Ika-Pitong Kabanata

0 0 0
                                        

Astraea

Malakas na kulog ang gumising sa akin mula sa aking pagkakahimbing. Napapapikit pa ako nang bumangon ako at sinilip ang labas. Tulad ng mga araw na nagdaan, madilim pa rin ang kalangitan ng Ildimir. Malamig ang hangin na humahampas sa balat ko at tila nagkakarera ang patak ng ulan. Hindi ba talaga sumisikat ang araw dito?

Dahil wala naman akong ibang makikita sa labas ay minabuti ko nang mag-ayos. Ngayong araw ay magtatalaga na si Calantha ng aking magiging gawain habang namamalagi ako rito. Ang sabi niya ay nakausap na siya ng hari at ibinigay na sa kaniya desisyon kung anong gawain ang ibibigay sa akin.

Sa mga nagdaang araw ay hindi ko na masyadong nakikita ang hari. Matapos niya akong bigyan ng pansamantalang pangalan ay hindi na niya ulit ako nabisita. Hindi naman ako nagdaramdam dahil alam kong hindi ako ang prayoridad niya bilang hari. May kaharian siyang kailangang pamunuan na mas kailangan niyang pagtuunan ng oras kaysa sa aking dayuhan lamang.

Pagkabukas ko ng pinto ay agad kong nabungaran si Calantha na nakasandal sa pader. Ngumiti ako sa kaniya at marahang yumukod. "Magandang umaga Calantha" sabi ko.

Napag-alaman kong si Calantha ang pinuno ng buong sandatahang lakas ng Ildimir kaya't gano'n na lamang ang respeto sa kaniya ng lahat. Napakatapang at lakas niya palang mandirigma.

"Maganda sana ang umaga ko kung hindi mo ako pinaghintay nang matagal" sabi niya at umalis sa pagkakasandal sa pader. "Tara na. Ituturo ko sa'yo ang gagawin mo" sabi niya at nauna nang naglakad.

Sandali naman akong napanguso sa ginawa niya. Akala ko talaga ay magiging magkaibigan na kami ngunit tila mas lalo siyang nagsusungit sa akin nitong mga nakaraang araw.

Tahimik na lamang akong sumunod sa kaniya hanggang sa makarating kami sa hardin. Pinigilan ko ang aking sarili na mapangiwi nang makita kong puro kulay itim na rosas lamang ang nakatanim doon. Wala bang ibang kulay dito sa Ildirim kung hindi itim at abo? Maliban sa mga punda ng unan ko at kobre kama, napakadalang ng kulay puti rito.

"Ito ang magiging gawain mo, Astraea" sabi ni Calantha habang nakaturo sa mga bulaklak. "Aalagaan mo ang mga ito. Kada linggo ay pipitas ka ng bulaklak at dadalhin mo sa kwarto ng hari. Ikaw na ang bahala kung paano mo aayusin basta't huwag mo lamang kalilimutan na dalhan siya ng bulaklak" dagdag na paliwanag niya.

Agad kong tinandaan sa utak ko ang mga iyon at tumango.

"Marunong ka ba?" Tanong niya. Tatango na sana ako nang bigla akong matigilan. Marunong ba ako? Bago ako mawalan ng ala-ala, marunong ba ako?

Mukhang napansin ni Calantha ang pag-aalinlangan ko base sa pagbuntong-hininga niya. Sinundan ko siya nang tingin nang lumapit siya sa mga gamit pang-hardin. Kinuha niya 'yon at iniabot sa akin.

"Tuturuan kita saglit bago kami mag-ensayo. Makinig kang mabuti"

Sinimulan na ni Calantha na ipakita sa akin kung paano ayusin ang mga bulaklak, paano magtanim, at paano ang tamang pagdidilig.

Nang matapos siya ay ibinaba na niya ang mga gamit at lumapit sa akin.

"Malinaw ba?" Tanong niya na agad kong tinanguan habang nakangiti.

"Sigurado ka?" Tanong niya.

"Siguradong-sigurado. Pwede mo na akong iwan dito" sabi ko. Sandali pa niya akong tiningnan bago tumango.

Kinuha na niya ang mga gamit niya at saka umalis. Kakaway pa sana ako sa kaniya nang magtuloy-tuloy lang siya sa paglalakad nang walang lingon-lingon.

"Masama na naman kaya ang gising ni Calantha?" Tanong ko na lang sa sarili ko.

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon