Chapter 15: Bracelet

82 4 0
                                    

YVES

"Yves!" rinig kong sigaw niya. "Hindi 'yon ang ibig kong sabihin!"

Mas lalo ko pang binilisan ang aking paglalakad, at kapag minamalas ka nga naman talaga!

Natipalok ako at naputol ang takong ng aking sapatos kaya naman napadapa ako sa magaspang na semento.

Buwisit!

Mabuti na lang talaga at hindi ang mukha ko ang nasubsob sa semento, at mabuti na lang din at naitukod ko kaagad ang aking mga palad at tuhod kaya hindi ko tuluyang nahalikan ang sahig.

"Yves! Are you okay?!" nag-aalala niyang tanong kasabay ng paghawak niya sa aking braso.

Pilit niya akong inaalalayang tumayo ngunit agad kong iwinaksi ang aking braso para tanggalin ang pagkakahawak niya sa akin.

"Kaya ko ang sarili ko." Kumikirot man ang aking tuhod ay pinilit ko pa rin ang aking sarili na tumayo at matapang siyang harapin. "Please, Ezail, stay away from me. Kaya ko ang sarili ko."

Nakita ko ang bahid ng sakit sa kanyang mga mata, at alam kong ang mga salita ko ang naging dahilan upang masaktan siya.

Pero ano ba ang magagawa ko? Kung hindi ko naman siya itutulak palayo... Baka maulit lang ang nangyari noon.

Nandito ako ngayon para ayusin ang lahat at para itama ang lahat ng pagkakamali ko noon, kaya hindi ko na hahayaang maulit ang lahat ng nangyari noon.

Hindi na kakayanin ng konsensya ko kapag nawala ulit si Ezail sa pagkakataong ito.

Nag-iwas ako ng tingin nang mapansin kong titig na titig pa rin siya sa akin habang puno ng sakit at pag-aalala ang kanyang mga mata.

"Bumalik ka na sa loob. Pakisabi sa kanila pasensya na sa inakto ko ngayong gabi." Bahagya akong lumuhod upang kunin ang naputol na takong ng aking kanang sapatos. Napapikit din ako sa sakit nang maramdaman ko ang mahapdi kong tuhod. Bakit ba kasi parang ang malas ko naman yata ngayon?

"Yves, you're bleeding," halos pabulong niyang wika.

Napatingin naman ako sa aking mahapding tuhod at tama nga siya, dumudugo nga ang mga ito.

Nakasuot lang ako ng mini skirt ngayon kaya naman hindi talaga imposibleng masugatan kaagad ang mga tuhod ko mula sa pagkadapa ko kanina.

Magsasalita pa sana ako nang bigla siyang lumuhod sa aking harap at maglabas ng isang panyo mula sa kanyang bulsa.

"Sabi ko naman kasi sa 'yo, hindi ka na dapat nagsusuot ng mga ganiyang sapatos," malumanay na wika niya, Gamit ang panyong kinuha niya mula sa kanyang bulsa ay pinunasan niya ang dugong tumutulo mula sa aking mga tuhod. "Hindi mo man lang din sinuot 'yong sapatos na ibinigay ko sa 'yo."

Marahan at puno ng pag-iingat ang bawat pagdampi niya ng panyo sa aking dumudugong mga tuhod, at sa bawat pagdampi ng kanyang panyo sa aking balat ay hindi ko maiwasang makaramdam ng kirot sa aking puso.

Nakokonsensya na naman ba ako?

Bakit ba kasi kahit maging masama ako sa kanya ay palagi pa rin siyang mabait sa akin? Bakit kahit na lagi akong sumimangot sa kanya ay lagi pa rin siyang ngumingiti sa akin? Bakit ba kasi kahit na anong tulak ko sa kanya palayo ay lagi pa rin siyang bumabalik sa akin?

At bakit kahit anong gawin ko ay nauulit pa rin ang nakaraan?

Gusto ko lang naman ayusin ang lahat pero bakit ganito? Bakit parang umuulit lang ang nangyari noon? Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko para lang baguhin ang mga nangyari noon pero bakit ba kasi ganito?

Every FridayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon