YVES
Para akong baliw.
Gusto ko siyang lumayo sa akin kaya lagi ko siyang tinutulak papalayo, pero ngayon na siya na mismo ang lumayo sa akin ay para namang hinahanap ko ang presensya niya.
Hindi ko kasi maintindihan kung bakit ako nakaramdam nang ganoong klaseng pakiramdam kanina noong nakita ko siyang naglalakad papalayo sa akin.
Hindi ko alam kung lungkot, pagkabalisa, o pag-aalinlangan ang nararamdaman ko kanina.
Bakit ba kasi pakiramdam ko hindi ko na talaga siya makikita pa ulit? Imposible naman 'yon 'di ba?
Hindi pa naman siya mamamatay 'di ba?
What am I even thinking?! Hindi pa siya mamamatay! At hindi siya mamamatay dahil sa pagkakataon at panahong ito ay hindi ko siya hahayaang mamatay.
Babawi talaga ako sa lahat ng kasupladahan at kasamaang nagawa ko sa kanya noon, at ang tanging paraan lang na naiisip ko para makabawi sa kanya ay ang iligtas siya mula sa kamatayan.
Alam ko namang hindi talaga mapipigilan ang kamatayan ng isang tao, pero baka naman puwede kong gawan ng paraan? O kung hindi ko man talaga mapigilan ang pagkamatay niya ay gusto ko na lang siyang sumaya sa natitirang panahon niya.
Ako ang dahilan ng kalungkutan ang pagdurusa niya noon, kaya mabuti na rin siguro 'to. Kung talaga ngang tama ang nararamdaman ko at hindi na talaga kami magkita ay hahayaan ko na lang. Ang mahalaga ay maging masaya siya sa buhay niya ngayon.
Bahala na rin 'yong bracelet ko, makakabili naman ako ng bago.
Habang nakasakay sa loob ng aking sasakyan ay tiningnan ko ang relo niyang hanggang ngayon ay hawak ko pa rin.
Nang may tumapat na ilaw sa relo mula sa mga ilaw sa labas ay nakita ko ang brand nito.
Audemars Piguet.
Mamahalin, at sigurado akong hindi bababa sa tatlong milyon ang halaga nito.
Hindi na rin naman ako lugi dahil makabibili na ulit ako ng bagong bracelet kapag binenta ko ang relo niya, pero ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit niya ibinigay ang ganito kamahal na relo sa akin.
Ganoon ba siya ka-confident na magkikita ulit kami?
Pero sh*t! Friendship bracelet nga pala namin ni Steff 'yong kinuha niya! Patay talaga ako nito kapag nakita 'yon ni Steff sa mga kamay ni Ezail! Buwisit talaga!
≫ ──── ≪•◦ ❈ ◦•≫ ──── ≪
Pagkababa ko pa lamang sa aking sasakyan ay agad na akong sinalubong ng isa sa mga kasambahay namin.
"Ma'am, may bisita ka po. Kanina pa po siya naghihintay sa 'yo," agad niyang bungad saakin.
Napakunot naman ang aking noo sa pagtataka dahil sino naman ang bibisita sa akin ng ganitong oras? At kung kanina pa siya ay sino naman siya para hinatyin ako nang matagal?
Nauna nang pumasok ang kasambahay na sumalubong sa akin kaya naman sinundan ko siya. Nagpunta kami sa sala ng bahay at nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Hansen sa sofa.
Feel at home na feel at home ang kanyang pagkakaupo at may yakap pa nga siyang isang throw pillow. Ang sarap din ng pagkakasandal niya sa sofa namin at napakahimbing din ng tulog niya.
Dali-dali akong lumapit sa kanya at kinuha ko ang isang throw pillow sa tabi niya at malakas iyong hinampas sa kanya.
Agad naman siyang nagising at sa gulat niya ay napabalikwas pa siya.
BINABASA MO ANG
Every Friday
RomanceYves Samara Valencia was forced to marry Spencer Ezail Fulgencio, but that doesn't end with that. Their parents also forced them to spend time together every Friday night. That's why for Yves, Friday is a hell day. It seems like Friday is an unlucky...