagas ngunit mukhang hindi ko na iyon makakain sapagkat sinalo no'n lahat ang aking luha.

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon