Sa sobrang sama ng loob ni Lena, hindi muna siya umuwi. Naglakad-lakad siya sa kahabaan ng highway para makapag-isip-isip. Ganito ang ginagawa niya kapag naguguluhan siya. Nakaka-distract din kasi ang ingay ng mga sasakyang akala mo, sa express nagmamaneho sa sobrang bilis. Idagdag pa ang mga tricycle na nakakatawid dito kahit ipinagbabawal. Lalo na ang mga motorsiklo na kung saan-saan sumisingit, makaiwas lang sa traffic.
Kapag ginagawa niya ito, nagigising ang kalamnan at isipan niya. Nawawala ang distraction dahil kailangan niyang maging alerto. Mamaya bigla na lang siyang maging giniling kapag may humarurot na provincial bus.
Inabot na nga siya ng dilim kalalakad. Nangangati na rin ang ilong niyang malamang puno na ng alikabok. Hindi na niya ito gaanong inintindi. Maya-maya ay napatingala siya sa signboard ng isang bar na may pangalang 'Venus'. Isa itong restobar kaya naisipan niyang pumasok para dito maghapunan.
Pagpasok niya, maraming guwapong server na walang pang-itaas, pero naka-apron. Namimintog ang muscles ng mga ito kaya nagtataka siya kung restobar ba talaga ito o gay bar? Wala naman sigurong macho dancer na bigla na lang magpo-pole dancing sa stage?
Sa isang bakanteng table siya naupo, malayo sa ibang customer na nag-iinuman at nagkukuwentuhan. Nasa gilid siya malapit sa bar kung saan may bartender na abalang magpunas ng baso. Magalang itong bumati at nagtanong kung mag-o-order siya ng alak.
"MP na lang," pahayag niya.
Isang server din ang lumapit para kunin ang order niya.
"Bigyan mo ako ng sisig with fried rice, saka itong peanuts n'yo."
Habang naghihintay si Lena, ini-enjoy niya ang bandang live na kumakanta. Maganda ang boses ng female vocalist na mala-soul siren. Bagay na bagay sa aura ng paligid ang kanta nitong 'Nosi Balasi' na ginawa nitong RNB. Sunod-sunod na ang pagkanta nito ng mga hits noong 80's at 90's kaya para lang silang nag-travel sa time machine.
Nang dumating ang order niya, magana siyang kumain at uminom kahit mag-isa lang siya. May ilang lalaking nagtatangkang lumapit, para alukin siya sa networking pero itinataboy niya lang ang mga ito.
Sa kabila ng pagkain at pag-inom niya, naiisip pa rin niya ang sitwasyon ng mama niya. Kahit pa sinabi nitong hindi siya anak ni Mr. Felicidad, bakit kaya may pagdududa pa rin siya? Hindi naman para magsinungaling ang mama niya.
Maya-maya pa, halos hindi na niya namalayan ang oras. Ang bote nga ng MP na kaharap niya, halos mangalahati na pala niya. Kaya siguro, medyo nahihilo na siya. Kailangan na siguro niyang umuwi. Matindi na ang tama niya. Natatawa na siya nang mag-isa, eh.
Kahit 'yong bartender na nakatingin sa kaniya, natatawa na rin.
Teka, parang hindi. Parang pinagtatawanan siya nito, eh?
Marahan niyang iniangat ang hintuturo at kahit parang pasmado ito at hindi mapakali, tumuro pa rin siya sa lalaki. "Ikaw, may problema ka ba sa akin? Anong nakakatawa?"
"Hindi po," sagot ng lalaki. "Nakakatuwa po kasi ang mga kuwento ninyo."
Napaturo si Lena sa sarili. "Ako? Nagkukuwento sa 'yo?" Medyo husky na rin pala ang boses niya. "Hindi kaya!"
"Anong hindi? Dinig nga namin dito, eh," sagot ng isang mama sa kabilang mesa.
Saka lang niya napansing, halos lahat ng customer doon, sa kaniya na nakatingin.
"Sige na, Miss, ituloy mo na," pahayag ng babae sa bandang kaliwa. "Sino ba 'yong dating pulitiko na kinabitan ng nanay mo?"
"Talaga bang malaki ang pagdududa mong nagsinungaling sa 'yo ang mama mo, na hindi ka anak ng pulitikong iyon?" wika pa ng isa sa bandang dulo.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...