***
Pagdating sa coffee shop na pag-aari ng ina, natanaw na ito ni Lena. Ibang-iba na ang bihis nito. Mukhang elegante at nagmula sa luxury brand ang suot nitong pink dress na ipinares nito sa white heels from Frada. Bumagay 'yon sa classic shoulder bag na may tatak ng Shanel. Siguro ay mga regalo 'yon ni Mr. Felicidad.
Ngumiti ang ina nang maupo siya sa harap nito.
"Mabuti at nandito ka na. Nakapag-order na ako ng paborito mong scramble," pahayag ng mama niya.
"Scramble?"
Hindi niya alam kung bakit nagulat pa siya. Noong nakaraan pa nga pala niya nalaman na may kakaibang trip si Guada sa mga itinitinda nito sa coffee shop.
Lumapit na nga ang anak ng pinsan ng mama niya. Matamis itong ngumiti nang i-serve ang dalawang scramble at kwek-kwek sa mesa. Nang mapatingin ito sa kaniya, agad umasim ang mukha nito.
"Enjoy!" Muli itong ngumiti nang bumaling sa mama niya.
Parang timang lang na may split personality.
Umalis na rin ito kaya nagsimula na siya sa paggisa sa kaniyang ina.
"Ano bang nangyayari? Bakit hindi ka makauwi ng bahay? Sabi ni Eugene, nakita ka niya sa Queens Hotel kasama ang matandang 'yon?"
Nagsimula naman ito sa pagtusok ng tinidor sa kwek-kwek nito. "Ah, iyon? May dinaanan lang kami roon. May kinuha siyang villa sa malapit, pero 'wag kang mag-alala, uuwi na rin ako sa susunod na linggo."
"Bakit sa susunod na linggo pa?"
Ngumiti lang ito at sumubo na. Wala siyang magawa kundi kumain na lang din ng scramble. Na-miss niya ang pink na pampalamig na gawa sa yelo at gatas. Madalas niya itong kainin noong highschool. Kahit papaano pala, may maipagpapasalamat siya kay Guada.
"Kumusta nga pala kayo?" usisa ng ina.
Medyo nag-alangan siya sa isasagot. Wala pala itong kaalam-alam sa mga ganap nila sa buhay. Paano, masyado itong naging abala sa lalaki nito.
"Okay lang kami," pagsisinungaling ni Lena na bumaling na lang sa paghahalo ng scramble. Hindi niya mabanggit na na-suspend siya sa trabaho dahil napaglaruan siya ng gobernadora. Kapag sinabi niya, malamang wala naman itong ibang magagawa kundi mag-aalala.
"Si Eugene. Kumusta kayo?" Nagkaroon na ng malisya ang ngiti ng ina. "Kayo na ba?"
"Hindi, Ma. Malabo sa ngayon," pagtanggi ni Lena. "Nasa California siya." Bumuntong-hininga pa siya. Pero agad nabalik ang isipan niya sa dahilan kung bakit siya nakipagkita rito. "Ma, saka na natin pag-usapan ang tungkol sa amin. Ang gusto kong malaman ay kung kailan ka makikinig sa akin?"
Kinuha nito ang scramble at sinimulang halu-haluin 'yon gamit ang kutsara. "Galit ka pa rin ba sa akin?" Nagpilit ito ng ngiti saka muling tumingin sa kaniya.
Oo, nainis siya sa ina. Pero ang magalit dito? Malabo. Kahit may ginagawa itong kagag*han ngayon, hindi siya para magtanim ng sama ng loob.
"Nakakainis ka kasi," pag-iwas niyang hinalukipkipan ito. "Ang dami-daming ibang lalaki riyan, pinili mo pa ang may asawa? At doon pa talaga sa mala-dragon na 'yon na may dalawang mukha!"
Saka naman napatingin si Lena sa paligid sa pag-aalalang baka may makarinig. Hindi kalakasan ang boses niya, pero kapag may interesado, kahit gaano pa iyon kahina, tiyak na may makakarinig.
Hayun na nga ang second cousin niya, nakagilid ang ulo pero halatang sumasagap ng signal mula sa kanila. Napahinto lang ito nang mapansing nakatingin siya. Alanganin din itong nag-iwas ng tingin saka nagkunwaring abala sa pagbabasa ng dinampot na leaflet ng gasul.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...