Wala naman itong ibang sinabi. Ni hindi rin siya nito sinisisi. Iyon ang kagandahan kay Yumi kapag nagsisimba sa simbahan nito, nagiging mas maunawain ito sa mga bagay-bagay. 'Yon nga lang, kung minsan, para itong may dual-personality, lalo na kapag 'di nakapagsisimba.
"Ah, ano na bang balita sa buhay mo? Nagtatanong kasi si Eugene, wala naman akong maisagot," pag-iiba ni Lena sa usapan.
"Okay naman ako sa trabaho ko. Maganda ang company at maraming benefits ang agency namin," paliwanag nito na parang ang gaan-gaan ng buhay nito at stress-free, 'di tulad sa kaniya.
"Pero contractual ka," pagbibigay-diin niya sa katotohanang 'yon.
"Ate, okay lang. Pangsamantala lang naman hangga't hindi ako nakakapasa sa board," tugon ni Yumi sa ibabaw ng mga ngiti.
"Oh, sya, sige. Pero matanong ko lang," pagbuwelo niya. "May boyfriend ka ba ngayon na forenjer at taga-La Salle?"
Nangunot lang ang noo ni Yumi. "Wala naman. Ang kilala ko lang na forenjer ay 'yong Chinese na kapitbahay ni Ate Mila, si Kuya Yuan."
"So, wala kang boyfriend ngayon?"
"Wala, Ate. Matagal na kaming nag-break ng longtime boyfriend ko."
Siya naman ang nanlaki ang mata. "May naging longtime boyfriend ka? Bakit hindi ko kilala?"
"Ang hirap kasi sa 'yo, Ate, masyado kang busy. Pero, okay lang sa akin 'yon. Naiintindihan ko naman." Mapait itong ngumiti, ngunit ramdam niya ang lungkot sa boses nito.
Medyo nakonsensya tuloy siya. Malapit naman sila noong mga bata pa sila, ngunit mula noong makapagtapos siya ng highschool, nag-iba na ang lahat.
Dahil kaya iyon sa nangyaring away nila labing-dalawang taon na ang nakararaan?
"Naalala ko, Ate, nasa 'yo pa ba ang ibinigay kong Bible dati?" biglang tanong ni Yumi.
"Bible? May binigay kang Bible sa akin?" usisa niyang napaisip sa sinasabi nito.
"Oo, matagal na. Hindi mo ba natatandaan? Naka-gift wrap nang ibigay ko noong nag-birthday ka. Sa pagkakaalam ko, first year college ka noon. Nakalimutan mo?"
Saka naman niya naalala. "Ah, 'yon ba? Siguro naman nasa bahay lang iyon. Bakit?"
"Ni minsan ba, hindi mo binuklat 'yon?" muling tanong nito na tila tinitingnang maigi ang reaksyon niya.
"Hindi. Bakit ba bigla mong naitanong 'yan?"
Kinuha nito ang kamay niya at marahang hinaplos. "Sana kapag nagkaoras ka, buklatin mo naman 'yon, at nang makakita ka nang magandang balita."
Saglit na napatingin si Lena sa kamay nito. "Yumi, hindi ako para doon. Ililigtas naman ako ng Diyos kung gusto Niya."
"Ang Kaligtasan ay para sa lahat, basta't magtitiwala ka sa Kaniya," wika nitong hinawakan ang kaniyang braso.
"Yumi, may tiwala ako sa Kanya, sa church n'yo wala," sagot ni Lena na hinigit na ang kamay.
"Ate naman?" pag-alma ni Yumi, "Basta, pagdating ng oras, huwag mo akong sisisihin-"
Naagaw ang atensyon nila nang biglaang bumusina ng napadaang sasakyan. Saka naman niya nilingon si Yumi. Ang alam niya'y may iba pa itong sinabi pero 'di naman niya narinig.
"Oras ng alin, ng paghuhukom? Ah, mauna na nga ako sa 'yo. Umuwi ka na rin at anong oras na," sabi niyang nagpaalam at kumaway na rito.
Sa kaniyang pag-uwi sa phase nila, inabot pa siya ng pagkaimbiyerna.
B*wisit talaga 'yong traysikel drayber na 'yon!
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...