Astraea
Tunay pala na napaka-bilis lumipas ng oras sa tuwing ikaw ay masaya. Hindi ko namalayan na isang linggo na pala kaming laging magkasama ng hari. Sabay kumakain, magkasamang nag-aalaga sa mga rosas niya, magkasamang namamasyal, at kanina lang, magkasama kaming namahinga.
Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman ko na naman ang kabang hindi ko maipaliwanag. Ito kasi ang sinasabi ko kaya ayaw kong laging kasama ang hari pero napaka-mapilit niya. Napaka-rami namang pwede niyang kulitin ngunit ako ang napili niya.
Ilang oras na lamang ay magsisimula na ang salu-salo para kila Calantha. Nandito na rin sa aking silid ang aking kasuotan na mismong ang hari ang nagdala.
Ano bang ginagawa ng hari? Masyado niya ata akong pinapaboran nitong mga nakaraang araw. Nababagot lamang ba siya kaya niya ito ginagawa o may iba pa?
Hindi, Astraea! Imposible na may iba pang dahilan. Hindi ko pwedeng isipin 'yon. Hindi pwede.
Tumayo ako at kinuha ang regalong iskalap na para kay Calantha. Sinamahan ko iyon ng ilang bulaklak sa pagbabalot.
Si Calantha, siya ang pinaka-una kong kaibigan. Malaki ang pagpapahalaga ko sa kaniya. Malaking-malaki.
Ibinaba ko na ang regalo ko para kay Calantha at nagsimula nang mag-ayos. Nang makapag-bihis ako ay tumayo ako sa harap ng salamin.
Hindi ko mapigilang hindi mamangha sa kasuotang ibinigay ng hari. Isa itong puting bestida na umaabot hanggang sa aking talampakan. Burdado ito ng napakaraming perlas. Mula sa aking leeg pababa sa aking mga braso at kamay naman ay napapalibutan din ng mga dugtong-dugtong na perlas.
Napaka-gandang kasuotan. Umikot-ikot pa ako nang ilang beses sa harap ng salamin bago ako nakuntento. Sinimulan ko namang ayusin ang aking buhok.
Napatingin ako sa paynetang bigay ng hari. Dapat ko ba itong isuot?
Ilang sandali ko pa itong tinitigan bago ako nagpasyang hindi ko ito isusuot. Bibitbitin ko na lamang ito muli. Kumuha na lamang ako ng ibang pang-ipit at iyon ang inilagay ko sa aking buhok.
Nang matapos ako ay tiningnan ko pang muli ang aking hitsura bago ako nagpasyang lumabas ng aking silid.
Dumaretso na ako sa bulwagan ng palasyo. Marami nang tao. Totoo nga ang sabi ng hari, lahat ay imibitado. Malaki ang bulwagan kaya't mukhang kakasya naman kahit buong Ildimir ang pumunta.
Ang ibang dumalo nasa ikalawang palapag ng bulwagan at nakadungaw sa amin dito sa ibaba. Maliwanag ang sinag ng buwan na tumatama sa mga kristal na nakasabit sa bawat bintana at kisame ng bulwagan na siyang nagsisilbing ilaw dito. Ang mga pagkain naman ay nasa mahahabang mesa sa dalawang gilid ng bulwagan.
Napaka-laking salu-salo pala ang inihanda ng hari para sa pagbabalik nila Calantha.
Umakyat ako sa ikalawang palapag upang mas makita ang lahat ng dumalo. Sumandal ako sa isang poste at pinagmasdan ang kabuuan ng bulwagan. Paanong naayos ito ng hari habang kinukulit niya ako?
Nasa gitna ako ng panunuod sa mga batang naghahabulan nang bumukas ang malaking pinto ng bulwagan. Nandito na sila Calantha!
Mataman kong inabangan ang pagpasok nila. Nasa pinaka-unahan ng hanay si Calantha. Bitbit pa rin niya ang kaniyang malaking espada. Bakas ang pagod sa kaniyang mukha ngunit kitang-kita ko ang galak sa kaniyang mga mata.
Sinundan ko ang kaniyang tingin at hindi nga ako nagkamali, papalapit ang hari sa kanila. Isang malaking yakap ang agad na ibinigay ng hari kay Calantha.
Napangiti na lang ako habang pinagmamasdan silang dalawa. Hindi nakaligtas sa mata ko ang masuyong mga ngiti nilang dalawa sa isa't-isa habang tila nagka-kamustahan.
