4: Ma-Overdose

32 6 0
                                    

Parang aso na hila-hila si Lena patungo sa lounge ng kaibigang palaging may perpektong make-up sa mukha.

Pagkaupo, naramdaman lang niya ang bahagyang pagtalbog ng kaniyang puwet sa five-seater na sofa. Tinabihan naman siya ni Karen at saka may sinenyasang isa sa mga attendant na pinakisuyuang magdala ng maiinom. Dahil sa mataas na posisyon ng kaibigan, simple lang dito ang makisuyo sa ibang empleyado ng hotel.

"Naku, huwag na, aalis din naman ako kaagad," pagtanggi niya.

"Kailangan mong uminom dahil baka ma-shocked ka sa ibabalita ko sa 'yo!" bulalas nitong katulad ng mga pailaw sa paligid ang pagniningning ng mga mata.

Inilabas niya ang dalang tablet upang maghanda sa mga susunod na salitang mamumutawi sa bibig ng kaibigan. "May bago na naman bang extra-marital affair kang nasaksihan dito mismo sa hotel ninyo?" usisa niya sa mahinang tinig.

Napahagikhik si Karen na hinampas pa ang kaniyang braso. "Baliw, hindi. Mas importante pa sa mga latest scoop ang sasabihin ko sa 'yo."

Napahinto naman siya at kaagad nawalan ng interes. "Mas importante sa trabaho ko..." Mabilis niyang ibinalik ang tablet sa loob ng bag at mariing napatitig sa kausap. "Ano ba 'yon?"

"Wala ka bang na-receive na email?" Nanlaki ang magandang mata ni Karen na sinusuportahan ng thick eyelashes nito. "Magkakaroon ng highschool reunion ang batch natin!" pahayag nitong napapalakpak at kulang na lang ay tumalon sa tuwa.

Napahalukipkip lang siya at napatingin ng diretso sa kung saan.

"Hindi ka ba nae-excite?" tanong nito nang mapansin ang blankong reaksyon niya.

"Reunion? Eh, kaartehan lang 'yan. Wala akong oras para diyan," tugon ni Lena na medyo nairita. Nagsayang yata siya ng pamasahe papunta rito. Wala naman siyang mapapala. Mata-traffic pa siya pauwi, at ang hitad niyang kaibigan, masaya dahil lang sa reunion?

"Ano ka ba? Ayaw mo bang makita 'yong mga classmate natin dati? Ayaw mo bang malaman kung ano na ang nangyari sa buhay nila? Kung ano na ngayon ang mga naging trabaho nila, kung may mga anak na ba sila? Saka kung ano na ang itsura nila ngayon." Muli itong napahagalpak ng tawa na napapikit pa. "For sure, marami na sa mga 'yon ang mukhang gurang na."

"Alam mo, Karen, hindi lahat nabiyayaan ng yaman at kagandahang mayroon ka. Kaya I'm sure, hindi lahat nakaka-afford magpaderma at magpa-enhace," pahayag niyang prinangka ito. "At tulad ko, malamang hindi lahat, gustong um-attend sa mga reunion na 'yan."

Bigla namang tumayo ang kaibigan na kaagad naglaho sa mukha ang pagkakangiti. "Bakit ba kahit kailan, napaka-nega mo?"

"Nagsasabi lang ako ng totoo. Isa pa, masyado akong busy para magpunta sa mga ganiyang event. For sure, magpapayabangan lang ang iba nating kaklase sa mga narating na nila sa buhay."

"Ah," wika ng kaibigan na napatango-tango habang nakatingin sa kaniya.

"Anong 'ah'?" balik niyang nangunot ang noo.

Hindi naman ito nakasagot nang may dumating na isang attendant at inabutan sila ng sosyaling maiinom na nakapayong pa.

Nang umalis ang dalagang may perpektong pigura, muling naupo sa tabi niya si Karen. "Baka naman may ayaw ka lang makita kaya ganoon?" hula nito at parang lintang isinukbit ang kamay sa kaniyang braso. "Hanggang ngayon ba nagtatampo ka pa rin kay Eugene dahil biglaan nilang paglipat sa States bago ang graduation natin?"

Kaagad naman niyang iwinasiwas ang braso upang kumalas mula rito. "Ano bang sinasabi mong nagtatampo? Ang tagal nang panahon 'yon, Karen. Isang dekada na ang lumipas. Pinagsasabi mo?" Tumayo siya at iniikot ang mga mata. Kinuha niya ang isa sa orange juice na nasa babasaging mesa at saka ito mabilisang tinungga. Muntik pa nga siyang natusok ng maliit na payong.

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon