6: Uminom ng Muriatic

34 6 1
                                    



Ang sabi nila, kapag mamamatay na ang isang tao, tumatakbo sa kanilang isipan ang pinakamahahalagang pangyayari sa buhay nila. Ang mga karanasang humubog sa kanilang buong pagkatao, at siyang nagtakda kung anong naging kinahinatnan at kung anong landas ang tinahak nila.

Kaya siguro ngayon, pakiramdam niya ay sumakay siya ng time machine na nagbalik sa kaniya sa pinakamasaya, at pinakamalungkot ding sandali ng kaniyang kabataan, labing dalawang taon na ang nakararaan.

***

Ang iba, gustong-gusto ang pagiging teenager, samantalang para kay Lena, ito ang pinakamahirap na stage na dapat niyang pagdaanan. Ito ang mga edad na alanganing bata at alanganing matanda.

Ang daming demand ng mga tao, tapos ang mga kaedaran niya, mostly, mga immature. Kadalasan mga pabebe kumilos ang mga babae, na puro boyfriend na lang ang pinag-uusapan. Ang mga lalaki naman, natuli na nga at lahat, para pa ring mga paslit kung umasta. Ang huhusay pa mang-alaska.

Nagngingitngit siya sa pagkainis sa tuwing inaasar dahil sa kaniyang apelyido. Madalas na siyang maging tampulan ng tukso magmula pa noong elementary, lalo na kapag first day ng school, palaging nasa kaniya ang spotlight.

Kahit nga 'yong simpleng matawag lang siya ng teacher niya sa harapan, naririnig na niyang naghahagikhikan ang mga kaklase dahil sa kakatuwang apelyido niya.

Noong minsan ay umuwi siyang galit na galit at luhaan at nang pumasok siya sa gate, padabog niyang isinara 'yon at kaagad nilapitan ang kaniyang ina na abalang nagsasampay sa likod ng bahay.

"Bakit kasi si papa pa ang napangasawa mo? Ang pangit-pangit naman ng apelyido niya!" iyak niya na sa sobrang lakas ay maaaring marinig sa kabilang kalye. "Magpalit na kasi tayo ng apelyido! Sige ka, kapag hindi mo pinalitan 'yong apelyido natin, maglalayas ako!" pagbabanta pa niya.

Kalmado naman siyang nilingon ng ina. Hinaplos nito ang kaniyang pisngi at kaagad niyang nadama ang mamasa-masa nitong kamay. "Huwag kang mag-alala, anak. Bukas na bukas din, puwede ka nang mag-impake," pahayag nito sa pinakamalambing na tinig saka bumalik sa ginagawa.

Kumuha ito ng isang damit mula sa balde, saglit 'yong pinigaan, ipinagpag, at maingat na isinampay. "Gusto mo ba, tulungan pa kita? Okay lang naman sa akin na lumayas ka at nang mabawasan ang mga anak ko. Lalo ka na, napakareklamador mo kasi, eh," wika nitong napahalakhak at tila biro lang ang lahat.

Siya naman ay mas lalong umatungal sa pag-iyak. Minsan kasi, kailangan niyang maging dramatic para makuha ang atensyon nito. Ang hirap kayang maging kakumpitensiya ng mga kapatid niyang sipsip, lalo na 'yong bunso nilang si Mayumi, na dinaig pa ang malambing na pusa.

Dahil sa pagngalngal niya ay lumapit na ang ina at hinawakan ang kaniyang pinsgi. "Anak, hindi mo kasalanan kung ang apelyido natin ay katunog ng paraan kung paano ka nabuo sa sinapupunan ko. Kasalanan 'yon ng mga taong makikitid ang utak. Saka ang bait-bait kaya ng papa mo. 'Di ba palagi siyang tumutulong na sumagip sa buhay ng iba dahil bumbero siya, kaya dapat, ipagmalaki natin siya," pangungumbinsi pa nito.

Hindi naman siya magpapauto rito. Pakiramdam nga niya, isa itong representative ng pyramiding scam na dinadala lang siya sa malambing na tinig at maamong mukha.

Batid niyang wala naman siyang ipinag-iba sa mga kaklase dahil immature din siya, lalo pa't hindi siya malapit sa ama na ang tanging paborito lang ay ang Ate Milagros niya.

Kaya hindi rin maganda ang mga sumunod na salitang lumabas sa kaniyang bibig, "Ayoko pa rin po sa apelyido natin!" bulyaw niya na napapikit pa dahil sa labis na pagkainis. "Sana mamatay na si Papa at nang mag-asawa na kayo ng iba, para mapalitan na rin ang apelyido natin!"

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon