Patakbo-takbong lumabas si Lena sa bahay ng kaniyang Ate Mila. Pinipilit niyang maisuot nang maayos ang kanang pares ng sneaker habang patalon-talon sa kaniyang dinaraanan. Muntik pa nga niyang madale ang naggagandahang bulaklak na nakatanim sa loob ng bakuran.
"Lena! Hindi ka ba mag-aalmusal?" pahabol ng kaniyang ate mula sa pinto.
Kumaway lang siya at 'di na ito nilingon.
Nagmadali na siya sa paghangos papunta sa terminal ng tricycle. Hindi na nga siya pumepreno kahit makailang-ulit siyang sumilip sa suot na relo. Kung maaari lamang ay kanina pa niya pinahinto ang oras.
Natitiyak niyang maaabutan siya ng trapik dahil tinanghali lang naman siya ng gising. Literal na tanghali dahil ang araw ay naroon na sa pinakagitna ng kalangitan at tila nang-aasar sa kaniya. Napasarap kasi ang kaniyang tulog dahil sa dalawang tabletas na ininom kagabi para sa sakit ng ulo.
Nagising lang siya dahil sa anonymous tip na papunta sa isang kilalang mall si Mama Dove para manood ng sine kasama ang special someone nito. As in, mula talaga 'yon sa anonymous source dahil hindi niya kilala ang number.
Naglalaman ang naturang mensahe ng mga Stargram post ng female host, kasunod ng screenshots ng palitan ng conversation nito with an unknown human being. Burado kasi ang name, pero nasisiguro niyang legit ang kaniyang natanggap.
Malakas ang radar niya sa mga ganitong bagay.
Kapag na-late siya sa pupuntahan niyang lugar ngayon, kahit anino ng mga taong kailangan niya ay wala na siyang maabutan.
Mabuti na lang at nakasakay kaagad siya, hindi tulad noong mga nakaraan sa kanila na tricycle pa lang palabas ng subdibisyon, blockbuster na ang pila. Akala mo may pa-audition si Big Brader, o hindi naman kaya ay may pa-ayuda si Mayora.
Dahil kung hindi, malamang, nag-amok na siya.
Sa back entrance ng mall, malapit sa parking lot, nakatayo si Lena sa tabi ng napakalaking paso na halos kasing-taas niya. Sumisimple lang siya sa pagmamanman habang hinihintay ang taong sadya. Sa kabila ng trapik ay nakarating siya kaagad sa lugar dahil sa GrabBike na kaniyang sinakyan (free commercial, pantulong sa ekonomiya).
Nang muling tumunog ang phone ay doon natuon ang kaniyang pansin. Medyo naghihinala na siya sa real-time update mula sa kaniyang anonymous source. Maya't-maya ang pagpapadala nito ng mga larawan patungkol kay Mama Dove, magmula sa pagsakay nito sa kotse, maging sa mga nadaraanan nitong kalsada, na para bang magkasama ang mga ito?
Hindi kaya si Papa Dylan ang source niya?
Hindi na siya nakatiis at muling tinawagan ang hindi pamilyar na numero. Pipindot pa lang siya sa screen nang makitang ang kaniyang tatawagan ay kasalukuyang tumatawag sa kaniya.
'What?'
Kaagad niya itong sinagot, "Hello?"
"Malapit na kami, nasaan ka na?" pahayag ng maamong boses ng isang lalaki.
'Wow, makapagtanong naman 'to?'
"Excuse me? Magkakilala ba tayo?" tugon niya.
Nabaling ang kaniyang atensyon nang may pumaradang sasakyan eksakto sa tapat ng entrance ng mall. Mula roon ay bumaba ang isang matipunong lalaki na nakasuot ng simpleng itim na shirt at shorts, kasunod nito ang babaeng naka-kaswal na tshirt at pantalon, pero litaw na litaw na ang 'Gandang Pinay' dahil sa morenang balat.
Nang alalayan ang babae sa pamamagitan ng paghawak sa kamay nito, para itong 'Dalagang Pilipina' na gumanti lamang ng cute na pagngiti.
Kaagad na ibinaba ni Lena ang phone at sumimple sa pagkubli sa likod ng malaking paso. Mabilis niyang naiporma ang DSLR camera para kuhanan ang mainit-init na eksena. Napakalinaw ng kuha na kahit ang pores ni Mama Dove ay posibleng makita.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...