***Langaw***
Sa kalangitang napalilibutan ng puting-puti at malalambot na ulap, maririnig ang banal at banayad na tinig ng mga anghel na nagsisipag-awit. Nagbibigay ng kapayapaan para sa lahat ang mataginting na boses ng mga ito.
Sa kabilang dako, isa sa mga pinakabatang anghel ang sumasailalim sa paghuhukom-walang iba kung 'di ako.
"Kung papipiliin ka, anong gusto mong maging kaparusahan?" tanong ng pinakamatandang anghel na kaboses ni Big Brader.
Nang dahil sa nakasisilaw na liwanag, hindi ko magawang tuluyang maimulat ang aking mga mata.
"Puwede po bang walang ng kaparusahan?" usisa ng aking mumunting tinig.
"Hindi maaari. Sinuway mo ang kautusan kaya't dapat lang na ika'y maparusahan."
Napayuko ako at napuno ng labis na pag-aalala ang aking puso. Hindi ko na rin napigilan ang pagdaloy ng aking mga luha. Pilit ko mang nilalakasan ang aking loob, 'di ko naman maiwasang mapahikbi.
Kasalanan ito ng mapag-usisa kong isipan at pasaway na mga kamay.
Hindi ko akalain na ang buton na may kulay ng bahaghari ang siyang makapagbubukas sa lagusan papasok sa 'Silid ng Bagong Buhay'. Ilan tuloy sa mga kampon ng kadiliman, 'di inaasahang nakalusot at isinilang bilang mga mortal.
At karamihan sa mga iyon ay magiging ganid na lingkod ng gobyerno.
"Maipapanganak ka rin katulad nila at mararanasan mo ang paghihirap na ibibigay nila sa karamihan."
Kaagad akong nanikluhod kahit hindi ko masiguro kung nasaan ba ang aking kausap. Nasa paligid pa rin kasi ang halos nakabubulag na liwanag.
"Parang awa na po ninyo! Puwede po bang maging langaw na lang ako?" Umalingawngaw sa aming kinaroroonan ang aking paghagulgol.
"Gusto mo ng mas magaan na kaparusahan?" wika ng malalim na boses. "Hindi pupuwede. Ngayon ay maghanda ka na dahil sa paglipas ng siyam na buwan, masisilayan mo ang bagong mundong iyong paglalagyan."
"Huwag po!"
Mas lalo pang lumakas ang liwanag sa buong paligid, ngunit bago tuluyang maglaho ang tinig ni Big Bro, narinig ko pa ang malumanay niyang pagtawa.
"Papangalan ka nilang Magdalena Canto-"
"Pero lalaki po ako!" pahabol ko bago ako sinakop ng nakababahalang kadiliman.
***THE END***
Napahagalpak ng tawa si Lena kasunod ng pag-iling habang nakaupo sa backseat ng tricycle. Nakakapit sa itaas ang kaliwa niyang kamay, at ang kanan naman ay hawak ang smartphone. Katatapos lamang niyang basahin ang maikling kuwentong isinulat ng dose anyos na pamangkin. Patungkol 'yon sa isang pasaway na kerubin na nagkataong maparurusahan bilang tao.
At idinamay pa siya nito para sa ipapasang panulat sa asignaturang Filipino.
Walang kaduda-dudang siya ang role model ng nag-iisang anak ng kaniyang Ate Mila. Pangarap din kasi nitong maging tanyag na journalist, katulad ng pangarap niya.
Simbilis ng kidlat na nawala ang kaniyang pagkakangiti nang mapansing hindi pa pala sila umuusad. Tumingin siya sa bandang unahan, ngunit ang nakita niya ay ang walang hanggang pila ng mga sasakyan at tricycle sa kalsadang nagmistulang parking lot.
Hindi lang basta pagsikip ng daloy ng trapiko 'yon. Pakiramdam niya, may ilang hangal na nilalang na yata ang naisipang pumarada sa gitna ng kalsada kaya ganoon.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...