Adeena
Matapos kong marinig ang mga salitang iyon ang sunod ko na lamang na narinig ay ang pagpapalayas ni Ina sa manggagamot.
Walang luhang tumulo sa aking mga mata. Natulala na lamang ako habang sumasagi sa aking isip ang imahe ni Cielle at Kaios.
Malalagutan ako ng hininga nang hindi ko sila nakikita? Matatapos ang buhay ko nang hindi ko man lang nayayakap si Cielle? Nang hindi man lamang niya maririnig sa akin kung gaano ko siya kamahal?
Gano'n-gano'n na lang iyon?
Ito na 'yon?
Ramdam ko ang pagyakap sa akin ng mga kapatid ko at ni Ina pero tanging pagtitig na lamang sa kanilang lumuluhang mga mata ang nagawa ko.
Ito na ba 'yong kapalit ng kasalanan ko? Ito na ba ang kabayaran sa pagtrydor ko sa Fryhmea? Ito ba ang ganti sa akin ng tadhana para sa pagtalikod ko kay Kaios at Cielle?
Ito na ba ang parusa ko? Parusa ko na ba talagang unti-utning maupos hanggang sa sariling puso ko na ang sumuko? Parusa kong panuorin kung paano ako papatayin ng sarili kong katawan? Na manuod lang at walang magawa para man lang lumaban?
Hindi ba ako naging mabuting reyna sa nakalipas na labing-walong taon? Kulang pa bang kabayaran ang pagkakawalay ko kay Cielle para maagang tuldukan ang buhay ko?
Hindi ito ang pinangarap ko. Pangarap ko pang makita ang anak ko at mapagsilbihan siya katulad kung paano ko pinagsilbihan ang Fryhmea. Gusto ko pang iparamdam sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Gusto ko pang marinig na tawagin niya akong Ina, mayakap niya, mahalin niya, at tumanda nang kasama siya.
At ang hari, matatapos ba ang buhay ko nang hindi man lang ako makakahingi ng tawad sa kaniya? Mawawala na lang ba ako sa mundo nang hindi pa rin niya ako naaalala?
Hanggang dito na lang ba?
Parang ayokong tanggapin. Hindi ko kaya. Hindi ko maintindihan! Bakit? Bakit ako na naman?
Ang mga sumunod na araw ko ay tila isang bangungot. Bawat parte ng katawan ko ay kumikirot. Sa tuwing hihinga ako ay sumasakit ang dibdib ko. Sa pagmulat at pagpikit ko ay sumasakit din ang aking mata. Kahit sa pagkain ay hirap na hirap ako. Pakiramdam ko ay mga bato ang nginunguya ko sa sakit na nararamdaman ko sa aking bibig. Mas hirap na rin akong magsalita. Sa bawat salitang sinasambit ko ay naghahabol na ako ng hininga at tila pinupunit ang aking dila.
Sobrang sakit pero wala ng luha ang pumapatak sa aking mga mata.
Napatingin ako kay Illiana na walang humpay ang pag-iyak habang inaalalayan akong uminom. Kahit ang paghawak ng mga bagay ay hirap na rin ako. Naigagalaw ko pa ang aking kamay ngunit nanghihina na.
"H...Huw...ag k...ka na u...um...yak" sabi ko matapos kong uminom.
Umiling si Illiana at hinawakan ang aking kamay.
"Hindi mo dapat nararanasan 'to" sabi niya.
Nahihirapan man pinilit kong umiling.
"Pa...ru...usa k...ko 'to" sabi ko.
Mariing napapikit si Illiana at mas lalong lumakas ang kaniyang mga hikbi. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, puno ng sakit at lungkot ang mga iyon.
"Wala kang ibang ginawa kung hindi unahin ang kapakanan ng iba. Sa dami ng masasamang nilalang, hindi dapat...hindi dapat ikaw ang nahihirapan nang ganito" sabi pa niya.
Gusto ko mang magsalita ngunit alam kong mahihirapan lamang ako kaya't hanggang pagtitig na lamang ang nagawa ko sa kaniya. Sa kanilang tatlo nila Ina, siya ang halos hindi na umalis sa aking tabi at halos oras-oras kong nakikitang umiiyak.
"Patawad, Adeena kung w...wala akong magawa" sabi niya.
Pinilit kong ngumiti sa kaniya. Isang malalim na hininga ang hinugot ko at dahan-dahan kong inabot ang kaniyang kamay.
"Wa...la k...kang kas...sa...l...lan...nan" sabi ko.
Mas bumuhos ang luha ni Illiana. Pilit kong hinimas ang kaniyang kamay upang makalma siya.
Sa dami ng itinulong sa akin ni Illiana, hindi ko alam bakit siya ang may pinakamaraming beses na humingi ng tawad sa akin.
Matapos akong pakainin ay nagpaalam saglit si Illiana. Naiwan akong muli sa aking silid. Nakaupo lamang ako at nakatanaw sa langit. Makulimlim ang langit. Marahil ay dahil iyon sa labis kong panghihina. Kung tuluyan ba akong papanaw paano ang Fryhmea? Sino nang mangangalaga sa kalangitan ng kaharian?
Nakatulog ako sa aking pagkakaupo. Naalimpungatan lamang ako nang maramdaman kong may humahaplos sa aking buhok. Dahan-dahan akong lumingon at nakita ko si Ina.
"Bumubuti ba ang pakiramdam mo?" tanong niya.
Mabagal akong umiling.
Tumango si Ina at mabilis na umiwas ng tingin. Hindi nakaligtas sa aking paningin ang pagpunas niya ng kaniyang luha bago niya ako muling nilingon.
"Nais mo bang magpahangin sa labas?" tanong niya na muli kong inilingan.
"Hindi ka ba naiinip dito?" tanong niya na inilingan ko lamang ulit.
"M...Masakit?" nangingilid-luhang tanong ni Ina. Sa pagkakataong ito tumango na ako.
"S...sob...ra" sagot ko.
Tumango si Ina at buong ingat akong niyakap.
"Patawad, Adeena. W...Wala man lang akong magawa" sabi niya habang marahang hinahaplos ang aking buhok.
Hinayaan ko lamang ang sarili kong sumandal sa dibdib ni Ina. Muli kong ipinikit ang aking mga mata. Gaano katagal na ba mula nang huli kong mayakap si Ina? Simula nang bumalik ang alaala ko at maging reyna ako bihira na lamang kaming magkita at magkausap. Hindi ko na rin alam kung paano ko siya pakikitunguhan katulad nang dati.
Matagal din akong sinamahan ni Ina bago siya nagsabing aalis na siya. Sa ngayon kasi ay siya na muna ang tumatayong reyna ng kaharian.
"Kapag may kailangan ka o may gusto ka, sabihin mo agad, ha?" sabi niya habang hawak ang aking kamay.
Natigilan ako sa sinabi niya. Ito na ba ang pagkakataon kong hilinging makita ang hari at ang aking anak.
Aalis na sana siya nang hindi ako bumitaw sa kaniya. Muli siyang bumaling sa akin.
"Ano iyon, Adeena?" tanong niya.
"K...Ka...hit an...a..nong g...gus...us...to ko?" tanong ko.
Mabilis siyang tumango. "Kahit ano" sagot niya.
Ngumiti ako. "H...har...hari" sabi ko.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasía"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...