Hindi pa man nakakaupo si Lena sa tapat ng kaniyang mesa, aligaga na siyang sinalubong ni Adam. Ang gwapong baklita na ito na 'Eve' 'pag gabi at mas maganda pa sa kaniya sa tuwing nagbibihis babae, ang pinakamalapit niyang kaibigan at katrabaho sa kanilang opisina.
Bakit kaya nagkalat ang mga 'geisha' sa kanila, hindi naman sila nanganganak?
Hinila siya ni Adam palayo sa view ng editorial's office na nahihiwalay lamang sa kanila sa pamamagitan ng mga glass walls. Nanginginig ang labi nito, habang ang mga mata ay nahihintakutan.
"Ano bang problema mo? Bakit para kang 'di makaihing pusa riyan?" usisa niya nang makarating sila sa sulok, malapit sa pantry. Nalingunan pa niya ang chubby na photographer nila na sumisimple sa pagtatago ng mga 3-in-1 coffees. "Aba, tingnan mo 'yong-" wika niyang hahakbang na sana patungo roon nang muli na namang higitin ni Adam ang braso niya.
"Huwag mo munang problemahin si Bochog! May mas malaki kang problema!" bulalas nito na akala mo naman ay mag-e-end of the world na kung mag-inarte.
Napasulyap siya sa direksyon ng opisina ni Mesapak. "Bakit dumaan na ba?"
"Yes, of course! Kanina pa niya hinihintay ang scoop mo!" paghuhurumentado nito na kanina pa hindi mapakali ang mga binti. "Dumaan ang dragon na umuusok ang ilong at tainga, pati ang puwet! Deadline mo na, 'di ba? Parang kahapon pa nga? Ano bang nangyayari sa 'yo?"
Kaagad namang kumulo ang kaniyang dugo. "Eh kasi naman, yung buwisit na baliw na lalaking nakabangga ko kanina-"
Ang OA kaagad ng reaksyon ng nanlalaki nitong mata. "What? May na-hit and run ka? Ano buhay pa ba? Dead on the spot? Nasa ospital? Anong nangyari?" bulalas nito halos naghuhurumentado.
"Sira, hindi ko nakabanggaan sa kotse. Wala naman akong kotse, nakabanggaan ko sa coffee shop, natapunan ng kape 'yong mamahalin niyang polo. Mabuti, hindi ako siningil, mukhang kukulangin ang one year installment sa branded niyang suot eh."
"Ah, guwapo ba?" biglang nagbago ang ekspresyon nito na pasimpleng kinalabit ang braso niya, kasabay ng pilyang pagngiti.
"Medyo," sabi lang ni Lena, kahit sa totoo lamang ay super gwapo ng lalaking 'yon sa paningin niya. Ayaw lang niyang aminin.
"Sandali! Hindi pa pala 'yon ang bad news!" bulalas nitong muling hinampas ang braso niya. "Alam mo ba? Alam mo ba!?" pambibitin nito kaya siya naman ang tumampal sa pisngi nito.
"Ano bang problema at pa-suspense ka riyan!?"
Hindi naman 'yon malakas kaya 'di 'yon pinansin ni Adam. "Alam mo ba kung ano ang latest na tsika dito mismo sa buong opisina natin?"
"Akala ko naman kung ano na! Pakialam ko naman sa tsika sa buhay ng mga tao rito?" wika niya pero mas lalo niyang binuksan ang tainga. "Pero, sige. Dahil mapilit ka, ano 'yon?"
"Alam mo ba kung sinong bago ngayon ng ex mo?"
Hindi niya alam kung bakit nagpantig ang tainga niya.
May bago ang mukhang hito na 'yon?
Noong Linggo lang sila naghiwalay, ah?
At Martes ngayon.
Sinong halang ang kaluluwa ang katulad niya na hindi mapanghusga sa itsura ng sunog na hitong may nakakaakit na bigotilyo? Pero, nakakasuka na ngayon.
"May pumatol doon bukod sa akin?" usisa niya na napahawak sa bibig.
Napatingin si Adam sa direksyon ng editorial's office.
"Seriously?" wika niyang bahagyang napaisip.
Kapareho pala niyang may mababang standard ang kabayong 'yon?
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...