Astraea
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Limang linggo na ang lumipas simula nang huli kong makita ang hari. Sa bawat araw na dumadaan, si Calantha ang siyang kasangga ko sa tuwing magsisimula ang sistema kong lunurin ako sa mga tanong at pangamba.
Sa limang linggong lumipas, wala kaming kahit anong narinig o nalamang balita kung kamusta na ang hari. Ayon kay Calantha, normal ang mga ganitong tagpo sa tuiwng ang hari mismo ang lumalabas ng palasyo. Noon daw ay umaabot pa sa buwan bago bumalik ang hari.
Sa mga ganitong panahon ay kay Calantha iniiwan ng hari ang buong Ildimir. Tunay ngang dinagdagan pa ng hari ang trabaho ni Calantha sa ginawa nitong pagbibilin sa akin.
Kasalukuyan ako ngayong nandito sa hardin ng palasyo. Malapit nang mamulaklak ang mga itinanim kong mga rosas mula nang umalis ang hari. Hindi ko alam kung paanong may nabubuhay na mga halaman dito sa Ildmir ngayong hindi ko naman nakikita ang araw. Isa ang bagay na ito sa mga pilit ko pang iniintindi at inaaral sa pamamalagi ko rito sa Ildimir.
"Kumain ka na ba, Astraea?" napalingon ako kay Calantha nang bigla siyang magsalita sa likod ko.
Ngumiti ako at tumango. "Pinapagalitan mo kapag hindi ako kumakain, Calantha" sabi ko.
Umikot na naman ang kaniyang mga mata at humalukipkip sa harap ko. "Kung hindi papagalitan ay ako ang pagagalitan ng hari mo" sabi niya.
"Hindi naman ako magsusumbong" biro ko na nagpalaki ng kanyang mga mata.
"Aba't, nakakaisip ka pang magsumbong? Pagbuhulin ko kaya kayong dalawa ni Kaios?" naiiling na sabi niya. Lumakad siya palapit sa akin at umupo sa tabi ko. "Maiba ako. May balita na kami kay Kaios" sabi niya na agad pumukaw ng pansin ko.
"Ano nang nangyari sa hari? Ligtas ba siya? Pabalik na ba siya?" tanong ko.
"Hindi pa siya babalik. Mukhang matatagalan pa raw sila dahil may nawawala pang isang kawal" sabi niya.
Tatango na sana ako nang may mapagtanto ako. "Paano mo nalaman?" tanong ko.
"Nandito si Kaios kanina" sabi niya na agad nagpatayo sa akin.
"Hindi mo sinabi sa akin" nanlulumo kong turan.
Umiling sa akin si Calantha. "Nangingibabaw ngayon ang pagiging hari ni Kaios kaysa sa kahit ano. Pumunta lamang daw siya saglit upang ipaalam sa'yo na maayos siya. Sana'y maintindihan mo na ginagawa ito ni Kaios para sa kaligtasan ng buong Ildimir dahil sa lalong pagtagal na may nawawalang kawal ay ang pagtaas ng posibilidad na malagay sa peligro ang buong kaharian" sabi niya.
Nanghihinang napaupo na lamang ako at napatingin sa mga rosas.
"Pero babalik naman siya, hindi ba?" tanong ko.
Naramdaman ko ang kamay ni Calantha sa aking balikat na marahang tumatapik doon.
"Oo naman. Nanlalambot 'yon kapag hindi ka nakikita" sabi niya at bahagyang natawa.
Lumingon ako sa kaniya. "Hindi ka ba nag-aalala sa hari?" tanong ko.
Sandali siyang tumingin sa akin bago marahang umiling. "Dati, oo. No'ng mga panahong alam kong hindi magdadalawang-isip si Kaios na isakripisyo ang buhay niya para sa Ildimir pero ngayon? Panatag ang loob ko" sabi niya at saglit na tumigil. Itinabi niya ang mga tumatabing na buhok sa aking mukha. "Panatag ako na uuwi ang sutil na 'yon kahit na iisa na lamang ang kaniyang paa dahil alam niyang naghihintay ka. May rason na si Kaios para ipaglaban ang sarili niyang buhay" dagdag niya.
Tila nahulog na naman sa lupa ang puso ko nang marinig ko ang mga salitang iyon mula kay Calantha. Ibang saya at kapanatagan ang hatid no'n sa akin puso ngunit alam kong walang makakapantay kung mismong sa bibig ng hari ko iyon maririnig.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...