"Salamat, Calantha. Nabusog ako" nakangiti kong sabi kay Calantha matapos akong kumain. Tumango lang siya sa akin at naglakad na ulit.
Nagsusungit na naman siya. Kanina, habang ako ay kumakain ay nakatitig lamang siya sa akin at panay ang tanong kung hindi pa raw ba ako tapos. Hinayaan ko na lamang siya dahil batid kong likas siyang mainipin. Isa pa, magkaibigan kami kaya't pagpapasensyahan ko siya.
"May pag-eensayo ang mga kawal ng palasyo. Kailangan ako roon. Ikaw? Babalik ka na ba sa silid mo?" Tanong niya.
Sasagot na dapat ako at sasabihing babalik na lamang ako nang may maisip ako. Ngumiti ako sa kaniya at muling nangunyapit sa kaniyang braso. "Maari ba ako sumama, kaibigan?" Tanong ko at ipinilantik ang aking mga mata.
Napairap naman siya sa ginawa ko at napabuntong-hininga.
"Ayo-"
"Ang sikreto, Calantha" pakanta kong sabi.
Agad na sumama ang tingin niya sa akin. "Oo na!" Galit niyang sabi at nagsimula nang maglakad. Natatawa akong nagpahila na lamang sa kaniya.
"Salamat, kaibigan!" Pang-aasar ko pa na hindi na niya pinansin.
Lumabas kami ng palasyo at napanganga na lamang ako sa lawak ng nasasakupan ng Ildirim. Nasa mataas na bahagi ang palasyo kaya't mula rito sa aking kinatatayuan ay kitang-kita ko ang siyudad sa ibaba.
Inilibot ko pa ang aking tingin ngunit napangiwi na lamang ako nang muling kumulog nang sunod-sunod. Napatingin ako sa langit at lalo itong dumidilim. Hindi ba sumisikat ang araw dito?
Sayang. Isa sigurong napakagandang paraiso ng Ildirim kung hindi puro maiitim na ulap, ulan, kulog, at kidlat ang bumabalot dito.
Napatingin ako sa aking kamay nang maramdaman kong biglang may humawak dito. Hinila ako ni Calantha papunta sa isang tabi at pinaupo. "Umupo ka lamang dito at manuod. Baka matamaan ka ng mga kawal"
Napatango na lamang ako sa sinabi niya at pinanuod siyang lumapit sa mga kawal. Nakapangalumbaba kong pinanuod ang sabay-sabay na pagyukod ng mga kawal nang makita siya.
Gaano kataas ang kaniyang posisyon dito sa Ildirim at lubos siyang iginagalang ng lahat?
Napa-kibit balikat na lamang ako. Siguro nga ay kapamilya siya ng hari.
Napa-ayos ako ng upo nang hugutin ni Calantha ang kaniyang espada. Hindi ko pa man iyon nahahawakan ngunit batid ko nang napakabigat niyon at napakatalas. Saan niya ginagamit iyon? At paanong kanina pa niya iyon bitbit sa kaniyang likod na parang wala lamang sa kaniya?
Napakalakas naman pala ng aking kaibigan.
Matagal na nagsanay ang mga kawal kasama si Calantha. Minsan nga ay napapapalakpak ako sa tuwing iwawasiwas ni Calantha ang kaniyang espada. Hindi ko alam na nakakaaliw pa lang panuorin at pakinggan ang mga espada.
"Hindi ka pamilyar sa akin. Maari bang malaman ang iyong ngalan, binibini?" Napatingin ako sa lalaking kumausap sa akin. Isa siya sa mga kawal na kasama ni Calantha kanina.
Napalunok naman ako at napakamot sa aking ilong. Heto na naman tayo sa katanungan tungkol sa aking pangalan. Paano ko iyon sasagutin.
"A...Ano kasi" nag-aalangan kong sabi at napakagat sa aking labi. Mataman naman niya akong tiningnan at naghintay sa aking isasagot.
"Xerxes, huwag mo siyang gambalian. Bisita siya ni Kaios"
Napahinga ako nang maluwag nang marinig ko ang boses ni Calantha. Napatingin ako sa kaniya at ngumiti ngunit inirapan lang niya ako at lumapit sa sinasabi niyang Xerxes.
BINABASA MO ANG
Struck
Fantasi"As long as the sun, moon, and stars, shine, I will love you" - The Kingdom of Fhrymea, a peaceful and harmonious kingdom of women ruled by three goddesses; Adeena, the goddess of light, Eleanor, the goddess of harmony, and Illiana, the goddess of a...