8: Magpakaadik sa soap opera

31 5 0
                                    

Napapatulala ang labing-anim na taon na si Lena habang naglalakad pauwi. Ganito siguro ang nararamdaman ng mga bida sa mga teleserye kapag nakararanas sila ng mga sitwasyon na wala silang magawa.

Shems! Pakialam ko naman sa mga iyaking 'yon!

Ang mga mahilig lang naman manood ng ganoon ay ang mama niya at si Yumi. Kaya siguro, pag-uwi ng kanilang ina kagabi galing sa trabaho, binuksan kaagad nito ang TV para manood ng paborito nitong drama.

Nakapagtataka lang na romantic-comedy ang tema n'on, at nagtatapon ng mga korning jokes ang lalaking bida, pero patuloy lang sa pag-agos ng luha ng ina na para bang pagpatuloy sa iniluha nito noong mawala ang kaniyang ama, ilang buwan pa lang ang nakararaan.

Siguro, alam na ng ina ang nangyari kahapon, kaya ang bigat-bigat ng ekspresyon nito noong dumating. Baka na-text na ito o natawagan ng kaniyang Ate Mila. Gusto niyang pagaanin ang loob ng ina, pero wala sa personalidad niya ang maglambing, 'di 'gaya ni Yumi.

Kaya nga ang natutulog nilang bunso ay kinalampag pa niya kagabi para mapakiusapan.

"Gumising ka, yakapin mo si Mama," pahayag ni Lena sa kapatid nang mapamulat ang kapatid na nakabaliktad sa higaan.

"Ha? Bakit?" tanong nitong wala sa wisyo na muling ipinikit ang isang mata.

"Kapag ginawa mo 'yon, ibibigay ko sa 'yo 'yong collection ko ng Witch Comics."

Wala pang limang segundo, naroon na sa salas ang aantok-antok na si Yumi, nakayakap sa kanilang ina.

Ngayon, medyo nagsisisi naman siya.

"'Yong Witch Comics ko! Ang mahal-mahal ng isang issue 'nun, eh! Bakit ko ba ibinigay sa kaniya lahat!?" bulalas niya sa sarili na natigilan sa paglalakad dahil sa pagkainis.

Nalipat naman ang atensyon niya sa kaedarang mukhang palaging walang ligo, si Eugene na hayun at mag-isa sa snack house, parang lasenggong tinutungga ang hawak nitong bote ng 'muriatic acid', 'yong healthy softdrink version, ha.

Mas lalo pa siyang naimbyerna ngayong nakita ito. Ang sarap talaga nitong barilin ng pellet gun sa mata.

Ano naman kaya ang problema nito?

Ah, naalala na niya, si Alice.

Nagmumukmok siguro ang lalaki dahil sa babaeng taga-kabilang section na siya pa man din ang nagreto. Kanina lang niya nalaman na sinagot ito ng babae, pero matapos ang tatlong araw hiniwalayan din ito.

Ayos, dinaig pa ng dalawa ang isang linggong pag-ibig.

Lihim siyang natuwa sa pagdurusa ni Eugene. Makapag-emote akala mo naman gumagawa ng music video. Naglakad siya papasok sa snack house kung saan mayroong ilang mesa at monobloc. Maririnig din ang sa paligid ang kanta ni Jessa Zaragoza na mas kilala sa umpisa nito, ang 'Parang 'di ko yata kaya'.

Nang makaupo siya sa tabi nito, sinalubong naman siya ng 'di kaaya-ayang amoy. Kaagad siyang napatakip sa ilong at matalim na tinitigan ang lalaking 'di lang pala mukhang walang ligo, kung 'di amoy walang ligo rin.

"Kung aasarin mo lang ako, umalis ka na lang, hindi maganda ang pakiramdam ko," wika nito sa nakabusangot na mukha.

"Alam mo bang 'di rin maganda ang amoy mo?" wika niyang prinangka ito.

Pasimple nitong inamoy ang kilikili. "Nag-practice kami ng basketball kanina. Hindi pa ako nakapagpapalit ng damit. Saka, pakialam mo ba!" bulyaw nito.

"Naku, kaya siguro nakipag-break sa 'yo si Alice kasi ang baho mo," pang-aasar niyang inilabas ang dila. "Dapat umuwi ka na lang at maligo ka, malay mo, bumalik siya sa 'yo," payo ni Lena na tapat sa sinasabi, ikinubli niya lang sa kaniyang pang-aalaska.

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon