Ika-Labing-Isang Kabanata

0 0 0
                                    

Astraea

Ang kisame ng aking silid ang una kong nakita nang imulat ko ang mga mata ko. Nawalan ulit ako ng malay. Bumangon ako at iginala ko ang aking tingin. Nagulat ako nang makita ko ang hari na natutulog sa upuan katabi ng kama ko.

Dito siya natulog? Binantayan niya ba ako? Gaano katagal na ba akong walang malay? Tumingin ako sa bintana at nakitang magbubukang-liwayway na. Kung gano'n ay buong araw at magdamag akong tulog.

Muli kong binalingan ng tingin ang hari. Ni hindi pa siya nakakapagpalit ng kaniyang kasuotan.

Marahan akong tumayo at lumapit sa hari.

"Mahal na hari" paggising ko sa kaniya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Nang makita niya ako ay agad siyang tumayo at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

"Ayos ka na ba? Sandali, tatawagin ko ulit ang manggagamot" sabi niya at akmang lalabas na ng aking silid nang hawakan ko ang kaniyang braso upang pigilan siya.

"Maayos na ako, mahal na hari. Huwag ka nang mag-alala. Nahilo lamang ako kahapon" sabi ko.

"Ang sabi ng manggagamot ng palasyo ay wala naman siyang nakitang mali sa'yo kaya't hindi niya rin alam kung bakit ka nawalan ng malay" sabi niya.

Tumango ako. "Mukhang ako, alam ko kung bakit ako nawalan ng malay" sabi ko at sinalubong ang tingin niya.

"Bakit?" Tanong niya.

"Mukhang nagsisimula nang bumalik ang mga ala-ala ko, mahal na hari" nakangiti kong sabi sa kaniya. Saglit siyang natigilan bago napangiti rin.

"Talaga? Paano?" Tanong niya.

"Tanda mo nang ipakilala mo sa akin kahapon si Andromeda? May sumagi sa aking isipan na tila isang hayop na may pakpak. Sa alaalang iyon, tila nasa isang malawak akong hardin kung saan maraming bulaklak, napakakulay ng lugar na iyon sa ala-ala ko, mahal na hari" natutuwa kong kwento sa kaniya.

Tiningnan lamang ako ng hari habang tila nag-iisip nang malalim. "Malawak na hardin. Maraming bulaklak at makulay? Hindi ka nga galing dito sa Ildimir" turan niya at mataman akong tiningnan.

"Sa lahat ba ng parte ng Ildimir ay ganito ang kulay? Matamlay?" Tanong ko.

Tumango ang hari. "Sa buong Ildimir, bukod sa buwan, ikaw lamang ang siyang nagbibigay liwanag dito" turan niya pa.

"Liwanag?" Tanong ko. Tumango siya at itinuro ang buhok ko na kulay puti.

"Tila isa kang naglalakad na liwanag, Astraea. Kaya rin, isinunod ko sa bituin ang ibinigay kong pangalan sa iyo" sabi niya na nagpamangha sa akin. Iyon pala ang kwento ng pangalan ko.

"Pero huwag kang mag-alala. Hindi ka man dito nanggaling sa Ildirim ay tutulungan pa rin kitang mahanap ang iyong tunay na pinagmulan" sabi niya at tipid na ngumiti.

"Salamat, mahal na hari" sabi ko.

"Magpahinga ka na muna ulit. Magpapahatid ako ng pagkain mo" sabi niya at akmang aalis na ulit nang pigilan ko siya.

"May nalilimutan ka, mahal na hari" sabi ko na nagpakunot ng noo niya. "Hindi ba't mamamasyal tayo?" Tanong ko.

"Kahapon, oo, ngunit nawalan ka ng malay, hindi ba?" Sabi niya.

"May malay na ako ngayon" sabi ko.

Nakakunot-noo pa rin niya akong tiningnan. "Tapos?"

"Pwede na tayong mamasyal!" Sabi ko na agad niyang inilingan.

"Hindi" matigas niyang sabi na nagpasimangot sa akin.

Binitawan ko ang kanyang manggas at humalukipkip.

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon