Ika-Dalawampu't-Walong Kabanata

1 0 0
                                        

Adeena

"Nakaka-alala ka na?" tanong niya na agad kong tinanguan.

Binitiwan niya ang aking kamay.

"Kahit ano, Adeena, huwag lamang iyon" sabi niya at tuluyan na akong iniwan.

Napatitig na lamang ako sa kawalan. Bakit pa ba ako umasang papayag siya?

Tila talagang hihintayin ko na lamang na kusang tumigil ang puso ko sa pagtibok. Ito na marahil ang sagot ng tadhana na wala na akong pag-asa pang makita ang dalawang pinakamamahal ko.

Mabagal ang bawat araw na lumilipas. Ramdam ko ang bawat segundo na dumadaan. Ang akala ko'y malala ko nang kalagayan ay mas lalo pang lumalala. Halos hindi na ako maiwanan ni Illiana dahil kakarampot na paggalaw na lamang ang naggagawa ko.

Pakiramdam ko ay unti-unting pinipilas ang balat ko sa bawat paggalaw. Hindi ko alam kung bakit pa ba ako gumigising kung ganitong sakit lang din naman ang pagdadaanan ko. Para saan pa ba? Kung nahihirapan na ako pati ang nasa paligid ko, bakit pinapatagal pa itong pagdurusa ko?

"Nabanggit ni Ina na hiniling mong makita ang hari" sabi ni Illiana habang pinupunasan niya ang aking mukha.

"Susubukan ko siyang kumbinsihin p-"

"Illiana"

Ang matigas na boses ni Eleanor ang pumutol sa sinasabi ni Illiana. Lumapit siya sa amin at inilapag sa harap ko ang pagkain niyang dala.

"Hindi ka pa mamamatay Adeena para humiling nang ganiyan. Gagaling ka pa" sabi niya.

"P...Pa...a...no k...kung hi...hin...di n...na?" tanong ko.

"Ibabaligtad ko ang buong mundo kung iyon ang kinakailangan para mapagaling ka. Isa pa, hindi tumitigil si Illiana sa paghahanap ng lunas" sabi niya.

Tama siya, hindi tumitigil si Illiana pero alam ko ring wala siyang nahahanap na lunas. Alam kong araw-araw lumalabas si Eleanor para halughugin ang lahat ng kalakalan para makahanap ng gamot para sa akin ngunit bigo pa rin siya. Mukhang tama nga ang manggagamot, wala na akong lunas.

Iniumang sa akin ni Eleanor ang isang kutsara ng sabaw. Mabagal ang naging pagbuka ko ng aking bibig. Maingat akong sinubuan ni Eleanor.

Noong mga nakaraang araw ay kaya ko pang kumain ng mga gulay at prutas ngunit ngayon ay hindi na talaga. Tanging sabaw at tubig na lamang ang kaya kong lunukin.

Nasa huling kutsara na kami ng sabaw nang maramdaman ko ang paninikip ng lalamunan ko. Iniiwas ko ang aking bibig sa kutsara. Kumunot ang noo ni Eleanor at agad na ibinaba ang kutsara.

"Adeena, ayos ka lang?" tanong niya.

"Adeen-"

Hindi na natapos ni Illiana ang kaniyang sasabihin nang tuluyan akong naduwal. Mabilis na lumabas ang lahat ng laman ng tiyan ko. Akala ko ay matatapos na iyon doon nang makita ko ang sunod na inilabas ng aking lalamunan. Dugo.

"Adeena!" natatarantang sigaw ni Eleanor.

Hawak-hawak nila akong dalawa habang wala akong tigil sa pag-ubo. Napapikit na lamang ako sa sakit.

"Ina!" sigaw ni Eleanor habang hinihimas ang aking likod.

Ang puti kong kobre-kama ay kulay pula na ngayon sa dami ng dugong isinuka ko. Nagsisimula na akong manlambot at manghina ngunit hindi pa rin lumuluwag ang pakiramdam ng aking lalamunan. Waring may lalabas pa rin ngunit kahit anong ubo ko ay wala na.

Biglang bumukas ang pinto at iniluwa noon si Ina kasunod ang bagong manggagamot.

"Adeena" tawag sa akin ni Ina nang lumuhod siya sa harap ko at pinunasan ako.

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon