Astraea
Hindi pa rin ako makapaniwalang nakatingala sa langit ng Ildimir. Umaaraw ngayon. Pumikit ako at dinama ang sikat ng araw.
Napamulat ako nang may mga brasong sumakop sa aking katawan. Lumingon ako sa aking likod at agad kong nabungaran ang hari. Isang ngiti ang ibinigay niya sa akin.
"Mahal na hari, umaaraw" balita ko sa kaniya.
Ngumiti siya at tumango. "Lahat ata ng nakasalubong ko papunta rito ay binanggit sa akin iyan" sabi niya.
"Paanong umaaraw ngayon dito?" tanong ko.
Masuyo siyang tumingin sa akin. Akala ko'y iyon na ang tutunaw sa aking puso ngunit ang mga salitang binitawan niya ay higit pa roon ang ginawa sa akin.
"Dahil sa'yo" nakangiti niyang sabi.
Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. Napalunok ako. Hayan na naman ang mga nagwawalang paru-paro sa aking tiyan na ngayon ay tila umaakyat na sa aking dibdib.
"Wala naman akong ginagawa, mahal na hari. Paanong dahil sa akin?" tanong ko.
Hinawakan ng hari ang aking mga balikat at iniharap ako sa kaniya. Sinundan ko ng tingin ang kaniyang kamay ng kunin niya ang kamay ko at itinapat sa kaniyang dibdib. Napatingin ako sa kaniya nang maramdaman ko ang malakas na kabog ng kaniyang puso.
"Pinasasaya mo ang puso ko, Astraea. Dahil sa'yo, nagawa kong ikalma ang lahat ng poot at lungkot na ilang taon ko nang kinikimkim" sabi niya.
Tila napigil ko ang hininga ko dahil sa mga binitawan niyang salita. Nilabanan ko ang kaniyang tingin. Nakakalunod. Iyon ang nangingibabaw sa akin habang nakatitig ako sa kaniyang abong mga mata. Kung noon ay nalulunod ako sa kaseryosohan ng kaniyang tingin ngayon ay hindi na dahil doon. Nalulunod ako sa pagsuyong hatid ng mga mata niya.
"Patawad kung pinaghintay kita nang matagal at hindi kita nagawang kausapin sa mga nakalipas na buwan" sabi niya.
Ibinaba niya na ang aking kamay. Umangat naman ang kaniyang kamay papunta sa aking pisngi at marahan iyong hinaplos.
"Si Calantha lamang ang kinakausap mo kapag bumabalik ka rito" sabi ko. Kahit na ayaw ko, aaminin kong nakaramdam ako ng tampo sa hari noon. Hindi ko maintindihan kung bakit nagawa niyang magpakita kay Calantha ngunit sa akin, ni isang segundo hindi niya nagawa. Alam kong mababaw na bagay ngunit nais ko pa ring malaman ang dahilan. Nais ko pa ring malaman niya na inisip ko ang bagay na iyon.
"Maniwala ka, Astraea. Wala akong ibang nais gawin nang mga oras na iyon kung hindi ang puntahan ka, makita ka, at mayakap ka ngunit mas kailangan ako ng Ildimir nang mga oras na iyon. Noong araw na umalis ako? Hindi ko alam kung ilang beses ba akong humiling sa langit para lamang makaalis ako. Ang makita kang umiiyak ay sapat nang dahilan upang mag-alangan akong umalis. Sa mga oras na bumabalik ako rito ay hindi ko magawang magpakita sa'yo dahil alam kong isang salita mo lamang na manatili ako ay gagawin ko iyon nang walang pag-aalinlangan" mahaba niyang paliwanag. Hindi maalis ang titig niya sa akin habang binibitawan niya ang mga salitang iyon.
Iniangat ko ang aking kamay at hinawakan ang kamay niya sa aking pisngi. "Mas lalo mo akong pinahahanga, mahal na hari" sabi ko na nagpangiti sa kaniya.
"Nagtampo ka" sabi niya.
"Nagtampo ka rin" sabi ko.
Natawa ang hari bago tumango. "Ipinamimigay mo kasi ako, mahal ko" sabi niya.
Mabilis na umakyat ang dugo sa aking pisngi nang marinig ko ang huli niyang tinuran. Mahal ko. Hayan na naman ang hari sa pagtawag sa akin nang gano'n. Hindi ba niya alam na mas nagwawala ang mga paru-paro sa tiyan ko dahil doon? Para akong kakapusin ng hininga sa tuwing maririnig ko iyon.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasy"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...