Maya-maya ay iginaya na ng hari sila Calantha papunta sa gitna ng bulwagan. Malugod naman silang sinalubong ng lahat.
Nanatili lamang ako sa ikalawang palapag at pinanuod ang mga kaganapan. Hindi ko matanggal ang aking tingin kay Calantha, lalo na sa hari na parang kanina pa lingon nang lingon.
Ano na naman bang ginagawa ng haring 'to?
Kunot-noo kong sinundan ang kaniyang tingin ngunit ipinaling na naman niya iyon sa ibang direksiyon. Paulit-ulit iyon hanggang sa magtama ang aming tingin.
Natigilan ako at napakapit sa aking bestida nang salubungin niya ang aking mga tingin. Mula sa pagiging aligaga, pansin ko ang pagkalma ng kaniyang mukha nang makita ako. Ano na naman ito, mahal na hari?
Lalong nagkagulo ang aking sistema nang gumuhit ang isang ngiti sa labi ng hari. Sandali siyang bumaling kay Calantha ay maya-maya ay nakita ko na siyang nanakbo papunta sa akin.
Ilang sandali lamang ang lumipas ay nasa harap ko na ang hari. Pinasadahan ng hari ng isang tingin ang kabuuan ko.
"Bagay na bagay sa'yo, Astraea" sabi niya. "Akala ko'y hindi ka pupunta. Kanina pa kita hinahanap" dagdag pa niya.
Humigpit ang kapit ko sa aking bestida at napaiwas ng tingin. Ano ba ang sinasabi ng hari? Bakit ba pinabibilis niya ang tibok ng puso ko?
"Astraea?" Tawag nito sa akin kaya't napalingon ulit ako sa kaniya.
Ngumiti ako. "Salamat sa kasuotan ko, mahal na hari. Mas gusto ko lamang na nandirito sa ikalawang palapag para mas makita ang lahat" sabi ko na tinanguan niya.
"Ayaw mo bang bumaba at makihalubilo sa iba? Si Calantha? Hindi mo ba babatiin? Hinahanap ka rin niya" sabi niya.
Napatingin ako kay Calantha na ngayon ay nakatingin na rin pala sa amin. Isang ngiti ang ibinigay niya sa akin na siyang aking sinuklian.
Bumaling ulit ako sa hari. "Bababa muna ako, mahal na hari. Pupuntahan ko si Calantha" sabi ko at akmang lalampasan na ang hari nang hawakan nito ang aking kamay.
"Sabay na tayo" sabi niya at nagsimula nang maglakad.
Sinubukan kong tanggalin ang hawak niya ngunit makulit talaga ang hari at ayaw bumitaw. Hanggang sa makarating kami sa harap ni Calantha ay hawak pa rin niya ang aking kamay.
Bumaba ang tingin ni Calantha sa aming mga kamay kaya't mabilis at mas malakas kong hinila ang aking kamay.
"Maligayang pagbabalik, Calantha" nakangiti kong sabi na kumuha ng pansin niya.
Ibinalik niya ang tingin sa akin at ngumiti.
"Nakakapanibago pala na walang Astraea na nangungulit sa akin" sabi nito na nagpalaki ng aking ngiti.
"Nakakapanibago rin na walang Calantha na nagsusungit" sabi ko na nagpa-ikot ng kaniyang mata.
"Ay" sabi ko nang maalala ko ang regalo ko para sa kaniya. Dali-dali kong kinuha ang kaniyang regalo. "Regalo namin ng hari para sa iyo. Ang hari ang pumili niyan" sabi ko habang inilalahad ko sa sa harap niya ang iskalap.
Sandali siyang tumingin sa hari bago sa akin. "Salamat, Astraea. Napakaganda" sabi nito.
"Gusto mong ilagay sa buhok mo?" Tanong ko na agad niyang tinanguan.
Pinatalikod ko si Calantha at maingat na inilagay ang iskalap sa kaniyang buhok.
Nakangiting humarap sa amin si Calantha habang hinahawakan ang kaniyang buhok.
"Astraea" tawag ng hari sa akin. "Nasaan ang payneta mo? Hindi mo na naman suot" dagdag nito.
Napahawak ako sa aking buhok. "Nalimutan ko, mahal na hari" sabi ko.
Nawala ang saya ng hari at napalitan iyon ng kaseryosohan. Lagot. Galit na naman.
"Sana'y sinabi mo na lang hindi mo nagustuhan ang regalo ko hindi 'yong lagi mo na lang sadyang kinakalimutan"
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...