Dinala siya ni Migs sa kilala at mamahaling lomihan na nasa malapit lamang sa kanilang opisina. Nakatatawang dito sa lugar kung saan nakipaghiwalay noong nakaraang linggo siya naisipang pakainin ng tukmol na 'to.
Maingay sa paligid dahil sa pagdagundong ng awitin ng isang rapper na napakabilis ng dila, pero wala namang laman ang sinasabi. Mema lang.
Medyo marami na ring tao dahil malapit na ang oras ng tanghalian. Nakapuwesto sila sa tabi ng bintanang salamin na natatanaw ang kalsada sa labas. Abala naman ang sunog na hitong nakaupo sa kaniyang tapat sa pagbubuklat ng menu.
Pangiti-ngiti pa ito at cool na nagtanong, "The usual mo?"
"Oo, sige. Bahala ka," tugon niyang saka uminom ng malamig na tubig na nasa harap niya.
Ngayon, nasisiguro na niyang hindi niya talaga ito minahal. Hindi niya nga alam kung bakit niya ito sinagot noon. Baka bored lang siya o baka naman, na-vetsinan nito ang kinakain niyang lomi dati.
Ilang linggo din siyang niligawan nito, at nagtagal naman sila ng tatlong buwan, pero nitong nakaraang linggo lang, dito mismo sa kainan na 'to ay nakipaghiwalay ang hito. Ang lakas ng loob!
Nang mga oras na 'yon, masaya pa silang nag-uusap at nagtatawanan kagaya ng ibang mga couple na kupal na naniniwala sa forever.
Hindi niya inaasahan ang sunod nitong sinabi sa kaniya.
[Flashback]
"Lena, tingin ko, napaligaya na kita. Siguro naman, nabago ko na ang pananaw mo sa mundo, 'di ba?" panimula nito na pinasingkit pa ang bilugang mata. "Alam mong sobra kitang hinahangaan, pero this time, kailangan na kitang pakawalan."
Parang g*g* lang, 'di ba?
"Ano bang pinagsasabi mo riyan?" bulalas niyang nangunot ang noo.
"Ang mga kahinaan ko talaga ay ang mga gaya mong hindi masaya, nagiisa sa buhay at madilim ang tingin sa mundo. Palagay ko, sapat na ang panahong inilaan ko para mapasaya ka. Pakiramdam ko kasi, 'yon ang misyon ko sa mundo, ang magpaligaya. Ngunit, Lena, patawarin mo ako, kasi, may nakita na akong isang taong mas malungkot pa kaysa sa 'yo," paliwanag nitong sa napakaseryoso nitong mukha, kasabay ng pasimpleng pagkamot sa ilong nito.
"Nakasinghot ka ba ng rugby kanina? Ano bang problema mo? Anong misyon ang pinagsasabi mo riyan?"
"Nakikipag-break na ako sayo, Lena," pahayag nito sa napakapormal na pananalita. "Huwag sanang sumama ang loob mo."
Napahalakhak siya ng mga oras na 'yon dahil wala siyang maisagot.
"Lena, please." Tila ito pa ang mas nahihirapan kaysa sa kanya ng mga panahong 'yon.
Napailing siya saka siya tumugon, "Huwag kang mag-alala, hindi masama ang loob ko. Bayaran mo na lang ang kinain natin, ha?" Tumayo na siya at hahakbang na sana.
Pero, hindi niya matiis na wala siyang maibibigay rito, kaya huminto siya at inundayan si Migs ng suntok sa mismong mukha nito.
Kasunod ng pag-atungal ng lalaki ay ang kusang paghawak ng kamay nito sa nagdurugong ilong. Napatingin ito sa duguang daliri, pabalik sa kaniya habang nanlalaki ang mga mata. "Lena!"
Sumilay ang plastik niyang ngiti. "Hindi masama loob ko sa 'yo. Ayaw ko lang maging unfair sa sarili ko, kaya ayan. Para quits tayo," bulalas niyang inilapit ang bibig sa tainga ng lalaki. "Mag-ingat ka palagi, ha? Tingin-tingin ka rin sa likuran mo kapag naglalakad sa mga madidilim na lugar, baka kasi, magpakuha ako ng serial killer at pabutasan ka sa tagiliran.
Tumayo na siya nang maayos at pinagpagan ang damit. "Siraulo. Lakas ng trip mo eh, ano? Misyon mong magpaligaya? Che!" bulyaw niyang nagmadali nang naglakad palabas.
BINABASA MO ANG
Bawi na lang tayo Next Life
General FictionDisclaimer: Huwag Kang Ma-trigger. Ang kuwentong ito ay para sa mga bitter. Ilan sa mga paraan ng paggu-goodbye sa Earth ay pagpigil ng sariling paghinga, pagpapatattoo gamit ang pako na may kalawang at pag-inom ng muriatic na hindi expired. Pero...