[Ismael's POV]
January 22, 2023 - Sunday
Nakatulog ako sa sala at nagising lang nang marinig ang ingay na ginagawa ni Pamela. Kinusot ko ang mga mata ko pero tama ang nakikita ko.
Nakaakyat siya sa step ladder na yari sa aluminum habang hawak ang walis-tambo na siyang ginagamit sa pag-alis ng mga agiw sa kisame. Hindi lang basta pagtatanggal ang ginagawa niya, ipinupukpok niya rin iyon sa kisame na para bang ginigising ako.
Kaya tumayo na ko para alalayan siya sa ginagawa pero bigla akong napaatras nang itapat niya sa mukha ko ang walis-tambo. Mas pinahaba niya iyon kaya talagang maaabot ako kahit nasa baba lang. Muntik na 'kong mapuwing sa ginawa niya.
May inis at galit pa rin ang mukha ni Pamela dahil sa taas ng naaabot ng kilay nito. Saka niya ibinalik ang walis-tambo sa pagtatanggal ng agiw hanggang sa napansin ko ang suot niya. Nakaduster lang pero bumagay pa rin sa katawan niya. Dahil sa puwesto ng asawa ko, sumisilip roon ang hindi dapat makita.
"Kung kakain ka, magluto ka na lang. Nakakain na kami," may halong taray ang boses niya kaya napailing na lang ako.
Pumunta ako sa kusina at naroon ang anak namin. Nakaupo sa upuan niya habang isinusubo sa bibig ang paborito niyang laruan.
Bahagya ko lang na ginulo ang buhok nito at nakita ko ang ngiti niya nang maramdaman ang presensya ko. Gaya ng lagi kong ginagawa, hinalikan ko si Six sa noo.
"Good morning, anak. Kamusta ang tulog mo kagabi? Wala si tatay sa tabi mo, inaway ako ng nanay mo."
Bigla kong narinig ang malakas na dabog sa kisame. Bahagya ring nagulat ang anak namin sa ginawa niya dahil muntik na nitong mabitawan ang laruan. Siguradong narinig niya ang sinabi ko kaya hindi na 'ko nagsalita.
Tiningnan ko na lang ang rice cooker. May kanin naman at naghanap na lang ako ng itlog sa ref.
Kukunin ko na sana nang may makita akong lunch box na nakapatong sa taas nito. Kumunot ang noo ko kaya binuksan ko iyon.
Hindi nakatakas sa labi ko ang pagngisi nang makita kung ano iyon. Inulit niya ang ginataang alimasag na niluto niya noong nakaraan.
Kinuha ko iyon at kinain. Naparami pa ang kain ko dahil sakto na ang pagkakaluto. Hindi ko pa man natatapos ay pumunta na rin si Pamela sa kusina at bumilog ang mata sa gulat nang makita ang ulam ko. Agad na lang niyang binuhat ang anak namin nang hindi ako sinasaway, bagay na hindi ko inaasahan. Napailing na lang ako habang natatawa.
BINABASA MO ANG
The Travelers' Phenomena
RomanceCOUPLE SERIES #1 |Part 2| Kung pinagbigyan ka ng pangalawang pagkakataon, sasayangin mo pa ba? Kung galing ka sa isang lugar ng delubyo, babalik ka ba? O pipiliin mo nang maglakbay paalis doon? Kung maglalakbay, iyon ay dahil gusto mong makarating s...