Hindi alam ni Lena kung bakit kasabay ng paghinto ng mundo niya, mistulang tumigil din ang pagtibok ng kaniyang puso.
Pinilit lamang niyang hindi ipahalata. Muli siyang tumingin sa kaniyang phone at pinatay na lang ang recording. "Ex mo siya. Okay." Nagpilit siya ng paghalakhak at napasulyap sa labas ng bintana.
Nagpatuloy naman si Eugene, "Muntik na akong mag-propose sa kaniya. But on the day of my proposal, sa hotel kung saan ko inihanda ang surprise ko, nakita ko siya with another guy."
"Hotel? Malay mo naman, kumain lang sila," bulalas niyang ayaw na itong pakinggan.
"Lena, lumabas sila mula sa isang VIP suite doon. Kung ano mang kinain nila, hindi ko na gustong malaman pa," tugon ni Eugene sa mariing pananalita.
Naramdaman na lang niya ang pag-init ng kaniyang pisngi. Medyo na-awkward tuloy siya dahil sa narinig mula sa lalaki. "Baka nagpa-room service lang, ganoon," wika niyang nag-iwas ng paningin.
"Ano ka ba naman, Lena? Matanda ka na para magpa-inosente pa. Alam mo na ang tinutukoy ko," wika ng lalaking nasa tinig ang pagkairita.
"Oo, alam ko, huwag kang mag-alala! Nasa apelyido ko nga, 'di ba?" bulyaw niyang muli itong pinanlakihan ng mata.
***
Mula sa mga nakuha niyang impormasyon kay Eugene, kaagad nagsimula sa pagtakbo sa ibabaw ng keyboard ang kaniyang mga daliri, na kasalukuyang abala sa pagtitipa ng artikulo patungkol sa bahong itinatago ni Kimmy Choo. Paniguradong pagbalik ng mukhang kabayo nilang editor, magugustuhan nito ang naturang istorya.
Medyo naaawa lamang siya at nag-alala para sa kababata. Hindi rin biro ang sakit na idinulot ng mala-diyosang babae sa puso nito. Ang kilalang artistang blockbuster drama queen ng taon at hinahangaan dahil sa mga pinagbidahan nitong teleserye tungkol sa kabit, pakikipag-agawan ng asawa, anak, magulang, maging aso ng kapitbahay. Hindi niya lubos maisip na ganoong klaseng babae pala ang tinitingala ng lahat, lalong-lalo na ng mga kabataan.
Medyo nagtataka lang siya sapagkat sa kaniyang pagkakaalala, sinabi ni Eugene na may girlfriend ito ngayon. Kung ganoon, sino kaya ang tinutukoy nitong hindi pa raw pumapayag na maging asawa nito?
Baka naman bagong girlfriend?
Saglit siyang nag-inat at inilapag muna sa gilid ang notebook na kaniyang kinokopyahan. Sakto naman ang pagtunog ng mala-kambing niyang ringtone.
Nang kaniyang tingnan, natuklasan niyang tumatawag si Ate Mila.
Kaagad niya 'yong inilagay sa kaniyang tainga. "Ate, bakit napatawag ka? Anong oras na, ah?"
"Ah, natutulog ka na ba?" tanong nito sa kabilang linya.
"Siguro, oo. At kasalukuyan kong napapanaginipang kausap ka sa phone ko," pamimilosopo niya.
"Palabiro ka talaga." Narinig niya ang pagngiti nito. "Nabalitaan ko kasi kay mama na umuwi si Eugene at sa bahay nakatira ngayon," bulalas ni Ate Mila at ramdam niya ang pag-aalangan sa tinig nito.
"Ah, oo. Bakit, Ate, may kailangan ka ba sa kaniya?" usisa niya.
"Wala naman. Pero tutal, napag-usapan na natin siya. Kumusta na ba siya. Narinig ko kay mama, ang laki na ng ipinagbago ni Eugene, ah?"
"Medyo nagmukha na siyang tao," sagot na lang ni Lena saka napahalakhak. "Sabi niya kasi, araw-araw na siyang naliligo ngayon."
Naulinagan din niya ang mahinhing pagtawa ng kaniyang kausap. "Naku, mukhang tama si mama, bagay nga kayo ni Eugene. Akitin mo na kaya siya nang makapag-asawa ka na. Matanda ka na rin naman."
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...