WARNING: This part of the story may contain mature and disturbing themes not suitable for young audiences.
REMI
HALOS lumuwa ang mga mata ko habang nakatingin kay Papa na patuloy lang sa pag-iyak. Ramdam na ramdam ko ang labis na panginginig ng mga kamay kong hawak-hawak niya.
"A-Ano? Pa, hindi magandang biro 'yan." Sinubukan kong pumilit ng isang tawa pero mas lalo lang naiyak si Papa.
Sumabay sa lamig na nararamdaman ko ang pag-ihip ng malakas na hangin. Tanging ang pag-iyak lamang ni Papa ang naririnig ko sa paligid. Wala akong ibang magawa kundi mapako sa kinatatayuan ko, nanlalaki ang naluluhang mga mata na nakatitig sa kakaibang tanawin ng pag-iyak ng tatay ko.
"T-Tumawag sa 'min ang university niya sa Valle Sella... N-Natagpuan daw ng mga pulis ang sunog na katawan niya sa isang abandonadong warehouse..."
Mariin akong napalunok. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito katinding kaba. Lumuluha ang mga mata ko. Nanginginig nang sobra ang katawan ko. Pakiramdam ko, parang tatakas na ang puso ko sa sobrang bilis ng tibok nito.
"N-Nagbibiro ka lang, 'di ba? Hindi pwedeng mangyari 'yan... Pa, kakatawag niya lang sa 'tin noʼng isang araw. S-Sabi niya, okay lang siya... Imposible 'yang sinasabi mo, Pa... Nagsisinungaling ka lang. H-Hindi 'yan totoo..." Ramdam kong basag na ang boses ko pero pinilit ko pa ring magsalita, patuloy sa pagtulo ang mga luha ko.
Imbes na sumagot, bigla na lamang akong niyakap ni Papa. Hindi siya nagsalita. Umiyak lang siya nang umiyak.
"N-Nagsisinungaling ka lang..." bulong ko, labis ang panginginig ng mga labi ko alinsunod sa nararamdaman ng buo kong katawan.
Ramdam kong umiling si Papa sa balikat ko. "Nakita nila ang ID niya sa tabi ng bangkay... Nakita rin nilang suot-suot nito ang isang bracelet."
Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko.
"A-Anoʼng meron sa bracelet?" tanong ko.
"Ang pangalan niya..." Napahikbi si Papa. "Musiko..."
Sa isang iglap, parang tuluyang gumuho ang natitira kong pag-asa.
~~~~~~
SUMAMA na ako kay Papa sa pag-uwi sa bahay namin. Ni hindi na ako nakapagpaalam pa sa mga kaibigan ko at kay Jago. Wala akong pinagsabihan sa kahit sino sa kanila tungkol sa nangyari. Masyado pa akong wala sa sarili para mag-isip ng ibang bagay.
"Ma!" Agad akong dumiretso kay Mama nang maabutan ko siya sa loob ng salas. Nakaupo lang siya sa sofa, umiiyak habang katabi si Tita Mommy na hinahaplos ang likuran niya.
Pulang-pula at namamaga ang mga mata niya nang tumingin siya sa 'kin. Umupo ako sa tabi niya at dali-dali siyang niyakap nang mahigpit. Rinig na rinig ko ang pag-iyak niya habang niyayakap ako pabalik.
"Do—" Ni hindi niya kayang tapusin ang pangalan ko. Muli siyang umiyakkung kayaʼt marahan kong hinaplos ang likod niya.
Napatingin ako kay Tita Mommy na katabi niya. Tulad naming lahat, namumula ang mga mata niya na mukhang kakagaling lang sa pag-iyak.
Alam ng Diyos kung gaano ko kagustong bigla na lang silang tumigil sa pag-iyak at sasabihin sa 'kin na 'Itʼs a prank!ʼ. Iniisip ko na sana... sana isa lang 'tong malaking kalokohan ni Moose at ginawa niya pang kakuntsaba ang pamilya namin. Gustong-gusto ko silang bigla na lang tumawa at sabihin na isa lang 'tong malaking surprise prank dahil umuwi si Moose para bisitahin kami.
Nagsisinungaling lang sila, 'di ba?
Hindi naman totoo ang sinasabi nila, 'di ba?
Hindi naman totoong wala na ang kapatid ko... 'di ba?
Sa isang iglap, biglang bumukas ang front door ng bahay. Dali-dali akong kumawala mula sa pagkakayakap kay Mama at ibinaling ang tingin ko sa pintuan. Napakalaki ng ngiti sa labi ko, pero unti-unti itong naglaho nang hindi si Moose ang nakita ko.
"Naiuwi na raw siya..." giit ni Papa, bakas ang matinding lungkot sa boses niya.
Napatakip na lang ng mukha si Mama at muling umiyak kung kayaʼt agad siyang kinomporta ni Tita Mommy na lumuluha rin. Sa kabilang banda naman, wala akong ibang magawa kundi manatiling nakatitig kay Papa.
Kung bangungot lang ang lahat ng 'to, sana tuluyan na akong magising dahil ayoko nang manatili pa dito.
~~~~~~
MAKAILANG-ULIT na akong napapalunok habang binabaybay namin ang mahabang pasilyo ng ospital. Pinangungunahan kami ng dalawang pulis na galing pa sa Valle Sella. Nakasunod sa kanila sina Papa, Mama, at Tita Mommy na malalaki ang mga hakbang. Naiwan naman akong nasa likuran, pilit na ipinanghahakbang ang mga paa ko kahit pakiramdam ko, babagsak na ako anumang oras.
"Nandito na ho tayo," giit ng isa sa mga pulis at tumigil sa harapan ng isang pinto. Mas lalong tumindi ang panlalamig na nararamdaman ko nang makita ang mga salitang nakaukit sa itaas nito — Morgue.
Binuksan ng isa pang pulis ang pinto. Sa pagbubukas nito, umalingawngaw ang langitngit na tunog nito. Sumalubong sa 'min ang napakalungkot na presensya na dala ng kwarto.
I hate this... I hate death.
Mabagal ang mga bawat hakbang namin nang makapasok kami sa loob. Tumambad sa harapan namin ang isang mesa na gawa sa metal. Nakapatong dito ang isang katawan na tinatakpan ng kulay puting tela.
Mas lalong nanlamig ang buong sistema ko habang nakatingin dito. Nilapitan ito nila Mama pero nanatili lang ako sa kinatatayuan ko.
"A-Anak..." Napatakip ng bibig si Mama para pigilan ang hikbi niyang pilit kumakawala. Inakbayan naman siya ni Papa at hinalikan sa ulo. Si Tita Mommy naman, tahimik lang sa tabi nila habang pinagmamasdan ang nakatakip na katawan.
Hindi 'to totoo... Hindi pwedeng maging totoo 'to. Nanaginip pa rin ba ako? Kailan ba ako magigising sa bangungot na 'to?
Gamit ang nanginginig na mga kamay, inabot ni Papa ang puting tela na nagtatakip sa katawan at dahan-dahan itong ibinaba. Bumungad sa 'min ang isang sunog na katawang hindi na makikilala ng sinuman.
Gusto kong alisin ang tingin ko dito, pero para akong naistatwa sa kinatatayuan ko.
Hindi... Hindi pwedeng...
"Natagpuan ho ang mga bagay na ito sa tabi ng bangkay." Ipinakita ng isang pulis ang dalawang plastic bag na ginagamit nila para mag-contain ng mga ebidensya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang ID at bracelet na nakapaloob sa mga ito.
Ramdam kong unti-unti nang bumagsak ang buong sistema ko habang nakatitig sa bracelet na nasa loob ng plastic bag.
May pangalang nakasulat sa plate na nasa gitna nito.
Bumuhos ang mga luha ko pababa sa mukha ko nang maalalang ito ang bracelet na ginawa at binigay ko sa kaniya.
"Musiko..." basa ko sa pangalang nakasulat dito.
BINABASA MO ANG
This Written Love Story
Roman pour Adolescents(WRITTEN SERIES #2) Asoʼt pusa kung magbangayan sina Remi at Jago. Araw-araw may gera at walang nagpapatalo. Pero sa ilalim ng lahat ng ito, iisang nakaraan lang ang pilit nilang tinatakasan. Mareresolbahan ba nila ang kanilang mga problema? O sa hu...