IMPIT AKONG UMIIYAK sa isang sulok ng maliit at madilim naming barong-barong. Tanging iisang gasera lamang ang nagbibigay liwanag sa buong kabahayan.
"Ate, nagugutom na po ako." Napasinghap ako nang marinig ko ang boses ng limang-taon kong kapatid.
Agad kong pinunasan ang aking mga luha't hinarap sya. "Kunting-tiis nalang Raf, parating na 'yon si Lola." Saad ko sa malumanay na tinig.
"Kaninang umaga pa sya umalis, pero madilim na wala pa rin sya." Sagot nya. "Siguro kasama na naman sya ng mga kaibigan nya, umiinom." Nakanguso niyang dugtong.
Parang kinurot ang aking puso sa narinig kong iyon.
Paano iyon nasasabi ng isang batang limang-taon gulang lamang?
Sa murang-edad niya'y mas matured pa sya mag-isip kaysa sa ibang nasa wastong-gulang na, o higit pa. Nasasaktan akong isipin na imbis laruan ang kanyang hawak ay sako ang lagi niyang bitbit, upang tulungan akong mamulot ng niyog na inilalako ko sa bayan—kapalit ng isang-takal na bigas at limang pirasong tuyo. Masuwerte na lamang kami kapag bumagyo, o umulan ng malakas dahil marami akong mapupulot na niyog para makabili ng kaunting karne o masarap na gulay.
Binuhat ko si Raf, at dinala ko sa aming maliit na kusina habang hawak ko naman ang maliit naming gasera. Iniupo ko sya sa papag naming lamesa. "Kainin mo nalang muna itong saging na niluto ko, bukas pagkatapos ng eskwela dederetso ako kila Manang Ruth. Uutang muna ako ng bigas at ulam." Paliwanag ko, kapagkuwa'y binalatan ko ang nilagang saba na napulot ko kanina sa daan—habang ako'y papauwi galing sa eskwela.
"E... ate, tatlong-araw na tayong kumakain ng saging. Kanina panay ang utot ko, ang baho." Inosente niyang tinuran.
Lihim akong napangiti, ngunit agad din naman iyong napawi dahil sa labis na pagkahabag sa aking kapatid. "Sige na, kainin mo na muna 'yang saging. Pangako, bukas gigising ako nang mas maaga para mangutang kila Manang Ruth, para bago ako pumasok sa eskwela may makakain ka." Pigil ang mga luha kong wika.
"Huwag ka nang umiyak, ate. Gusto mo samahan nalang kita bukas mamulot ng niyog?" Aniya habang ngumunguya.
"Hindi ako umiiyak," mariin kong pagtanggi.
"Narinig ko po ang sinabi ni Lola sa teacher mo kanina. Hindi raw nya kailangan ang medalya, dahil hindi raw natin 'yon makakain."
Agad akong pinangiliran ng mga luha. Tumingala ako upang pigilan ang pagpatak niyon sa aking mga mata.
"Pero ako, ate—proud po ako sa'yo. Kasi sabi ng teacher mo ikaw daw ang... valik-valik? Ano nga 'yon?" Nag-iisip niyang tanong.
Hindi ko napigilang mapangiti sa kainosentihan ng aking kapatid. "Valedictorian," natatawa kong sambit.
"Ayon nga po. Sabi pa no'ng teacher, sayang naman daw po kung hindi kana papasok sa high school. Ikaw daw po ang laging nangunguna sa klase nyo e." Dere-deretso niyang pagkukuwento habang panay sa pagkain ng saging.
"Raf, 'di ba sabi ko sa'yo—hindi tamang-asal ang nakikinig sa usapan ng matatanda." Nangangaral kong tinig.
"Sorry po, hindi ko naman po sinasadyang marinig e." Nanliliit niyang tono.
Hinawakan ko sya sa baba at itinaas ang kaniyang paningin. Deretso ko siyang tiningnan sa mga mata bago ako nagsalita. "Okay lang, pero sa susunod huwag mo nalang pakikinggan kapag may narinig kang matatandang nag-uusap, okay?" Malambing kong sinabi.
"Opo," patangong aniya at ngumiti.
Kumuha ako ng saging para sabayan siyang kumain.
"Ate, hindi mo po ako iiwan 'di ba?"
BINABASA MO ANG
Tears in the Rain
RomanceWARNING! This is barely a first draft, and no editing has happened whatsoever, so I apologize for any possible typos and grammatical errors. If I have extra time, I will gradually edit this. ****** Nang mamatay ang haligi ng kanilang tahana'y si Cza...