41: Maging Ganid

36 6 1
                                    



Pagkalipas ng pitong buwan...

Halos manlambot si Lena habang binubuksan ang gate ng kanilang bahay. Pagod na pagod na ang katawang-lupa niya, hindi dahil sa malayo ang dinayo niya para makakalap ng magandang istorya, kung 'di dahil natagtag siya nang sobra sa traffic. Ang isa't kalahating oras na biyahe dapat niya patungo sa kilalang siyudad sa South, inabot ng apat na oras. Sa biyahe na nga siya nakapagsulat at nakapagpasa ng report.

Maaga siyang gumising kaninang umaga dahil sa itinimbre ng kaniyang imformant sa isang police station, patungkol sa operasyon ng mga ito sa warehouse na hinihinalang pinagtatambakan ng tone-toneladang bigas na nakasako. Hindi siya gaanong bad trip, dahil positibong mga bagong ani na bigas ang naroon, na inimbak ng mga hoarders, para masabing kulang ang suplay sa bansa, nang sa ganoon ay makapagbenta ang mga ito sa mas mataas na presyo.

May mga nasukol mang pangalan, malaki ang pagdududa niyang makakahimas ng rehas ang mga iyon, dahil tiyak na matataas na opisyales ang pumoprotekta sa mga ito. Panigurado rin na malaking grupong kinabibilangan ng mga anak ng kampon ng kadiliman na akala yata, madadala sa impiyerno ang sandamakmak nilang perang galing sa pananamantala. Pero, nasisiguro niyang hindi tatantanan ng programa nila ang bagay na ito, hangga't 'di nailalantad sa publiko ang malalaking pangalang sangkot.

Saglit siyang napatingala sa bilog na buwan. Mistula itong kumindat sa kaniya habang naririnig niya sa background ang 'So, it's you' na kinakanta sa videoke ng kanilang kapitbahay.

"Lena."

Napalingon siya sa pinanggalingan ng pamilyar na boses sa harap ng maliit na hardin ng kanilang ina. Mayroong taong nakatayo roon at may hawak na saklay sa kanang braso. Halos wala talagang ipinagbago ang buong mukha nito, bukod sa medyo kuminis, mukha pa ring pugad ng ibon ang buhok nito.

"Eugene?" Nangunot ang noo niya at hindi mapaniwalaang kaharap ito ngayon. "Kailan ka pa bumalik? Mag-isa ka lang ba?" Tumingin siya sa paligid pero wala naman itong kasama.

"May kasama ako, kaso naghanap siya ng ibang mapaparking-an. Ang dami ng kasing nakaparada sa street ninyo."

"Oo. May birthday-han yata sa kabila," tugon niya na ngayon lang nasilip ang tinutukoy nito. "Kumain ka na ba? Naku, hindi ko alam kung may ulam. Hindi naman kami close sa kapitbahay kaya paniguradong hindi kami niyan dadalhan ng handa nila!" Nilakasan niya ang tinig at bahagya siyang tumingkayad bakasakaling may makarinig sa kabila.

"May dala ako." Lumingon ito sa bench na nasa bandang kanan nito. Isang paperbag na mula sa kilalang kainan.

Humakbang ito patungo roon at mistulang uupo kaya agad na siyang lumapit para alalayan ito.

"Sana kinontak mo na lang ako para ako na mismo ang nagpunta sa 'yo." Matapos itong makaupo ay itinabi niya ang saklay nito.

"Pasensya ka na, gusto kasi kitang sorpresahin."

Sumenyas ito na maupo siya sa tabi nito, kaya naupo siya.

Matamis ang pagkakangiti nito habang nakatingin sa kaniya, tila tinitingnang maigi kung bukod ba sa wrinkles ay may iba pang nagbago sa kaniya.

"Ang ganda-ganda mo pa rin," turan nito. "Ngayon nagsisisi na ako kung bakit hindi ko personal na inalam ang sagot mo noon."

"Eugene, tapos na 'yon. Huwag na nating pag-usapan pa."

Saglit na namayani ang katahimikan sa paligid, maliban sa pagbi-videoke ng kung sino na nakakabulahaw na nga, wala pang tinatamaang tono.

"Na-miss ko ito," pahayag ni Eugene na napahalakhak.

Bawi na lang tayo Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon