Maingay sa kalyeng kinaroroonan ni Lena dahil sa mga sasakyang humaharurot at abalang magpalaganap ng usok. Narito sila para sa proyektong ginagawa ng school paper na 'di inaasahang napasali siya. Napansin kasi ng English Teacher na si Mrs. Ricaforte ang writing skills niya, kaya't awtomatiko siyang naging miyembro. Hindi na siya nakapalag, malaki naman daw ang dagdag niyon sa extra-curicular kaya hinayaan na niya.
Palingon-lingon naman siya sa babaeng kasama, si Anya, ang presidente ng student council at ang chief editor ng I.G. o ang Instant Generation, ang school paper nila.
Bakit ba noong naghagis ng kagandahan, katalinuhan, yaman at kabaitan, tulog yata siya? Ang lahat ng 'yon, si Anya lang ang nakasalo, ang babaeng walang malay, inosente, at gising na gising nang magpaulan ang kalangitan ng lahat ng magagandang katangian.
Hindi naman siya maarte sa mga taong nakakasalamuha niya, slight lang. Pero, iba ang kaso ng babae. Ayaw na ayaw niyang naiiwang mag-isa kasama si Anya. Hindi kasi talaga ito normal, 'di lang makita ng iba. Isa pa nasisiguro niyang ito ang babaeng estudyante na nakita niyang nakasilip sa gilid ng stage, noong unang araw na tumuntong siya sa kanilang eskuwelahan.
Mayroon itong kakaibang saltik sa ulo. Hindi niya nga alam kung tanga ang babae o ano, pero ito ang tipo ng tao na puwedeng-puwede mong utangan ng dalawang daang libo, at ibibigay 'yon ni Anya nang walang pag-aalinlangan.
Hindi 'yon normal, di ba?
Totoong nangyari 'yon dahil siya mismo ang nakasaksi sa pangyayaring 'yon. Pero, sa kaniyang pagkakaalam, 'di na pumapasok sa school ang estudyanteng nangutang dito. ang bali-balita nga ay nakidnap daw ng puting van.
Sa bagay na 'yon ay 'di na siya sigurado. Marami naman kasing posibleng mangyari. Napakayaman ni Anya at sentimos lang para dito ang ganoong halaga, ngunit makapangyarihan ang pamilya nito, at hindi puwedeng basta-basta mautakan. Kaya nga, gusto niyang mag-ingat.
Ibinalik na niya ang pansin sa kalsada. Patuloy ang mga sasakyan sa pagtakbo sa gitna ng kalye. May mga vendor na naroon sa gilid. Mayroon pang libreng view ng mga batang madudungis na paminsan-minsan ay kinakalabit siya.
"Patawad, wala pang pasko," pahayag niya sa mga ito habang nakatingin sa kabilang kalsada.
"Hindi naman kami nangangaroling, eh? Kumanta ba kami, ha?" wika ng payat na batang musmos at pinamaywangan pa siya.
Naku, kung maaari lang niya itong makurot sa singit. Hindi na lang niya ito inintindi.
Bakit ba kasi, wala pa ang iba nilang kasama?
Muli naman siyang napalingon kay Anya nang makitang umalis ito sa kinatatayuan at pumasok sa loob ng isang fastfood na nasa likod nila.
Walastik, 'di man lang nang-aya?
Umirap siya at napapadyak. Hindi naman siya mahilig sa fastfood. 'Di kaya 'yon healthy, lalo na at puro 'yon preservatives. Baka nakaka-cancer pa 'yon.
Mayamaya pa, muling lumabas si Anya na may bitbit na dalawang supot ng take-out, kasama ang apat na cups ng softdrinks.
Para naman pala sa kanila 'yon. Sinalubong niya ito ng kaniyang mga kamay. "Tulungan na kita."
Ngunit, 'di niya alam kung anong nangyari, dahil parang hangin lang ito nang lumampas sa kaniya.
Paglingon niya, iniaabot na ng babae sa mga batang kalye ang mga bitbit nito.
"Hati-hati na lang kayo, ha?" wika ng malambing na tinig nito.
Wow, ha?
Ang sarap din nitong itulak sa gitna ng kalsada, eh.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...