12: Magsindi ng Gaas

30 7 0
                                    

***

Nang makita niyang naglalakad papalapit sa kinatatayuan niya si Fernando Jose hawak ang phone nito, mabilis niya itong hinila.

Ang lalaking nagulat at nanlaki ang mata ay kaagad napangiti nang makilala siya. "Oh, Lena? Bakit hindi ka pa magpunta roon? Hinahanap ka ni Eugene."

Halos tumigil naman ang mundo niya nang mapatingin sa mestisong lalaking kaniyang kausap. "Si E-Eugene?"

"Oo." Napahagalpak ito ng tawa. "Nakakagulat, ano? Totoo ngang ang laki ng pinagbago ni Eugene. Hindi ba, loveteam kayo dati?"

Napailing lang siya at hindi maiwasang mapatulala. "Wala akong naaalalang ganoon..."

"Ah, hala! Nakalimutan ko, susunduin ko lang ang asawa ko, nandiyan na siya sa ibaba, eh," paalam nitong matamis na napangiti. "Pumunta ka na roon."

"May emergency kasi, kailangan ko na ring umalis, ipagpaalam mo na lang ako sa kanila, ha?" wika ni Lena na mabilis nang tumalikod at muling naglakad palabas.

Sa kabila ng nagugulo niyang isipan dahil sa natuklasan niya kay Eugene, kumikilos pa rin ang kaniyang katawan nang naaayon sa nararapat niyang gawin. Saglit siyang pumasok sa comfort room ng Queen's Hotel para makapagbihis. Magiging agaw-pansin kasi siya kapag nagtungo siya sa ospital suot ang red gown niya with matching kontrabida aura.

Isa pa, magmumukha siyang baliw at baka madiretso lang siya sa mental kapag nagkataon.

Kasalukuyan ay nasa harap na siya ng malaking salamin sa banyong ito at binubura ang makapal na make-up. Nakatitig lang siya sa sariling repleksyon habang marahang pinupunasan ang mukha gamit ang cotton pad na may make-up remover.

Ang nangyari pa rin kanina ang umaandar sa kaniyang isip. Hindi pa rin kasi ito matanggap ng ilang milyong cells sa kaniyang utak. Parang may hindi tama sa bagay na kaniyang natuklasan.

Paanong ang gwapo, matipuno, mabango, malakas ang karisma at mahusay manamit na nakilala niya noong nakaraan sa coffee shop ay magiging si Eugene?

Posible ba talagang ang gentleman na 'yon na yummy, makinis at may napakagandang dimples sa pisngi ay magiging kababata niya?

May dimples ba si Eugene noong bata pa ito?

Hindi naman niya maalala dahil palagi kasi 'yong mukhang madungis.

Makailang-ulit uli siyang napailing.

Sa bagay, sa panahon ngayon, mataas na ang iniangat ng antas ng ating teknolohiya. Marami na itong nagagawa at kahit ang milagro ay hindi na imposible pa. Posibleng ganoon ang nangyari sa kaniyang kababata. Baka pumuti ito sanhi ng teknolohiya at pinaayos na rin nito ang mala-pugad nitong buhok.

Nang mapatingin siya sa kaniyang relo ay saka niya naalalang magmadali. Kaagad na niyang iniayos ang bitbit na bag. Ibibilin pa nga pala niya sa lobby ang red gown at shoes na mula kay Karen.

Medyo malapit lang ang ospital na tinutukoy ng babaeng bakla na si Rain, kaya't makalipas ng trenta minutos ay nakarating na rin si Lena. Nakasuot siya nang makapal na salamin at pangkaraniwang damit na hindi pansinin.

Sa emergency room siya dumaan, at nakisabay sa papasok na stretcher na de-gulong. Sumabay nga rin siya sa pag-iyak ng aleng luhaan.

"Junjun!" bulalas nito sa teenager na namimilipit sa kinahihigaan.

Hindi siya inintindi ng ale na marahil tuliro. Habang inaasikaso na ang binatilyo, siya pa nga ang inabutan ng nurse para mag-fill up ng form. No choice siya kundi tulungan ang ale na tinanungan pa niya ng impormasyong kailangan.

"Ano po bang nangyari kay Junjun?" usisa ni Lena habang nagdadrama sa pag-iyak.

"Na-sprain ang kamay kakalaro ng computer game!"

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon