15: Maging mahirap

32 7 0
                                    

Nang magmulat ng mga mata si Lena, nakaupo na siya sa isang komportableng van. Mukhang mamahalin ang interior na naliliwanagan ng kuwadradong ilaw sa itaas. Amoy mayaman din, 'yong tipong amoy Lihim ni Victoria at Shanel number 5.

"Gusto mo ba ng kape?" Napalingon siya sa pamilyar na boses ng babaeng katabi niya sa kaliwa. May binuksan itong mini-ref sa bandang harapan nila. Sa loob niyon ay tumambad ang iba't ibang inumin at isang case na sa kaniyang palagay ay make-up kit.

"Hindi ako nagkakape ng ganitong oras," tugon niyang muling bumaling ang tingin sa babae.

Nakakapanibagong makita ulit ito. Halos wala naman itong masyadong pinagbago, kung tutuusin ay mas lalo lang itong gumanda. Sa bagay, mayaman naman ito, kaya malamang ay nagpa-enhance.

"Natatandaan mo pa ba ako?" Napangiti si Anya na inabutan na lang siya ng tubig.

Hindi naman siya nag-alangang tanggapin 'yon. Pagkainom, dagling napawi ng lamig na dulot nito ang panunuyo ng lalamunan. Medyo nawala na rin ang kaniyang pagkahilo.

"Anong ginagawa mo sa club?" usisa niyang halos 'di makapaniwalang doon ulit ito makikita. Hindi ang ganoong klaseng senaryo ang kaniyang maiisip na paraan ng kanilang muling pagkikita, actully 'di na nga niya naisip na magkikita pa ulit sila.

"Sinundan ko ang fiancé ko. Long story," sabi nitong ngumiti. Parang hindi man lang ito tumanda. "Kumusta na?"

Napabuntong-hininga tuloy siya at napatingin sa unahan ng sasakyan. "Heto, ganito pa rin. Maganda pa rin naman," tugon niya saka muli itong nilingon nang may maalala. "Bakit hindi ka nagpunta ng reunion?"

"Marami kasi akong inaasikaso, alam mo na, para sa nasasakupan ko," sagot nitong nakangiti pa rin.

"Narinig ko nga konsehal ka na raw sa Katangahan? 'Di kasi bomoto, kaya hindi ko alam. 'Di ko na nga rin matandaan ang buong pangalan mo, eh," bulalas niya.

"Angelina Yasmien Felicidad."

"Pero, sabi mo 'di ba, ayaw mong maging pulitiko? Anong nangyari? Bakit biglang nagbago ang isip mo?" usisa niya na muling na-curious patungkol sa ginawa nitong paglalaslas noon kaya hindi ito naka-attend ng graduation.

Tumingin naman ito sa labas ng bintana. "Hindi ko 'to ginawa para sa sarili ko, ginawa ko 'to sa para sa pamilya ko. Minsan ko na silang nabigo, ayaw ko nang mangyari pa 'yon."

Napanganga naman si Lena. "Totoo bang kaya ka hindi naka-attend noong graduation kasi naospital ka at—" Napahinto na lang siya nang mapansin ang pag-andar ng matabil niyang dila.

"Totoo ang lahat ng 'yon, at kasalanan ko lahat ng nangyari. Noong makulong si dad dahil sa isinulat kong article sa internet, nawalan kami ng kapangyarihan. Naapi ang buong pamilya namin, inatake si lola sa puso at kinamuhian ako ni mom," paliwanag nito sa malungkot na pananalita.

"Ayaw ko nang maulit pa 'yon. Hindi ko na gugustuhin pang maranasan ulit iyon. Dahil kagaya ng sinabi ko sa 'yo kanina, sa mundong ito, para igalang ka ng iba, dapat marami kang pera at kapangyarihan. Sapagkat sa mundong ito, 'yon lang ang mahalaga."

Nangunot naman ang kaniyang noo. "May sinabi kang ganoon sa akin kanina?"

Hindi naman ito tumugon at patuloy lang ang pagtingin sa labas ng bintana. Nang sumilip siya roon ay nakita naman niya ang isang nakatalikod na lalaki habang umiihi sa poste.

Magre-react sana siya ngunit, muling humarap sa kaniya ang babae. "Kaya binago ko ang desisyon ko at piniling maging pulitiko 'gaya ng buong pamilya namin, para makatulong at makasuporta ako sa kanila," pagtatapat nitong hinawakan ang kamay niya. "Sana, huwag mo naman akong kainisan sa pagbabago ko ng isip. Bumabawi naman ako sa pamamagitan ng pagtulong sa mga batang kapuspalad."

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon