"Ayos. Hindi ko alam kung taxi ako o ano," bulalas ng lalaki matapos mapatingin sa rearview mirror ng kotse nito.
Huminto lang naman ito kanina dahil napansin ang dalawang babaeng balak nang matulog sa harap ng club. At dahil kilala nito ang isa, walang mapagpilian ang lalaki kundi isakay at ihatid ang mga ito.
Pero ang totoo, parte lang ito sa dahilan nito. Kung tutuusin, lihim itong nagpapasalamat na magkakaroon na naman ito ng pagkakataong makita si Yumi.
Kaso, hindi inaasahang nagkatrapik pa dahil mukhang may banggaan sa rutang daraanan nila.
Naalarma lang si Harold, dahil isa sa mga babaeng sakay nito, umiiyak at naghahanap ng lollipop. Inaalo ito ng kapatid ni Yumi na marahang pinupunasa ang luhaang pisngi ng kasama. Napapailing na lang ang lalaki sa naririnig.
"Huwag kang mag-alala, bibili tayong maraming lollipop," pahayag ni Lena na bumaling sa lalaki. "Eugene, pakihinto naman sa convenience store."
Napalingon si Harold sa mga ito. "Miss, hindi nga ako si Eugene." Nangunot na ang noo nito. "Bakit ba siya naghahanap ng lollipop?"
"Naiwan kasi namin sa club 'yong pulutan niya, Eugene," tugon nito na halos wala na rin sa pokus ang mata.
"Pulutan?" bulong ng lalaki na mariin nang napapikit dahil mas lalong bumagal ang trapiko.
Halos nakahinto na sila sa kalyeng puro sasakyan at liwanag ng mga ito ang makikita. May ilan pang sunod-sunod na nagbubusina, na para bang maiibsan ang trapik kung mag-iingay sila.
"Hay naman..." pagrereklamo ni Harold. Saka naman ito naalarma nang bumukas ang pinto sa likod. Kaagad bumaba ang babaeng kasama ng kapatid ni Yumi.
"Sandali, Karen." Kahit si Lena ay bumaba na rin.
"Naku, naloko na," bulalas ng lalaki na bumaba na rin para mahabol ito.
Lumapit ang dalawa sa sidewalk vendor na nasa gilid.
"Manang, pabiling lollipop," turan ng isa na mangiyak-ngiyak pa rin.
"Naku, Anak, balut at mani lang ang itinitinda ko," pahayag nito na base sa ekspresyon, nababatid kung anong mali sa dalawa.
"Bakit, Manang? Magsara na kayo--"
Hinaltak na ito ni Lena. "Huwag ka ngang ganiyan. Ang bastos ng bunganga mo. Mag-sorry ka kay Manang."
"Ano bang ginagawa n'yong dalawa?" pagtawag ng lalaki sa mga ito.
"Eugene, bibili lang kami ng lollipop." Pangiti-ngiti si Lena na naglabas ng wallet.
"Ano ka ba, hindi 'yan si Eugene!" saway ni Karen na bigla ng tumatawa ngayon. "Grab driver natin 'yan. Kamsamhabnida. Sumimasen. Sawadee ka." Pinagdaop pa nito ang kamay saka yumukod.
Napasapo na lang sa mukha si Harold saka tinanaw ang kotse. Mukhang hindi pa naman sila makakausad agad dahil sa trapik. Mabuti at may convenience store sa malapit. "Ako na lang ang bibili. Bumalik na kayo sa kotse."
Mukhang wala namang narinig ang dalawa na pareho nang pangiti-ngiti ngayon.
"Anak, bumili ka na. Titingnan ko na lang sila," alok ng matanda.
"Okay po." At mabilis nang tumakbo si Harold papasok ng convenience store.
Nagsimula naman si Lena na makipagtitigan sa basket ng ale.
"Bakit, Ineng, gusto mo ba?" usisa ng matanda.
"Bigyan n'yo po akong tatlo," wika ni Lena na iniangat pa ang tatlong daliri.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
Ficção GeralDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...