Ika-Labing-Dalawang Kabanata

1 0 0
                                    

Astraea

Nang tumigil ang karwahe ay hindi ko na nagawang hintayin ang hari at agad na akong bumaba. Sa palagay ko'y hindi kami lumabas ng Ildimir pero kakaiba ang atmospera sa lugar na ito. Ibang-iba kumpara sa palasyo. Wari bang ang pamamalagi rito ay napakaluwag sa paghinga.

"Nasaan tayo, mahal na hari?" Tanong ko nang makalapit siya sa akin.

"Nandito tayo sa pinaka-matandang teritoryo ng Ildimir" sabi niya na nagpalingon sa akin.

"Pinaka-matanda? Hindi ba't ang kabisera iyon?" tanong ko na inilingan niya.

"Ang kabisera ang pinaka-malaki sa Ildimir pero noong nagsisimula pa lamang ang pagkakatatag ng Ildimir, dito kami nagsimula. Dito rin namamalagi ang mga retirado nang mandirigma ng Ildimir" sabi niya na nagpatango sa akin.

"Kung gano'n nandirito ang pamilya ni Calantha? Ang sabi niya'y galing siya sa pamilya ng mga mandirigma" sabi ko. Lumamlam ang mga mata ng hari.

"Si Calantha na lamang ang natitira sa buong pamilya niya. Nasawi sa nakaraang digmaan ang buong pamilya niya" sagot ng hari na nagpatigalgal sa akin.

Nag-iisa na lamang sa buhay si Calantha? Iyon ba ang dahilan kung bakit madalas na malungkot ang mga mata niya?

"Paano siya nakaligtas?" tanong ko.

"Naitakas kami ng aking ama ngunit kapalit no'n ang buhay ng aking Ina" sagot niya at saka napaiwas ng tingin. Hindi nakaligtas sa aking paningin ang pagdaan ng sakit sa kaniyang mga mata.

Hindi ko alam na gano'n pala ang pinagdaanan ng hari at ni Calantha. Kaya siguro gano'n na lamang sila kalapit dahil sila ang pinaka-nakakaintindi sa pinagdaanan ng isa't-isa.

Hindi ko lubos maisip kung paano nila nalagpasan ang trahedyang iyon sa buhay nila. Bakit ba kasi may mga nilalang na mas pinipili ang makapanakit ng kapwa nila kaysa piliin ang kapayapaan. Kung siguro hindi nabuhay ang kasamaan sa mundong ito, siguro'y matingkad at makulay ang Ildimir ganoon din ang buhay ng hari at ni Calantha.

"Pasensya na, mahal na hari. Hindi ko intensyong ungkatin pa ang inyong nakaraan" sabi ko. Lumingon siya sa akin at umiling.

"Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Matagal na iyon, matagal na rin naming natanggap ang nangyari" sabi niya.

"Naparusahan ba ang mga gumawa sa inyo no'n, mahal na hari?" tanong ko.

Tila natawa ang hari sa tanong ko bago napailing. "Naparusahan? Malaya ngang namumuhay ang ganid na 'yon, naging hari pa" sabi niya. Tila naghatid iyon ng milyon-milyong kilabot sa aking katawan.

Naging hari pa ang nananakit sa kanila? Paano nangyari iyon? Kung gayon ay mas marami pa ang maaring masaktan ng nilalang na iyon?

"Ibig sabihin ay maari pa rin niya kayong masaktan?" nag-aalala kong tanong.

Ngumiti ang hari at umiling. "Hindi ko hahayaan iyon lalo na't nangako ako kay Ama na aalagan at poprotektahan ko ang buong Ildimir. Hanggang nabubuhay ako, mananatili ring buhay ang Ildimir" makahulugan niyang sabi.

"Paano kung nanggaling ako sa kahariang nanakit sa'yo?" tanong ko.

Saglit na tumingin sa akin ang hari at huminga nang malalim. "Iyan ang pinaka-huling bagay na nais kong mangyari, Astraea. Ayokong kamuhian ang katulad mo, lalong ayokong itaboy ka" sabi niya.

"Pero paano nga, mahal na hari?" tanong ko muli.

"Astraea, tigilan mo na 'yan. Ayokong isipin ang bagay na 'yan" pagsasantabi niya sa tanong ko ngunit umiiral na naman ata ang katigasan ng ulo ko.

"Mahal na hari, nais kong marinig kung ano ang gagawin mo kung sakali mang doon ako nanggaling nang sa gayon..." sandali akong tumigil sa pagsasalita at tumingin sa kaniya. "Nang sa gayon ay maihanda ko ang sarili ko"

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon