Kadarating lang ng kanilang ina na maraming bitbit na pinamili mula sa supermarket. Para 'yon sa ihahanda sa graduation niya na bukas na gaganapin. Lumapit si Lena para tulungan itong magbitbit. Kasunod naman ng ina si Yumi na may dala ring ilang plastik na may malaking logo ng WallerMart.
"Bakit parang ang dami n'yo po yatang pinamili?" tanong niya sa ina na dumiretso sa kusina.
Matapos mailapag sa mesa ang ilang malalaking supot, kinuha nito ang mga karne para mailagay sa ref. Tumulong naman siya sa pag-aayos ng ibang pinamili nitong de lata papasok sa kabinet.
Matagal bago nakasagot ang kaniyang ina na matapos bumuntong-hininga ay saka naman napailing. "Naalala ko ang ate mo, pinag-grocery ko na rin kasi siya." Mahahalata naman sa pagod nitong mga mata ang labis na pag-aalala.
"Nagkamali yata ako. Siguro, hindi dapat muna ako pumayag na magsama sila. Kung tutuusin, kaya ko namang suportahan ang ate mo at ang baby niya hanggang makapagtapos siya. Nag-aaral pa si Jeric, kaya sigurado akong limitado ang pera nila. Mahihirapan lang siya roon."
"Ma, bakit mo ba 'yan pinoproblema?" tanong niyang napahinto sa ginagawa. "Pagkakamali 'yon ni ate, kaya kailangan niyang panindigan. Nagpadala siya kaya nangyari 'yon sa kaniya."
Bumaling naman sa kaniya ang ina na tinapik-tapik ang kaniyang likod. "Kaya ikaw, Anak, sana, bago mo maisipang mag-boyfriend, alamin mo muna ang presyo ng gatas at diaper, para hindi ka magkamali."
Kaagad naman siyang nairitang dumistansya. "Ma, naman? Boyfriend lang, gatas at diaper agad?" alma niya.
"Doon na rin hahantong 'yon kapag nagkataon. Alam ko dahil 'yang edad n'yo, pinaggalingan ko na rin yan," sagot nito.
Saka naman sumali sa usapan si Yumi na pumasok na rin sa kusina. "Grabe naman kayo kay ate, wala namang nanliligaw riyan, eh. Paano 'yan magkaka-boyfriend?"
Agad namang kumulo ang dugo niya. "Bakit, sa 'yo ba? Mayroon?"
"Oo naman," pagyayabang nitong itinikwas pa ang dulo ng buhok gamit ang kamay.
"Eh, Ma, ito pala ang dapat mong sabihan, eh. Baka matulad 'yan kay ate," pahayag niyang napaturo kay Yumi na nasa tabi na ng ref.
Natigilan naman ang kanilang ina nang mapatingin ito sa may bandang likuran niya.
Lumingon tuloy siya at doon niya napansin na naroon pala ang ate niya, nakayuko at tila napahiya dahil sa bagay na kaniyang nasabi.
Gusto niya sanang mag-sorry, pero wala namang ano mang lumalabas sa bibig niya.
Bakit ba kaya kahit kailan, napakahirap para sa kanyang bitiwan ang salitang 'yon, lalo na sa kanilang pamilya?
Pero kapag pabiro, o kaya naman ay sasabihin sa ibang tao, napakadali at napakasimple lang n'on.
"Mila, buti dumalaw ka?" sabi ng mama nila nang lapitan ang Ate Mila niyang mahahalata na ang tiyan sa suot nitong navy blue na bestida. "Tamang-tama, magluluto ako nang masarap na tanghalian, dito ka na kumain, ha?"
Nagpilit ng ngiti ang kaniyang ate.
"Dumaan lang po ako kasi nagsimba kami ni Nanay," sagot ng ate niya patungkol siguro sa biyenan nito. "May pinuntahan lang siya sa kabilang kanto, sabi ko, dadaan muna ako rito.""Eh di, maganda. Kapag natapos siya roon, dito na siya dumiretso, at dito na kamo kayo kumain."
"Hindi na, Mama. Gusto ko lang po kayong makita," sabi nitong napatingin sa mga mukha nila. "Sige po, aalis na po ako," paalam nito at tumalikod na sa kanila.
"Ma, 'yong grocery para kay ate," wika niya nang biglang maalala.
Itinuro ng mama niya ang mga plastik na bitbit ni Yumi at naroon nakalapag sa gilid ng pinto sa kusina. Kaagad niya yung kinuha at mabilis na hinabol ang kapatid.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...