18: Magbasa ng BOLD

26 6 0
                                    



Sa malawak na terasa ng kanilang bahay, nakasandal si Lena sa upuan habang nakatingala sa kalangitan. Sinusubukan niyang magbilang ng mga bituin, baka sakaling ma-distract siya mula sa eksenang paulit-ulit na naglalaro sa kaniyang isipan.

Pero sa totoo lang, hindi naman siya makapagbilang ng maayos. Pinamanhid na yata ng iniinom niyang mumurahing vodka ang kaniyang utak. Narito ang bote sa ibabaw ng bilugang mesa, katabi ng pinupulutan niyang mani at tila nang-aasar sa kaniya.

"Ha!" bulalas niyang dinuro ang alak. "Kayang-kaya kitang patumbahin! 'Kala nito," pagkasabi niyon ay nagsalin siya sa babasaging baso at muli ay tinungga 'yon.

Napangiwi siya dahil sa humagod na pait sa kaniyang lalamunan.

Bakit niya ba ito iniinom?

"Ah, natira nga pala ito ni mama na nasa ref. Kaya siguro hindi masarap. Bakit ko ba ito ito pinagtyatyagaan?" wika niyang muling napatingin sa bote ng alak.

Napangiti siya at kukunin sana 'yon, ngunit natigilan siya nang may kamay na nag-angat niyon at nagsalin sa kaniyang baso.

Saka pa lang niya napansing may katabi na pala siya na nakaupo rin sa isang monobloc chair.

"Mukhang malalim ang iniisip mo, ah? Anong problema?" tanong ni Eugene nang mapalingon sa kaniya.

Naka-white shirt ito at black shorts. Parang nangapitbahay lang sa ayos nito. Pero, housemate niya nga pala ito.

"May katangahan lang naman akong ginawa," tugon niyang iritableng tumungga sa baso. Muli ay may gumapang na masagwang lasa sa kaniyang dila, dahilan para makaramdam siya ng panunuyo sa lalamunan.

Sa kabila n'on ay nagpatuloy siya, "Kasi, alam mo, 'yong napakagaling kong bayaw na ilang taon nang nawala na parang bula, hayun at may iba ng pamilya. Hindi ko naman alam na matagal na palang alam ni ate. Kinompronta ko pa siya kanina. Narinig tuloy ako ng anak niya." Napabuga siya sa hangin dahil sa pagkainis sa kaniyang sarili.

"Pero, kung tutuusin, kasalanan din naman niya, eh," bulyaw ni Lena sa kawalan. "Bakit kasi hanggang ngayon, hinahayaan niyang umasa sa kanya ang buong pamilya ni Kuya Jeric? Ang laki niyang martir!"

"Lena, hayaan mo na lang siya," wika ni Eugene sa mahinahong tinig. "Ang asawa niya ang may kasalanan sa kanya, hindi ang buong pamilya ng lalaking 'yon. Baka gusto lang makatulong ni Ate Mila."

"Hindi 'yon pagtulong, Eugene, pagpapakatanga 'yon," bulalas niyang dagling nag-init ang ulo kaya ang masama niyang tingin ay nasa mukha ng lalaki. "Alam nilang single mother ang ate at may pinag-aaral na anak. Hindi rin kalakihan ang sinasahod niya kahit pa supervisor siya ng isang fastfood. Pero kung makaasa sila kay ate, akala nila, may nakatagong kayamanan ang ate kung saan. Masyado nilang sinasamantala ang pagiging dakilang tanga ng kapatid ko."

"Sige na nga, iinom mo na lang 'yan. Mahirap kausap ang taong nakainom dahil alam kong wala ka na sa hulog," pahayag ni Eugene na sumandal na lang din sa kinauupuan nito.

"Hindi pa ako lasing! Pangatlong baso ko pa lang 'to," pagpipilit ni Lena dahil batid niyang malakas ang tolerance niya sa alak.

"Talaga ba?" Napalingon si Eugene na tila wala pa yatang tiwala sa kaniya. "So, anong nangyari sa ipinasa mong article?"

"Ah, 'yon? Bukas na bukas, nasa diyaryo na namin 'yon," sagot niyang malakas ang kumpiyansa sa bagay na 'yon.

"Ganoon ba? Ano nga pala ang pangalan ng diyaryo niyo?" tanong nitong medyo nangunot ang noo. "Sabi mo, mayroon na rin kayo sa online?"

Napataas siya ng isang kamay bago lakas-loob na tumugon, "'BOLD', ang hubad na katotohanan."

Nagtaka naman siya sa biglaang paghagalpak ng tawa ng kaniyang kababata.

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon