Ika-Dalawampu't-Tatlong Kabanata

2 0 0
                                        

Adeena

Mabilis na gumawa ng ingay ang pagbagsak ko sa sahig. Napapikit na lamang ako at napakapit sa dulo ng aking bestida. Nasa Fryhmea na nga akong talaga. Nakabalik na ako. Nasa harap na ako ni Ina.

"Eleanor! Ano bang ginagawa mo sa kapatid mo?" rinig kong sabi ni Ina. Sunod na umingay ang kaniyang mga yabag papunta sa akin.

Bago pa man niya ako marating ay napatigil na agad siya ni Eleanor.

"Sinuway ka ni Adeena, Ina" sabi niya.

"A...Ano?" sabi ni Ina.

Iniangat ko ang aking ulo at sinalubong ang tingin ni Ina. Umiiling siyang bumaling sa akin.

"Adeena, nagkakamali lamang si Eleanor, hindi ba?" tanong niya.

Mariin akong napapikit at umiling. Sa aking pagmulat ay bumungad sa akin ang lumuluhang mukha ng aking Ina. Walang ka-ano-ano ay napaluhod na lang din siya sa aking harap.

Lumapit ako sa kaniya at inabot ang kaniyang kamay. "Ina, pa-" ang aking mga salita ay naputol ng isang malakas na sampal mula sa kaniya. Napahawak na lamang ako sa aking pisngi. Nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha nang mula ko siyang lingunin.

Napagbuhatan ako ng kamay ng aking Ina.

"Wala kang utang na loob!" sigaw niya.

"I...Ina, magpapaliwanag ako" sabi ko at sinubukan ulit siyang abutin ngunit mabilis na siyang lumayo sa akin at tumayo.

Matatalas ang mga tingin niya. Ang kaniyang mga malalambot na kamay na ni minsan ay hindi naging marahas ngayon ay nanginginig habang nakakuyom.

"Anong ipapaliwanag mo? Buwan, Adeena! Buwan ang lumipas at ngayon ka lamang nagpakita tapos ay ganito ang ibubungad mo sa akin? Pinagtaksilan mo ang buong Fryhmea!" sigaw niya.

Pinunasan ko ang aking mga luha at lumuhod sa harap niya.

"Ina, pakinggan mo ako" sabi ko.

"Sino? Sino ang lalaking iyon, Adeena?" tanong niya.

Umiling ako at hinawakan ang kaniyang mga kamay.

"Ina, pakinggan mo ako, pakiusap" sabi ko.

Nanatiling matigas ang ekspresyon ng aking Ina. Walang pag-aalinlangan niyang itinapon palayo ang aking mga kamay. Bumaling siya sa mga kapatid ko sa aking likuran.

"Sino ang lalaki ng kapatid niyo?" tanong niya.

Mabilis akong lumingon sa kanila at umiling. Hindi maaaring malaman ni Ina. Hindi ko alam kung anong gagawin niya sa hari kung makikila niya ito. Ayokong mapahamak ang hari.

Malungkot na tumingin sa akin si Illiana bago napaiwas ng tingin. Mabilis akong bumaling kay Eleanor at nagmakaawang tumingin ngunit tulad ni Ina nanatiling matigas ang kaniyang ekspresyon.

"Hari ng Ildimir, Ina" bumagsak ang balikat ko at napaupo na lamang ako.

"A...Ano?" rinig kong sabi ni Ina.

Napatingin ako sa kaniya. Mas lalong tumalim ang kaniyang tingin sa akin. Mabilis siyang nakaluhod at nahawakan ang aking mukha.

"Ina, masakit" daing ko nang dumiin ang kaniyang hawak.

"Alam mo ba kung anong ginawa mo? Ha, Adeena!" sigaw niya.

Taka akong tumingin sa kaniya. Sa nanginginig kong mga kamay ay hinawakan ko ang kamay niya. "Ina, hindi kita maintindihan"

"Talagang hindi mo maiintindihan dahil kamangmangan ang pinaiiral mo!"

Natigilan ako sa tinuran niya. Isa-isang tumulo ang luha ko habang ang mga mata ko naiwang nakapako sa kaniya.

StruckMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon