Ika-Dalawampu't-Anim na Kabanata

1 0 0
                                    

Adeena

Makalipas ang labing-walong taon....

Labing-walong taon. Labing-walong taon na si Cielle sa araw na ito. Labing-walong taon ko na ring suot ang korona ko pero wala ni isang araw ang dumaan na naging masaya ako.

Muli akong tumingin sa bintana ng palasyo at tinanaw ang langit. Kamusta na ba si Cielle at si Kaios? Ang tanging hiling ko lamang sa bawat araw ay sana kabaligtaran ng sitwasyon ko ang araw-araw nilang buhay. Araw-araw kong dalangin ang kasiyahan nila dahil sila na lamang ang dahilan kung bakit pinipili ko pang gumising sa umaga.

Lumabas ako ng palasyo at tinanaw ang buong Fryhmea. Buong-buhay ko nang pinagsisilbihan ang Fryhmea. Ibinigay ko ang lahat. Isinakripisyo ko ang lahat kahit na ang pamilya ko. Wala na akong itinira sa para sa aking sarili. Ito ba talaga ang kapalaran ko? Ang magmahal lang? Magbigay lamang nang magbigay? Magparaya? Magsakripisyo?

Napayuko na lamang ako at napapikit. Bakit hindi nababawasan ang sakit? Bakit sa bawat paghinga ko ay mas tumitindi ang sakit? Akala ko ba ay lahat nagagamot ng oras? Bakit ang sugat sa aking puso ay kailanma'y di naghilom?

Napamulat ako nang maramdaman ko ang pagsakit ng aking puso. Umayos ako ng tayo at sumandal. Ilang beses akong huminga ng malalim habang hinahagod ang aking dibdib.

Napapadalas ang pagsakit ng aking dibdib nitong mga nakaraan. Pilit ko lamang itinatago sa lahat dahil hindi makatutulong kung malalaman ng buong Fryhmea na may karamdaman ang kanilang reyna.

Nang maibsan ang sakit na aking nadarama ay minabuti ko nang bumalik sa aking silid upang magpahinga. Umupo ako sa aking kama at binuksan ang aking kabinet. Sa loob niyon ay ang paynetang bigay sa aking ng hari.

Marahan ko iyong hinaplos. Napangiti ako nang maalala ko ang mga panahong laging hinahanap ng hari ito sa aking buhok. Sino bang mag-aakala na sa oras na tanggalin ko ito ay korona naman ang sunod na isusuot ko. Sa kabila ng kapangyarihang dala ng aking korona, kung papipiliin man ako, mas pipiliin kong maging si Astraea na lamang at mamuhay nang simple.

Muli kong itinabi ang payneta at humiga na lamang. Ipinikit ko ang aking mga mata. Gaya ng lagi kong ginagawa bago ako matulog, muli kong inalala ang mukha ni Cielle. Sa mga taong lumipas ang pinaka-kinatatakutan ko sa lahat ay ang makalimutan ko ang wangis niya. Sa bawat gabing lumipas, mukha niya ang nasa isip ko bago ako tuluyang makatulog.

Kung ba tanggap ni Ina ang pagmamahalan namin ni Kaios, masaya kaya kaming tatlo ngayon? Masaya bang namumuhay si Cielle dito sa Fryhmea? O sa Ildimir?

Nilamon ako ng antok habang iniisip ko ang mga bagay na iyon. Nagising na lamang ako nang maramdaman ko ang muling pagsakit ng aking dibdib. Napabangon ako at napahawak sa aking dibdib.

Ilang beses akong humugot ng hininga sa pag-asang maiibsan ang sakit ngunit mas lalo lamang sumasakit ang aking dibdib sa bawat paghinga ko. Gamit ang paubos kong lakas ay sinubukan kong tumayo at lumabas ng aking silid. Habang sapo ng aking kanang kamay ang aking dibdib, nakahawak sa mga pader ang aking kaliwang kamay.

Habol ko na ang aking hininga nang matanaw ko ang aking mga kapatid. Sinubukan kong magsalita upang tawagin sila ngunit wala ni hangin ang lumabas sa aking bibig. Sinubukan ko pang lumapit sa kanila ngunit tuluyan na akong sinukuan ng aking katawan.

Malakas ang ginawang ingay na ginawa ng aking katawan nang tumama iyon sa marmol na sahig. Agad no'ng inagaw ang atensyon ng aking mga kapatid. Sa aking nanlalabong paningin ay nakita ko ang pagtakbo nila sa aking direksiyon.

Mabilis akong inalalayan ni Illiana. Nakikita kong bumubuka ang kaniyang bibig ngunit wala akong marinig na kahit anong salita. Nakita ko pa si Eleanor na tinatapik-tapik ang aking pisngi bago mabilis na tumakbo. Muli akong napatingin kay Illiana na umiiyak na.

StruckTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon